28

92 11 6
                                    

-As the emotional fog begins to clear, the loss feels more real

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

-As the emotional fog begins to clear,
the loss feels more real.

***
Sa gunita ni Leona, kahit lumisan na si Lilibeth at muling rumagasa sa ulan pauwi, nakikita pa rin niya ang hagulgol at pagmamaka-awa nito kanina. Hindi niya binuksan ang ilaw ng k'warto, sa halip umasa siya sa mapanglaw na liwanag ng alikabuking lamp shade.

Nakatunganga siya sa bintana, pinapanood ang bawat pagpatak ng ulan sa makulimlim na kapaligiran. Dinala siya ng unos sa nakaraan at binigyan siya ng iba't ibang diwa.

Sinabi ng bata na kung ipagpapatuloy niya ang pagpapakulong sa pamilyang Soterios, maaaring mawarak nang tuluyan ang pamilya nila, at dalhin siya ng komunidad sa bahay-ampunan.

Bumalik ang ala-ala niya sa itsura ng Angels League Charity for the Children. Parang sa harapan niya'y nakikita pa niya ang itsura ng mga bata roon, ang walang humpay na trauma, at ang walang kasiguraduhan na mabibigyan sila ng maayos na pamilya.

Tumama ang konsensya sa kabuturan ng kaniyang puso. Paano kung maranasan ni Lilibeth ang dinanas din ni Andrea?

Tama ba na maghiganti ang tadhana sa anak ng mga may sala? Hindi ba dapat ay kung ano ang kasalanan ng magulang ay 'di na dapat ipasa sa anak?

Napasapo ang dalawa niyang mga palad sa ulo at hinawi ang mga hibla ng buhok na tumatakip sa mukha. Nilalamon ng pagkalito ang buong utak niya.

Hangarin niya na mabigyan ng hustisya ang anak na hindi nakilala, gayunman ayaw niyang mandamay ng ibang bata. Ilalaban ba niya si Andrea? Kapag ginawa niya iyon, isang inosenteng paslit na naman ang madadamay at mapupunta sa kadiliman.

Hinanap ni Leona ang tamang kaisipan, ngunit nagpapaikot-ikot na ang diwa sa kaniyang utak. Mababaliw na siya sa emosyon.

Napakislot siya nang biglang kumulog at napatingin sa hagupit ng kidlat na halos tumama sa lupa. Biglang tumalbog ang puso niya at hiningal sa kaba. Napasapo siya sa dibdib.

Mukhang nagagalit na ang langit, pati siguro ang Diyos ay namumuhi na rin sa kaniya.

Ang mukha niya'y tuluyang nasira, kinuyom ang mga labi ngunit hindi niya napigilan ang mahinang hikbi na lumabas. Napasubsob ang mukha niya sa dalawang kamay.

"Ako ang may kasalanan 'di ba?"

Hindi niya alam kung naririnig siya ng Maylikha, gayuman ang mga mata niya ay tumuon sa kalangitan na nababalutan ng itim, isang repleksyon ng pait ng Diyos sa dungis ng budhi ng mga tao.

"Ano?! Ako ang may kasalanan 'di ba?!" Tumaas ang kaniyang boses, nakabadha ang galit at gigil na tinuro ang sarili.

Sumagot sa kaniya ang Diyos gamit ang kulog.

"Kung hindi ko siya iniwan, hindi mangyayari ang lahat ng ito! Kung napa-aga rin ako ng paghahanap sa kaniya, maaaring buhay pa siya!" Pag-amin niya sa kasalanan. "Bakit hindi na lang ako ang pinatay Mo? Bakit hinayaan Mo na pahirapan nila at patayin ang bata? Nasaan Ka? Natutulog Ka ba? Marunong Ka bang makinig?"

Ang puso niya ay tuluyan nang nakapitan ng masamang tinta. Mukhang nabulungan na siya ng demonyo na huwag magtiwala sa kakayahan ng Maylikha.

Napasapo siya sa bibig at napaiyak. Pinikit ang mga mata at ang butil ng luha ay tuloy-tuloy na bumuhos, nakipag-unahang pumatak sa mas malakas na ulan.

Nanlambot ang mga tuhod na unti-unti siyang napaupo sa sahig, nakayuko at panay lamang ang hikbi.

Isa siyang magandang halimbawa ng pagkabigo dahil sa mali-maling mga desisyon. Isang halimbawa na hindi dapat tuluran ng sino mang babae.

"Wala akong k'wenta..." panlalait niya sa sarili.

Anupa't tuluyan na nga siyang nilamon ng dilim at masamang kaisipan. Nanalo ang bulong ng demonyo sa kaniya, at may tinanim na sutil na ideya.

Huminto siya sa pag-iyak at ang pagdurusa ay napalitan ng kontrobersyal na galit sa sarili. Nag-aalab ang mga mata niya sa muhi na lumingon sa bintana. Wala nang ibang konsepto sa isip niya kundi tapusin ang paghihirap ng puso.

Binuksan niya ang bintana at tumingin sa ibaba. Alam niya na malaki ang bahay, at nakakalula ang puwesto. Pumasok ang malakas na hangin na naglaro sa kaniyang buhok at nadama ang talsik ng tubig sa mukha. Nagkarera ang mga patak ng ulan na dumapo sa sahig ng kwarto, at naglikha iyon ng kumpulang tubig. Wala siyang paki-alam kung mabasa pa ang silid nila.

Kumulog at kumidlat, tila ginigising ng langit ang diwa ni Leona na nilamon na ni Santanas.

Ngunit wala siya sa sarili na hinila ang upuan sa gilid. Ipinuwesto iyon sa tapat ng bintana, pumatong ang dalawang paa sa silya, kumapit siya sa magkabilang gilid, bago iapak ang mga talampakan sa bintana.

Nababasa na si Leona sa lakas ng hagupit ng bagyo, ang bagyo na siya mismong kasama niya nang iabandona si Andrea.

Hindi na siya nalulula. Determinado na siyang ihulog ang sarili sa ibaba.

Isa na namang kidlat ang umabot sa lupa, mukhang pinatitigil ng Diyos ang balak ni Leona.

Pero hindi na niya naririnig, o nadadama. Manhid na siya. Gusto na niyang tapusin ang nakakabaliw na pagdurusa.

"Ako mismo... Ako mismo ang dahilan kung bakit namatay si Andrea kaya..." Muli siyang tumingala sa langit. "Kaya dapat lang akong mamatay!" Pagsabi n'on ay akma na siyang tatalon upang wakasan ang kaniyang buhay.

"MAMA!"

Natigilan siya.

Nanigas siya sa bintana nang marinig ang sigaw na iyon. Kaninong tinig iyon? Kay Andrea ba?

Luminga siya sa likod at nanlaki ang mga mata. Ang pintuan ay nakaawang kaya nakapasok sa loob ang ilaw na nasa pasilyo. Nakaligtaan niyang ikandado ang pinto.

Nakakapit sa door-knob ang maliliit na mga kamay. Ang mukha ni Archie ay nagdidilim dahil sa gimbal, at lito. Nanlalaki ang mga mata ng bata dahil sa naabutan.

"Mama...." Tawag niya muli. Hindi nito maintindihan kung bakit, hindi pa maproseso ng utak ng paslit ang nagaganap. Ngunit 'di man maintindihan ng isip, naramdaman naman ng kaniyang puso. "M-Mama..." Napa-hikbi ito. "Mama ko..." Tumulo ang mga luha. "I still need you here..."

Para siyang baliw na napatulala. Huminto ang takbo ng isip niya.

Humagulgol ng iyak si Archie habang lumalapit ito sa kaniya."Ma, I need you..."

Natauhan siya. Nabigyan ng kalinawan ang kaniyang magulong isip. Bumaba siya mula sa bintana at ilang segundo na tumitig sa mata ng anak.

Walang patumpik-tumpik na sinugod niya ng yakap ang anak at tumangis din. "I'm sorry, I'm a bad mother," paghingi niya ng tawad.

Umiling lang ang bata habang umiiyak at nakakapit sa nanay.

Nang madama niya ang init na yakap ng anak, ang demonyong nasa utak niya na siyang nagbigay ng masamang ideolohiya ay tuluyan nang lumisan.

G*go talaga siya. Hanggang ngayon, hindi pa rin siya natututo. Hindi maitatama ang mali ng isa pang mali.

***

Welcome Home, Baby Andrea (Completed)Where stories live. Discover now