3. Die Young

124 12 58
                                    



Ilang linggong hindi nakita ng kartigo si Sparkle. Sa ibang lugar siya sumusundo ng kaluluwa at hindi sa lugar kung saan sila nagkita nito. Mas tumataas ang kagustuhan niyang makasama ito dahil alam niyang nakita siya ni Sparkle.

"Sa'n ka ngayon?" salubong sa kaniya ng isang kartigo na sinabayan na rin siya sa paglakad. Ganito lamang ang gawain nila kapag nagpapalipas ng oras bago magpunta sa mundo.

"Sentro," mababa niyang sagot habang nakalutang sa ere ang pag-iisip. "Ikaw?"

"Hilaga." Gulat siyang napatingin dito. Galak ang umusbong sa kaniya.

"Tara rito," aya niya rito at naglakad palayo sa mga kaluluwa.

Nagtataka naman itong sumunod sa kaniya. "Bakit?"

"Palit tayo."

Bahagya itong napanganga. "Ha? Pwede ba 'yon?"

Saglit pa siyang napatitig sa puting sahig na inaapakan nila. Hindi siya sigurado sa plano dahil ngayon lang naman niya naisipan ito.

"Ganito, alam mo ba kung paano tayo nadedestino sa isang kaluluwa?"

Hindi agad ito sumagot. Nagdadalawang-isip kung makabubuti sa kaniyang malaman ito. "O-oo."

Napalawak ang ngiti niya. Kahit may halong pagtataka kung bakit hindi niya alam ang impormasyon na ito. "Sino?"

"S-si. . . ." Saglit nitong pinigil ang bibig at tumingin sa kaniya nang nakakunot ang noo. "Ielem."

"At sa'n ko siya makikita?" mabilis na tanong niya.

"Sa likuran ni Bathala . . . sa likuran ng liwanag ni Bathala."

"At bakit alam mo ang lahat ng 'to?" tanong niya na may halong pagbabanta.

Namutawi ang inis sa mukha nito. "Sa akin na lang 'yon."

"Kailangan mo 'kong samahan."

Napaatras ito. "Sinabi ko na nga sa 'yo, gusto mo pang samahan kita? Bahala ka na diyan—"

"Baka gusto mong malaman ito ni Bathala para maging tao ka na ngayon." Sarkastiko siyang ngumiti at sinamaan lamang siya nito ng tingin.

Saglit pa silang naglaban ng masasamang tingin nang magsimula itong maglakad at nilampasan siya. "Sumunod ka sa 'kin."

Matawa-tawa pa siyang sumunod sa likuran nito. Hindi naman pala mahirap gawin, gusto pa ay ang tinatakot.

Hindi naging mahirap ang pagpunta nila sa sinasabi nitong liwanag sa likuean ni Bathala. Nakasisilaw iyon kung tititigan nang matagal na tila araw na nakabubulag. Pikit-mata siya nitong hinila papunta roon at pumasok sa isang panibagong lugar na binabalot pa rin ng puting kulay na walang katapusan.

"Hindi ba tayo makikita ni Ielem?" mahina niyang tanong at tumambad sa kanila ang isang librong may mga pangalan at numerong nakalagay. Nakasulat ang mga ito sa iba't ibang pamamaraan.

"Isa lang siyang espiritu na iisa lang ang tanging ginagawa rito, ang alamin kung sino ang mga taong mamamatay at itatapat ang mga numerong nakalagay sa batok natin."

Sinimulan nitong itapat ang kamay sa librong nagliliwanag at nagsimula itong lumipat sa iba't ibang pahina. Mangha siyang nakatingin dito dahil ito ang unang beses na nakita niya ang bagay na ito. Hindi na niya inisip pa kung bakit alam ng kartigong ito ang kasalukuyan nilang ginagawa. Basta't alam niyang makikita na ulit niya si Sparkle.

Nang huminto ay inilapit niya ang mukha sa pahinang hinintuan. Doon, nakita niya ang napakaraming pangalan, at sa tapat nito ay iba't ibang numero ang nakalagay.

Your Start is My EndingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon