Chapter 17: Sticky Feelings

Start from the beginning
                                    

"Gano'n na nga, Vice Cap," sagot ni Nikko habang napapabuntong-hininga. "Pakialamero naman 'tong si Anlex at dinala rito mula sa kuwarto ko."

"Sino'ng mauunang taya?" sabik na tanong ni Cherry na katabi ng inaantok na Bastiel. "Alam ko na, si Cleng! Dahil siya ang pinakabago rito!"

"A-Ako?" gulat na tanong ni Cleng habang nakaturo sa kaniyang sarili.

Nagsulat na si Anlex sa isang sticky note at idinikit ito sa noo ni Cleng. Nakasulat ang pangalang 'Cleng' at kailangan niya itong hulaan.

"T-Tao ba 'to?" nahihiyang panimula ni Cleng. Shit, she looks so cute.

"Oo!" hiyaw ng mga nakainom naming mga kaibigan.

"Lalaki?"

"Hindi!" sabay-sabay nilang sagot.

"Bali babae, uhm..." Napanguso ang inosenteng Cleng habang nag-iisip ng sunod niyang tanong. "Maganda ba ito?"

"OO! Sobra!" malakas na hiyaw ko, na siyang naging dahilan para magtinginan sa'kin ang lahat.

Naging tahimik ang buong kuwarto sa mga saglit na iyon. Nag-init ang mga tainga ko dahil sa kahihiyan. Tanging si Cleng lamang ang walang kaalam-alam sa mga pangyayari dahil siya ang taya at hindi niya alam ang nakasulat sa papel.

"S-Si Cherry ba 'to?" napipiyok na sambit ni Cleng.

Nanlaki ang mga mata ko at napanganga sa sinabi niya. Ha? Bakit si Cherry ang inisip niya? Akala ko ay sobrang obvious na ng sagot dahil sa malakas na pagsigaw ko.

Malamang ay ikaw 'yon, Cleng. Sisigaw ba ako nang gano'n kalakas kung hindi ikaw 'yon?

"Hindi," biglang sagot ni Bastiel. Iyon ang unang beses na nagsalita siya. "Maganda si Cherry, pero hindi siya ang sagot."

Hindi naman itinago ni Cherry ang kilig nang paglaruan niya ang dulo ng kaniyang buhok.

Napatunayan kong napakamanhid na nilalang ni Cleng, dahil isang oras na ang nakalipas ngunit hindi niya pa rin mahulaan kung sino. Sinabi niya na pati ang mga pangalan ng mga babaeng artista, pero ni isang beses ay hindi niya naisip na banggitin ang kaniyang pangalan. Mahihirapan yata ako sa babaeng ito, ah.

"Times up na! Baka buong bakasyon na tayong ma-stuck dito!" prisinta ni Tobin. "Cleng, kailangan mong uminom dahil talo ka."

Napangiwi si Cleng habang nakatitig sa basong sinasalinan ni Tobin ng alak. Nakita kong nag-aalala ang kaniyang mukha dahil sa taas nito.

Inabot ni Tobin ang baso, at kukunin na sana ito ni Cleng nang bigla kong inagaw ang baso. Ininom ko ito nang isang lagukan para saluhin si Cleng. Pagkainom ay tiningnan ko siya, at napansin kong saglit siyang namula.

"J-Joonie, napaka-sweet mo naman!" singit ni Anlex na sadyang iniipit ang kaniyang boses para magkunwaring babae.

Agad ko namang kinuha ang papel na nakadikit sa noo ni Cleng at inilagay ito sa 'king bulsa bago niya pa malaman ang nakasulat. Nagngisian ang aming mga kasama dahil napapansin nila ang mga galawan ko.

"Ikaw ang next, Joonieboy!" usal ni Nikko na nagsimula nang magsulat sa panibagong sticky note. Mabilis niyang idinikit ito sa noo ko kaya wala akong nabasa.

"Tao?" panimula ko.

"Oo!" agad nilang sagot.

"Lalaki?"

"Oo!"

"Nasa Green Giants?" sunod kong tanong. Tiyak na mahuhulaan ko agad kung sino kapag umoo sila.

"Oo!" 'Yon, sakto!

"Si Captain Bastiel?"

"Hindi."

"Si Vice Cap Denz?"

"Hindi rin."

"Si Manyak Tobin?"

"Hoy, gago ka, ah!" reklamo ni Tobin.

"Hindi rin!" sagot ng mga kasama ko na natatawa.

"Si Baby Gin?"

"Hindi!"

"Papa Nikko?"

"Hindi rin!"

"Si Gagong Anlex?"

"Hoy, Joon! Gago ka, ah!" Inangat ni Anlex ang kaniyang manggas at pabirong naghahamon ng away.

Napatingala ako saglit para mag-isip. Sino na lang ba ang natitira sa Green Giants? Napadilat ako nang malaki nang mapagtantong sarili ko na lamang ang hindi ko nababanggit.

Tinitigan ko ang inosenteng babae sa tapat ko na nagngangalang Clestiana. Namula ang kaniyang mukha nang mapansing seryoso ang pagtitig ko.

"May pag-asa ba 'to sa'yo?" direkta kong tanong sa kaniya.

Natahimik na naman ang buong kuwarto. Pinanonood kami ng mga kasama namin, na tila ba palihim na natutuwa dahil sa'king diretsahang pagtanong. Nakaabang kaming lahat sa sagot ni Cleng.

"W-Wala..."

Tila ako nabuhusan ng malamig na tubig nang marinig ang kaniyang sagot. Naramdaman ko ang pagkuyom ng aking puso sa sakit.

"Wala talaga? Sigurado ka na riyan sa sagot mo?" May bahid ng pait ang pagtanong ko.

"Oo. Sigurado na 'ko..." nakayukong wika ni Cleng.

Hindi ko na mapigilan. Tumayo na ako roon at hinila ang braso ni Cleng.

"A-Ano'ng ginagawa mo, Joon?" kunot-noong tanong niya nang hatakin ko siya palabas ng kuwarto.

Naririnig ko ang pagtawag sa'min ng aming mga kaibigan mula sa kuwarto, ngunit hindi ko sila pinansin. Hindi nawala ang hawak ko sa braso ni Cleng hanggang makarating kami sa dagat.

Gabi na at madilim ang buong langit. Malakas ang mga alon at lalong malakas ang hangin.

"What's your problem, Joon?" sambit ng medyo nagtataka nang si Cleng.

"What's the problem, Cleng?" pabalik kong tanong sa kaniya. "Wala ba talaga akong pag-asa? Lahat ng mga halikan at pinaggagawa natin 'pag magkasama tayo, lahat 'yon ay wala lang sa 'yo?"

Takang-taka ang mga mata ni Cleng. Umihip ulit ang hangin at nilipad ang papel na nakadikit pa pala sa noo ko. Naagapan kong kunin ito bago pa makalayo. I raised the sticky note close to my face and read what's written on it.

'Coach Michael' ang nakasulat at hindi pangalan ko.

"What the fuck?!" agad na reaksyon ko. "Sabi ko parte ng Green Giants, ah—"

Napatigil ako dahil na-realize kong parte pa rin naman ng Green Giants ang sarili naming coach. Nilukot ko ang papel sa'king kamay dahil sa sobrang hiya.

"Nikko, ibang klase ka talaga! Lagot ka sa'kin, walanghiya ka!" sigaw ko sa hangin.

Naisahan na naman ako ng gagong 'yon. Siya kasi ang pinakamatalino sa'ming magkakaibigan. Siguradong nakaplano ito sa utak niya at alam niya ang magiging reaksyon ko. Nakakainis ang utak ng hayop na 'yon.

Tumingin ako kay Cleng at agad na nakonsensya nang makita ang mga luhang nangingilid sa kaniyang mata. Hinihimas niya rin ang brasong hinawakan ko nang mahigpit kanina.

"C-Cleng, I'm sorry—"

"Ilang beses mo ba 'kong sasaktan, Joon?" galit na hiyaw nito sa'kin.

"Ilang beses? Bakit, ano'ng ginawa ko maliban sa pagkakamali ko ngayon?" nalilitong tanong ko.

"I-I got hurt..." Suminghap muna siya bago ipinagpatuloy ang sasabihin. "B-Because I found out that you like Cherry..."



#DrunkDiaryWP

Drunk DiaryWhere stories live. Discover now