"Ano? Nakapag-isip-isip ka na ba? Gagala o lalayas?" biglang tanong ni Celeine habang nakadekuwatro sa ibabaw ng lamesang kahoy.

"Sige, bukas na ako aalis-hapon. Ayos?"

"'Yon!" Halos buhatin na niya ang lamesa nang magbunyi dahil sa naging desisyon ko. "Good choice." Akma siyang tatayo at lalapit sa akin, pero biglang natabig ng paa niya ang flower vase na nasa ibabaw rin ng lamesa at bumagsak ito sa sahig. "Ay, tang-"

"Celeine! Diyos ko, ang vase ko!" Mabilis pa sa pag-ikot ng turumpo ang pagdating ng lola nila rito sa sala. "Hindi talaga matatapos ang araw nang wala kang nasisira. Ikaw talagang bata ka," sermon ng lola niya sa kaniya, pero alam ko namang may halong biro iyon at hindi siya galit.

"Aray ko naman, 'La! Grabe ka sa 'kin, aalis na nga ako. 'Di niyo na 'ko mahal, 'no?" pabiro ding sabi ni Celeine nang pingutin ng lola niya.

Yumuko na siya at saka isa-isang pinulot ang mga piraso ng nabasag na vase ng bulaklak.

"Masusugat ka pa riyan sa ginagawa mo. Sige, kunin mo ang dust pan at walis tingting doon sa labas," utos ng lola niya at saka pinalo ang kaniyang puwit.

"Luh, si Lola, harassment 'yan!"

"Huwag mo nga akong ma-harassment, harassment diyan."

"Ay, hindi mo ba alam kung gaano ako kaastig, 'La?" Tumayo nang tuwid si Celeine at saka humalukipkip.

"Tumigil ka nga sa kalokohan mo, Maria Patricia Celeina! Isa..."

"Ay, personalan. Whole name talaga, Lola Roberta Espinosa Teñozo-Ocampo?" Sinalat niya ang ilong ng kaniya lola at saka nagmadaling tumakbo papunta sa labas para kunin ang walis at dust pan.

"Wala talagang ipinagbago ang batang iyon, makulit pa rin hanggang ngayon. Pagpasensiyahan mo na ang apo ko, ha?" Hinawakan ni Lola Roberta ang balikat ko at saka naupo.

"Wala pong problema," tugon ko, saka ako tumawa nang pilit.

***

"MUDRABELS, ilang taon pa?!" nagmamadaling sigaw ni Celeine habang naghihintay kami sa kaniyang mama.

Lahat kami ay narito na sa minivan at naiwan lang ang mama niya dahil ito ang nagsara ng mga pinto.

"Maghintay ka namang bata ka, pasasakitin mo na naman ang ulo ng mama mo," sabi ni Lola Roberta, sabay hila sa hibla ng buhok ni Celeine na nakalaylay sa likuran ng driver's seat.

Nang makasakay ang mama nila ay agad nagdasal si Lola. Hindi raw siya magiging panatag sa buong biyahe kung hindi siya magdarasal, lalo na't si Celeine ang magmamaneho.

"Ayusin mo ang pagmamaneho, Celeine, baka sa sobrang kaba ako mamatay, hindi sa katandaan," pabiro pang sabi ni Lola Roberta kaya naman sinaway siya ng mama ng magkapatid.

"Relax, 'La, safe kayo sa driving skills ko," mayabang na tugon ng apo niya at saka pinaandar ang sasakyan.

"Diyos ko, ingatan mo po kami." Napadasal na lang si Lola Roberta nang palabas na kami sa gate.

***

NAKASALAMPAK ako ngayon dito sa dalampasigan. Hindi ganoon kalinis ang beach resort na ito pero ayos lang dahil hindi naman ako mapili. Ang mga cottage ay tipikal na cottage sa beach. May kahabaan din ang dalampasigang sakop nitong beach resort. Halos lahat naman siguro ay ganito.

Marami ang mga batang tumatakbo at naghahabulan. Ang iba sa kanila ay nagbabatuhan pa ng seaweeds na napupulot nila. Ang makita ang mga batang iyon na tumatawa at masaya ay sapat na para mapangiti ako. Hindi ko kasi naranasan ang makipaglaro sa mga kapwa ko bata noon.

The Night We Met in IntramurosWhere stories live. Discover now