Napasulyap si Finn kay Eon dahil sa tanong nito, pero muli niyang itinuon ang kanyang atensyon sa mga imahe, at sinimulan niya na rin ang pagpapagana sa mga magic cannon na nakakabit sa air ship.

“May solusyon na ako para lutasin ang problema. Gagamitin ko ang mga magic cannon ng air ship na ating sinasakyan,” tugon ni Finn. Sandali siyang huminto sa pagsasalita bago muling magpatuloy, “Ang mga magic cannon na ang bahalang pumigil sa mga bulalakaw na haharang sa daraanan ng ating sinasakyan. Siguro naman ay sapat na ang mga magic cannon na ito para wasakin at pulbusin ang mga bulalakaw.”

“Tungkol sa mga makakalusot, kayang-kaya iyong salagin ng barrier ng air ship. Ganoon man, kung sakaling mauubusan agad ng enerhiya ang mga magic cannon at formation na nakakabit sa air ship, mahihirapan na tayo sa susunod sa oras na muli tayong mapasabak sa ganitong uri ng panganib,” pagpapaliwanag pa ni Finn.

Nang marinig ni Eon ang tugon ng kanyang master, napaisip, at matapos ang ilang sandali, umismid siya at marahang nagwika, “Kung gayon, tulungan kita, Master. Ipaubaya mo na sa akin ang pagpigil sa ibang bulalakaw na haharang sa ating dinaraanan. Sa kasalukuyan kong lakas, imposibleng hindi ko mapigilan ang mga bulalakaw na iyon.”

Hinimas ni Eon ang kanyang kamao at ngumisi. Bakas sa kanyang mukha ang pananabik, at kasalukuyan siyang pinagmamasdan ni Finn habang nag-iisip.

“Kung iyan ang gusto mo, hindi kita pipigilan. Gano'n man, siguruhin mong hindi ka magtatagal sa labas ng proteksyon ng air ship. Malaking problema kapag hindi ka nakabalik sa air ship. Siguruhin mo rin na protektado ka ng iyong enerhiya habang nasa labas ka ng proteksyon ng air ship upang makaiwas ka sa mga komplikasyon,” paalala ni Finn kay Eon.

“Hindi mo kailangang mag-alala dahil gagawin kong lahat ang payo mo, Master,” kumpyansang sabi ni Eon.

Tumango na lang si Finn bilang tugon. Muli niyang itinuon ang kanyang buong atensyon sa mga imahe habang naghihintay ng tamang pagkakataon para kontrolin ang mga magic cannon.

Nagpaalam na si Eon, at lumabas na agad ng silid upang magtungo sa ibabaw ng air ship kung saan din nagpunta ang mga mersnake at sina Eduardo. Sandali namang nagpaiwan si Poll, ngunit sa huli, nagpaalam na rin ito kay Finn at sumunod kay Eon.

Nang siya na lang ang natitira sa silid, hindi na siya naabala pa at itinuon niya na lang ang buo niyang atensyon sa paghihintay nang tamang pagkakataon para umatake. Kahit na gustong-gusto na niyang magawa ang Heavenly Celestial Fist, isinantabi niya muna ito dahil nalalagay sa peligro ang kanilang buhay. Malaking problema kung sakaling masisira ang kanilang sasakyan dahil sa mga bulalakaw, at higit pa roon, ayaw niyang magtagal pa ang kanilang paglalakbay dahil gustong-gusto niya nang makaharap si Jero para maipaghiganti niya na ang malalapit sa kanyang buhay.

At kung nais niyang maipagpatuloy ang kanyang pagsasanay sa tulong ng misteryosong lalaking walang mukha, mas dapat niya munang pagtuunan ng pansin ang paglutas sa kinahaharap nilang problema.

“Pagkatapos ng paglalakbay na ito, makukuha ko na rin ang sagot sa mga tanong ko,” sabi ni Finn habang taimtim na nakatingin sa mga imahe sa kanyang harapan.

Sa kabilang banda, makaraan lamang ang ilang saglit, narating na rin nina Eon at Poll ang ibabaw ng air ship kung saan naroroon na sina Tisia, Torko, Talia, Tumo, Eduardo, Mina, at Leila. Nakatanaw sila sa malayo habang iniipon nila ang kanilang enerhiya sa kanilang mga mata. Kasalukuyan nilang tinatanaw ang mga bulalakaw na may milya-milyang layo mula sa kasalukuyan nilang kinaroroonan.

Seryoso ang ekspresyon ng bawat isa sa kanila habang si Eon ay nakangiti lang at humahakbang pauna ng air ship. Itinuon niya rin ang kanyang enerhiya sa kanyang mga mata upang malinaw niyang makita ang mga bulalakaw na pabulusok sa kanilang direksyon.

Legend of Divine God [Vol 10: Celestial Wrath]Where stories live. Discover now