Inilabas ko ang cell phone ko at ipinakita sa kaniya ang litrato kung saan kasama ko sina Jiovanni at Allestair. Picture pa ito noong nag-stopover kami papuntang Ilocos Sur.

"Nasaan siya ngayon?" Bakas sa mukha niya ang kasiyahan.

"Nasa Ilocos Sur na siya ngayon, kasama na niya ang mga magulang niyo," deretsahang sabi ko dahil ayaw kong patagalin ito.

Inilayo niya ang kaniyang tingin at saka umiling-iling. "Ano naman ang balita sa kanila?" Napalingon siya sa akin kaya nakita kong naipon na kaagad sa mga mata niya ang luha. "Kumusta si Allestair?" Bakas sa kaniyang mga mata at sa tono ng boses niya ang labis na pagmamahal at pag-aalala para sa kapatid.

"Ayos naman sila, napatawad na ni Allestair ang mga magulang niyo." Huminga ako nang malalim. "Ikaw ba?"

"Ewan ko ba." Natawa na lang siya at saka pinunasan ang luhang tumulo pababa sa kaniyang pisngi. "Napatawad na... siguro. Pero 'yong galit at hinanakit, nandito pa rin, hindi nawawala." Napayuko siya at naging emosyonal. "Kung naging mabuting mga magulang lang sana sila, hindi ko sana dinaranas ang buhay na ito ngayon. Hindi ko sana ginagawa ang bagay na hindi dapat ginagawa ng kabataang 'tulad ko."

Napatingin lang ako sa kaniya dahil hindi ko alam kung ano ang tinutukoy niya. Ang alam ko lang ngayon, hindi niya iyon gusto at napipilitan siya.

"Call boy." Muli niyang pinunasan ang kaniyang mukha gamit naman ang laylayan ng damit niya. "Isa akong call boy," nakangiti niyang sabi, pero taliwas ito sa ipinapakita ng kaniyang mukha at mga mata.

Sa lahat ng mga nakilala ko sa paglalakbay kong ito, silang dalawa ni Allestair ang mayroong pinakamalungkot na karanasan. Ang mga mata nila ang nakitaan ko ng labis na sakit at hinanakit. Sila ang pinakamahirap ang naging buhay.

"Alam ko naman na mali. Hindi ko dapat ginawang choice ang trabahong 'to para lang kumita ng pera. Pero ano'ng magagawa ko? Ito lang naman ang mayroon ako, magandang katawan at mukha." Natawa na lang siya nang mapait. "Ang utak, wala, hindi gumagana. Bobo, walang kuwenta, patapon." Muling tumulo ang kaniyang luha.

"Napapaisip na lang ako minsan. Ang dumi kong lalaki, katawan ang puhunan. Kung minsan, sumasali ako sa mga male pageant. Madalas namang manalo, pero maliit ang cash prize, hindi kagaya ng kita sa pagiging call boy, kaya hindi ko matigil-tigilan. Marami nga ang naghahabol sa akin dahil sa hitsura, pero hindi nila alam na maghihirap sila kapag ako ang kasama. Marami na rin ang nagtangkang ipakulong ako dahil daw nabuntis ko sila, pero alam kong hindi sa akin 'yon," paliwanag niya.

Tumango-tango na lang ako at bahagyang nagtaka dahil deretsahan niyang sinabi ang bagay na iyon sa akin samantalang ni hindi pa nga niya alam ang pangalan ko.

"No experience?" natatawa niyang tanong sa akin. Ngayon ay medyo kumalma na siya at nahimasmasan mula sa kaniyang pagluha.

Natawa na lang din ako saka umiling.

"Ang mukhang 'yan, wala? Ginagago mo ba ako?"

Napabuntong-hininga ako. "Kuwentuhan mo ako tungkol sa nakaraan niyo," sabi ko para maiba na ang usapan.

"Teka, sino ka pala?" bigla niyang tanong at itinuro ako.

"Hindi na mahalaga kung sino ako, basta tutulungan kitang makita ulit si Allestair. Pero Kielvinson Ybañez ang pangalan ko."

"Levi Cervantes." Tinanguan niya ako saka siya tumayo at lumapit sa salamin para magsuklay.

Pagkatapos ay naglakad na siya palabas ng bahay kaya wala akong nagawa kundi ang sundan na naman siya. May bitbit lang siyang bag at naroon na ang mga inilagay niyang mga damit. Malapit nang mag-alas-siyete ng gabi kaya madilim na rito sa lugar nila. Pero dahil sa ilaw mula sa mga bahay, naaaninag ko ang aming nilalakaran.

The Night We Met in IntramurosNơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ