Kinabukasan, pumunta ako roon para magpanggap na mag-a-avail ng services nila kasi gusto kong makita ang pagmumukha ng babaeng nagpaiyak kay Adria.

Hindi ko ipinaalam sa bata, siyempre. Alam ko kasing pipigilan niya ako.

Gusto ko lang malaman kung mas magaling iyon mag-ingles kaysa sa akin.

Napagtanto ko lang na hindi worth it, mga tsongs. Akala ko nama'y kasindak-sindak para kay Adria. Sows ginoo. Ayaw ko na lang magsalita.

Kaya pag-uwi ko no'n, binilhan ko ng maraming pagkain ang bata. Pinakalma ko't pinasaya.

Ipinaliwanag ko sa kaniyang walang kulang o mali sa kaniya, sadyang napunta lang siya sa mga sitwasyong hindi inaasahan. Sabi ko na lang din na baka inilalayo talaga siya ni Lord sa mas malala pang pangyayari.

At malamang sa malamang, inihahanda siya para sa malaking break na inaasam-asam niya.

Nasa stage pa kasi siya no'n na inaalam niya kung saan talaga siya magaling at kung ano talaga ang gusto niya. Ganoon din naman ako.

IT graduate ako pero parang sa Sales ako mas napunta. Minsan iniisip ko kung itinuloy ko ang Singapore, baka iba ang takbo ng buhay ko. Namin.

Pero okay na rin ako rito sa Singapayb. At least sumusuweldo naman. 

No'ng taong iyon, umalis na rin ako roon sa automotive company kasi hindi ko na-hit ang quota. Napagod din ako sa sistema ko roon.

Para bang 'yong pagod ko'y hindi akma roon sa suweldo ko. Eh 'di lumipat ako sa ibang kumpanya.

Mas maganda nang kaunti ang offer. Pa-company car pa ako. Ayos na rin, sa loob-loob ko.

Pero utang na labas, mas nalaspag ako. All-around ako, mga p're.

Mas hindi ko kinaya ang workload dahil mas marami na ang oras na kasama ko ang mga kaopisina ko kaysa sa magkasama kami ni Adria sa bahay.

Gigising ako ng 6A.M., aalis ng 7A.M., tapos minsan ay makauuwi ng mga 9P.M. at kung mamalasin pa akong mautusan ng boss kong mag-deliver sa Taytay at Pasig, inaabot na ako ng mga alas dose ng hatinggabi.

Hindi muna ako nag-resign kasi ayaw kong magkaroon ng bad record. Kung kaya kong tiisin hanggang six months, gagawin ko.

Saka no'ng mga panahong iyon, ang hirap mag-apply ng trabaho.

Lalo na kung hindi naman sobrang awesome ang credentials mo.

Diyan na ulit nagsimula ang mga paking syet sa aming dalawa ni Adria.

Problemado siya sa sarili niya kasi wala siyang makuhang maayos-ayos na trabaho ulit.

Sinubukan naman niyang mag-buy and sell ng mga gadgets at kung ano-ano mula sa savings niya pero hindi rin gaanong nag-boom. Hindi raw kasi malawak ang koneksyon niya kaya hirap na hirap siyang magbenta.

Nakikita ko namang pursigido siya sa ginagawa niya. Sinusuportahan ko pa nga palagi.

Kahit no'ng nagtinda siya ng mga pagkain, ako ang nangunguna sa pila. Kahit ano pa ang itinda niya, game ako.

Ang sabi ko nga sa kaniya dati, kaya ko namang mag-provide para sa amin. Hindi niya kailangang pressure-in ang sarili kasi kaya ko namang gumastos para sa aming dalawa.

Siya nga ang numero unong dahilan kung bakit kumakayod ako. Alam ko kasing balang araw, dadalhin na rin niya ang apelyido ko.

Kumbaga, kargo ko na siya. Simula nang pinili niyang sumama sa akin, kargo ko na talaga siya. At bukal iyon sa loob ko.

Kalmado (A Stand-alone Novel)Where stories live. Discover now