Kabanata 18: Tres Segundos

Start from the beginning
                                    

Apat na beses niyang hinugasan ang sugat ngunit hindi pa rin siya mapanatag kung kaya't naghilamos na rin siya nang mukha. Ramdam niya ang maliliit na karayom na parang tumutusok sa kaniyang mukha at mga kamay. Sandaling tinitigan ni Socorro ang sarili sa salamin na malabo at naninilaw. Hindi niya maunawaan ang sarili, sa loob ng ilang taon ay naging maayos naman siya, masaya, malaya, at maligaya sa pagsusulat.

Ngunit ngayon ay tila nawalan ng saysay ang kaniyang mga nagawa para sa sarili at para sa pangarap. Ang pag-asa na nakikita niya sa kaniyang pangarap ay tila lumalabo at nawawalan ng kabuluhan dahil sa pagbabalik ng nakaraang pahina na hindi niya nagawang tapusin.

Ilang minuto pang nanatili sa loob ng palikuran si Socorro. Nang maramdaman niyang nabawasan na ang bigat ng kaniyang dibdib at ang pamamanhid ng kaniyang katawan ay huminga siya nang malalim saka naglakad papalabas ng palikuran.

Naabutan niyang pababa si Feliciano, bihis na bihis ito at may dalang maliit na maleta. "Magandang umaga," bati ni Feliciano sa kaniyang mga magulang, kapatid, at mayor doma na nasa asotea at nagtatawanan.

"May lakad ka, anak?" Tanong ni Doña Marcela, ibinaba ni Feliciano ang sumbrero. "Kukunin ko po ang naiwan kong maleta sa tahanan ng pamilya Salcedo," tugon ni Feliciano. Nagkatinginan sina Doña Marcela at Don Epifanio, matapos ang nakakahiyang nangyari walong taon na ang nakalipas sa pagitan ng kanilang pamilya at ng pamilya Salcedo ay hindi na nila nakausap muli si Don Rufino.

"O'siya, ikumusta mo na lamang kami sa kanila," saad ni Don Rufino na nagpatuloy sa pagbabasa ng dyaryo. Ang totoo ay nahihiya silang humarap kina Don Rufino at Doña Josefa Salcedo dahil ang anak nila mismo ang tumanggi sa kasal na sila rin ang unang nagbukas ng usapin.

Tumango si Feliciano at akmang aalis na ngunit humabol si Socorro, "D-dadaan ka sa bayan, Kuya?" Napalingon ang lahat sa kaniya. Buong-sikap na iniwasan ni Socorro ang tumingin sa kaniyang mga magulang at kapatid. Maging si Manang Tonya na natahimik.

"Oo, walang ibang daan patungo sa..."

"Sasama ako," wika ni Socorro na humakbang pa papalapit. "A-ako'y may kukunin sa La Librería," dagdag ni Socorro na mabilis sumulyap sa kaniyang pamilya na mga walang imik at nanatiling nakatingin lang sa kaniya.

Tumango nang marahan si Feliciano, nalalaman niya ang nangyari matapos ikuwento sa kaniya lahat nina Jacinto at Amor nang umuwi siya noon. Bukod doon ay nababatid din niya na walang makakapigil kay Socorro kung nais nitong sumama sa hacienda Salcedo.

"Ibaba mo lang ako sa bayan," saad ni Socorro na mabilis pumanhik sa kaniyang silid upang kumuha ng balabal, abaniko, at salapi. Sinadya niyang lakasan ang boses at sabihin iyon upang unahan sina Don Epifanio, Doña Marcela, Amor, at Manang Tonya na may ibang iniisip sa kaniyang pagsama.


TUMATAGOS ang sinag ng araw sa mga maliliit na uwang mula sa nagtataasang puno na kanilang nadaraanan. Nakalagpas na sila sa bayan ngunit walang sinabi si Socorro na siya'y bababa sa La Librería, bagay na alam na ni Feliciano kung kayat't hindi na niya pinaalala ang sinabi ng kapatid na magtutungo lang ito sa La Librería.

Sinasayawan nang marahan ang kulay dilaw na balabal ni Socorro na nakapayakap sa kaniyang balikat. "Nabasa mo na ba lahat ng pinadala kong aklat noong nakaraang taon?" Tanong ni Feliciano, tumango si Socorro bilang tugon nang hindi lumilingon sa kaniya. Nanatili itong nakatingin sa dinadaanan nilang malalawak na palayan na pag-aari ng pamilya Salcedo.

"Kunin mo na lang din ang mga binigay ko kay Jacinto. Marahil ay hindi niya pa nauumpisahan basahin ang isa," saad ni Feliciano ngunit tumango lang din si Socorro na tila ba may ibang iniisip. Nauunawaan niya ang kapatid na naging laman ng usap-usapan sa paglipas ng panahon. Sa mundo kung saan ang isang pagkakamali ay nagiging kasiraan ng isang tao habambuhay, maging ang isang hindi pagkakaunawaan ay nakakalikha ng bagong ikasisira ay nauunawaan ni Feliciano ang pinagdadaanan ng mga kapatid na babae.

SocorroWhere stories live. Discover now