Chapter XIII

5.2K 1.1K 99
                                    

Chapter XIII: Oath of Allegiance (Part 2)

Sa mga tanong na ito ni Finn, iilan lamang ang nag-alinlangan at napaisip. Marami pa rin ang nanatiling desidido sa kanilang desisyon na sumali, at makikitaan sila ng determinasyon at pananabik dahil nauunawaan nila ng lubusan kung ano ang papasukin nilang gulo. Para sa karamihan sa kanila, mas mapanganib na pakikipagsapalaran at paglalakbay, mas malaki ang oportunidad at pabuyang kanilang matatamasa.

Naniniwala sila sa talento't kakayahan ni Finn. Nasaksihan at naranasan na rin ng halos lahat sa kanila kung gaano ka-galante ang binata pagdating sa pagbibigay ng oportunidad at kayamanan.

Para lamang mabigyan ng mas maganda at epektibong pagsasanay ang grupong Bloody Puppeteers, hiniling ni Finn kay Firuzeh na baguhin ang espesyal na pagsasanay na ibibigay nito sa mga miyembro ng Bloody Puppeteers. Handa pa siyang ipalit ang kanyang puntos para lamang mapagbigyan ang kanyang gustong mangyari. Dito pa lang ay masasabi nang hindi madamot ang kanilang pinuno pagdating sa pagbibigay ng pangangailangan ng kanyang mga tauhan at kasama.

“Ano pa mang uri ng halimaw o nilalang ang kalaban, hindi na magbabago ang isip ko. Gusto kong sumali sa New Order, at desididong-desidido na ako,” nakangiting sabi ni Faktan.

Paulit-ulit niyang sinasabi ang kagustuhan niyang sumali sa New Order. Tila ba gustong-gusto niyang mapabilang sa grupo ni Finn, ganoon man, hindi na rin iyon nakapagtataka sapagkat may sarili siyang dahilan kung bakit nais na maging bahagi ng grupo.

Bukod sa pagiging talentado at pagkakaroon ng pambihirang kakayahan ni Finn, ang Myriad World Mirror at ang mga kasama nitong binatilyo ay dahilan din kung bakit gustong-gusto niyang maging miyembro ng New Order. Sa tulong ng Myriad World Mirror, sigurado nang magiging maganda ang kanyang hinaharap. Hindi na rin malabo para sa kanya na maabot ang Heavenly Chaos Rank na kailan man ay hindi niya inaakalang maaabot niya pa.

Pangarap na para sa kanya noon ang pagiging Chaos Rank, pero dahil sa mga oportunidad na bigay ng mundo ng alchemy, naabot niya ang antas na pinapangarap niya, at nabigyan pa siya ng pag-asa na maaabot ang Heavenly Chaos Rank.

Bumaling si Finn sa iba pa para malaman niya rin ang reaksyon ng iba pa. Nakita niya rin ang determinasyon sa mukha nina Brotey, maging sina Hara at Rako ay wala ng pag-aalinlangan. Tungkol sa magkakapatid na demonyo, nagboses din sila ng kanilang kagustuhan na sumali sa New Order.

Ang bawat isang nais maging bahagi ng New Order ay walang problema sa plano ni Finn para sa grupo. Ipinahayag ng bawat isa sa kanila na handa silang sundin ang layunin ng grupo na New Order na labanan at puksain ang mga diyablo. Ito ang kanilang pinakang layunin bukod sa pagpapalakas, at pag-abot sa rurok ng mundo ng mga adventurer.

Ngayong nakita't narinig na ni Finn ang kagustuhan nina Faktan na sumali sa grupo, napagdesisyunan niya nang pagbigyan ang mga ito. Pero, bago niya tuluyang tanggapin ang mga ito bilang aktwal na mga miyembro, mayroon muna siyang kailangang linawin tungkol sa kanyang personal na hangarin.

“Bago ang lahat, mayroon pa akong huling nais na linawin,” taimtim na ekspresyong sabi ni Finn. “Nasaksihan ninyo ang nangyaring laban sa pagitan namin ni Gamor. Dapat ninyong malaman na kaming tatlo nina Eon at Poll ay hindi orihinal na mamamayan ng mundong ito. Nagmula kami sa planetang pinamamahalaan ng Crimson Lotus Realm na tinatawag na Planetang Accra, at ang dahilan kung bakit kami nagtungo rito ay dahil mayroong nangyari sa aming planeta.”

Lumipad at tumabi na rin sina Eon at Poll kay Finn. Tumayo sila sa magkabilang gilid at pinagmasdan nila ang reaksyon ng mga nakikinig.

“Nagtungo kami rito para alamin ang katotohanan, at maghiganti sa mga sangkot sa nangyaring pagkamatay ng mga malalapit sa aking buhay. Ganoon man, ngayong alam na namin ang totoo, at napatunayan nilang wala silang kinalaman sa pagkamatay ng mga mamamayan ng kontinenteng aming pinagmulan, magtutungo na kami sa isang mundo para tapusin ang aming paghihiganti,” dagdag niya pa.

Legend of Divine God [Vol 10: Celestial Wrath]Where stories live. Discover now