6

149 25 2
                                    

Kasalukuyang nagmamaneho siya sa Payatas Road. Binabaybay ang kahabaan ng daan patungo sa Lupang Pangako Covered Court. Binanggit sa kaniya ni Inspector Giordani na malapit daw roon ang bahay ni Mr. Erwin Mortero.

Naghanap muna siya ng parking lot para sa sasakyan. Nakahanap naman siya at iniwan niya pansamantala roon ang kotse. Nilakad niya ang diretsong daan at napansin na maraming nakahilerang tindahan sa lugar.

Naglakad siya patungo sa tapat ng court at nakita niya roon si Inspector Giordani na hinihintay siya.

"I thought you wouldn't come," pabirong bati nito.

"Hindi naman p'wede 'yon," sabi lang niya. "Sa'n ba 'yong lalaking sinasabi mo?"

"Follow me," simpleng yaya nito at nauna nang maglakad sa kaniya. Sumunod naman siya sa likod ng kasama.

Naglakad sila sa makitid na eskinita at huminto sa tapat ng batong bahay na may berdeng pinto. Ang pinto lang nito na gawa sa kahoy ang may kulay. Ang buong bahay ay sementado ngunit walang pintura. Iisa ang bintana at iisa rin ang palapag. Mukhang mahirap lamang ang hinahanap nilang tao.

Kumatok si Giordani sa pinto at bumukas naman agad iyon. Lumabas ang isang lalaki na may nunal sa ilong, chubby ang pangangatawan at semi-kalbo ang ulo. Nakasuot lang siya ng sando, shorts at tsinelas na pambahay.

"Sir, ikaw pala 'yan eh," bati nito na pilit na ngumiti.

"Sinabi ko naman sa'yo kahapon, babalik ako rito. Ito pala si Ma'am Castillo, s'ya 'yong tunay na nanay." Tinuro siya ng Inspector at tumango lang siya sa lalaking nasa pinto.

"Nag-usap na pala kayo kahapon?" baling niya kay Giordani.

"S'yempre kailangan ko munang i-confirm ang information 'di ba?" sagot nito sa kaniya. "Pero totoong s'ya nga ang nakadampot kay Andrea... si Mr. Erwin Mortero."

"Ka Erwin na lang, 'yon naman tawag nila sa 'kin dito. Ikaw pala 'yong nanay," turo nito sa kaniya. "Pasok na muna kayo ma'am at dito na tayo mag-usap sa loob."

Niluwagan ni Ka Erwin ang pinto at pumasok silang dalawa sa bahay.

Ang una niyang nakita sa sala ay ang isang batang lalaki. Sa unang sulyap mahahalata mo na may hydrocephalus ang bata dahil sa 'di normal na hugis ng ulo nito. May shunt na nakakabit dito, tanda na naoperahan na siya.

Katabi ng batang lalaki sa pahabang upuan ang ina na nagpapadede ng bote ng gatas sa sanggol. Mataba rin ang babae at nakapuson ang gulo-gulong buhok. Nakasuot lang siya ng bulaklaking bistida.

"Upo po muna kayo." Binuhat ni Ka Erwin ang dalawang monoblock chair at binigay sa kanila. Doon na sila pumwesto samantalang si Ka Erwin ay tumabi sa asawa.

"Ilang taon na s'ya?" Umpisa ni Leona na tinuro ang batang lalaki. Nakuha ng bata ang kuryosidad niya.

"Ah, si Jomar ba? Ten years old na."

"Talaga?" Hindi pa siya naniwala dahil maliit ang paslit.

"Mukha lang 'yang mas bata pero ten years old na po 'yan," paliwanag ni Ka Erwin. "Dahil sa sakit kaya nagkaganiyan. Maayos na nga s'ya ngayon, dati talaga nang ipanganak 'yan sobrang laki ng ulo."

"Ka Erwin, alam mo naman ang pinunta namin dito 'di ba?" singit ni Giordani sa kanila.

"Ah, oo si Baby Andrea," tumango ito. "Ikaw pala ang nanay, ba't mo naman iniwan do'n 'yong bata."

Hindi niya alam kung anong isasagot kaya nanahimik na lang siya.

"Nadampot ko s'ya noong namamasada ako ng tricycle. Huminto lang naman ako r'on para ayusin 'yong tabing ng sasakyan ko kasi nababasa na nga ako. Sobrang lakas ng ulan no'n. Paghinto ko ro'n, ang nakatawag pansin talaga sa 'kin ay 'yong iyak ng baby.

Kahit malakas 'yong iyak ng bata, walang nagtangkang lumabas sa bahay kasi nga... malakas ang ulan! Bagyo iyon eh. E 'di s'yempre pumunta ako ro'n sa pinagmumulan ng ingay. T*ngina... nakita ko 'yong sanggol, basang basa na."

Nang marinig iyon pakiramdam ni Leona ay sinesermunan siya.

"Magulang din kasi ako, naawa naman ako. Dinampot ko saka sinakay ko sa tricycle. Inuwi ko sa 'min."

"Nasa'n na po s'ya?" tanong niya.

"Nako ma'am, wala po rito," umiling ito.

"Ano?" Nagimbal siya nang malaman na wala pala roon si Andrea.

"Kasi ma'am ganito po 'yon... ayaw kasi ng asawa ko--- "

"Ako na po magsasabi," sumingit na si Aling Minerva, ang asawa ni Ka Erwin. "Wala po talaga kasi kaming pera no'n at mahirap lang din po kami. Sinabi ko sa asawa ko na dalhin na lang 'yong bata sa pulis kasi nga wala kaming kakayahan na alagaan. May baby rin po kasi kami no'n," paliwanag nito habang nagpapadede. Lumingon siya kay Jomar na katabi niya sa upuan.

"Ma'am, 'yan po si Jomar ang baby namin no'n. Nasabi nga po ng asawa ko, malala po s'ya no'ng baby pa. Sobrang laki ng ulo n'ya at kailangan namin ng pampa-opera sa ospital."

"Gusto ko man alagaan si Andrea eh wala rin kaming pera. May problema pa kami kay Jomar," dugtong ni Ka Erwin.

"Eh nasa'n na si Andrea?" Nag-aalalang tanong niya.

"Ma'am ito na nga, ikwekwento na nga namin," – si Aling Minerva. "Marami kasing chismosa rito. Alam nila kapag may bagong silang na sanggol, alam na alam nila ang buhay ng iba. Magkakakilala ang magkakapit-bahay rito. May isa kaming kapit-bahay na nagtratrabaho sa subdivision, si Aling Pasing."

"Sino naman si Aling Pasing?" tanong ni Giordani.

"Si Aling Pasing 'yong katulong ng Al-saud family na nakatira do'n sa Tandang Sora. Wala kasing anak 'yong mag-asawang Al-saud, mga Arabo 'yon. Hindi sila magkaanak eh."

Namumutla na ang mukha ni Leona sa mga naririnig niya.

"Nabalitaan ni Aling Pasing 'yong tungkol kay Andrea, sinabi niya sa amo niya. Nagpunta rito 'yong may-bahay ng Arabo. Nag-usap-usap kami. Kaming mag-asawa, si Mirriam Al-saud, at si Aling Pasing pumunta sa baranggay at nagkasundo kaming lahat doon. Nagpirmahan kami ng kasulatan."

"N-Nagkasundo?"

"Opo ma'am, binigyan kami ng pera kapalit ay sa kanila na si Andrea."

"Binenta niyo siya?" Hindi niya intensyon na sabihin iyon ngunit hindi niya napigilan dahil sa bugso ng damdamin. "Binenta n'yo ang anak ko?"

"Hindi naman po sa gano'n," pangangatwiran agad ng babae. "Walang-wala rin po kasi kami no'n. Dahil sa perang binigay nila napa-opera ko si Jomar."

Napatingin si Leona sa batang lalaki na naroon. Kawawa rin ang pamilyang ito kung tutuusin.

"Saka ma'am kung 'di po nakuha ng asawa ko si Andrea baka nalunod na 'yon sa baha. Kinabukasan ay binaha sa pinag-iwanan n'yo ng bata." Bilang ganti ay nagkomento na rin ng nakaka-offend ang ale.

"Grabe ka naman, Minerva. Nawala rin naman agad 'yong baha," saway ni Ka Erwin sa asawa.

"Kahit na! Hindi makakatagal 'yong baby do'n."

"Hindi eh, mali ka naman, Minerva!"

Dahil sa sinabi nilang iyon nagbalik sa puso ni Leona ang guilt. May punto naman ang opinyon nila. Sa kaniya nagsimula ang trahedya sa buhay ni Andrea. Nagyuko na lang siya ng ulo at nanahimik habang nagtatalo ang mag-asawa.

Napansin naman ni Inspector Giorvani ang pananahimik niya kaya ito na ang nagtanong.

"Ehem," pekeng ubo ng Inspector at bumaling ang mga mata ng mag-asawa rito. "P'wede ko bang makuha ang detalye ng Al-Saud Family?"

"Do'n po sa barangay hall o kay Aling Pasing. May mga information po ro'n kay Miriam Al-Saud. Samahan na lang po kayo ng asawa ko," suhestyon ni Aling Minerva.

***

Welcome Home, Baby Andrea (Completed)حيث تعيش القصص. اكتشف الآن