Chapter 5: Pseudo Time Traveler

1K 94 30
                                    

"Pseudo Time Traveler"

Year: 2006, Batanes (Present)

"Dad, I'll just be here for the first two weeks of January then may pasok na ulit kami," bilin ni Noah sa ama nito.

Nakahiga si Noah sa hita ng ama niya habang nanonood sila ng pelikula sa sala. Ang Lola naman niya ay abala sa pagluluto sa kusina kasama ng mga kasambahay nito.

"Kakarating mo lang. School agad iniisip mo?" reklamo ni Danilo habang pinapahinaan ang telebisyon. "Ni halos hindi na nga kita nakita noong Bagong Taon, eh."

"Pasensya na po." Napagpasyahan ni Noah na magpalipas ng Holiday sa Maynila kasama ng kanyang kasintahan. Sinulit niya ang mga araw na kasama ito bago ang itinakda niyang pagbalik sa Batanes sa ikalawang araw ng Enero. Sinugurado niyang wala na siyang naiwang takdang aralin at mga nabinbing gawain bago ang pagbalik nila sa paaralan sa unang araw ng Pebrero. "Ang hirap lang kasi mapanatili ang grado lalo na kapag nasa honors' list."

Sinimulang haplusin ni Danilo ang buhok ng anak nito. Napatigil siya sa panonood ng pelikula at napatingin kay Noah.

"Anak, ang mahalaga pumasa ka. No pressure."

Mabilis na kumurba pataas ang mga labi ni Noah. Ngunit mahirap maging hindi tunay na kadugo ng pamilya Arroyo. Mula pagkabata ay ikinukumpara na siya sa mga pinsan niya at iba pa nilang kamag-anak. Lumaki siyang may pakiramdam na kailangan niyang laging patunayan ang kaniyang sarili. Ang ilan sa mga pangungulia nito sa kanyang kabataan ay kadalasang napupunan ng mga pagbisita ni Adam mula sa hinaharap.

Nang mapansin ni Danilo na hindi sumasagot ang anak nito, yumuko siya at hinalikan ito sa too. "Oh, bakit ang tahimik mo?"

"Wala naman Dad, gusto ko lang maging proud sila sakin," nahihiyang sagot ni Noah.

"Sinong sila?"

"Ang mga kamag-anak po natin," mabilis nitong tugon. Tila wala na para kay Noah ang mga salitang kaniyang binitiwan. Sanay na ito sa mga kakaibang tingin at kutya na kanyang naririnig mula sa kanilang mga kamag-anak tuwing sila ay may pagsasalo. Isa na rin sa kadahilanan kung bakit ngayon lamang siya umuwi ay upang makaiwas sa mga mapanghusgang koment ng mga ito tuwing pasko at bagong taon. "At saka para rin sulit ang pagpapalaki ninyo sa akin."

Itinigil ni Danilo ang pinapanood nilang pelikula. Pumustura itong umupo. Seryoso ang mukha nitong nakatingin kay Noah.

"Anak, umupo ka nga. Mag-usap tayo," utos nito gamit ang malalim niyang boses.

Marahang sumunod si Noah. Kilala niya ang tonong ito ng kanyang ama. Minsan na siyang napagalitan nang nahuli siyang tumatakbong mag-isa patunggo sa kagubatan. Nakaupo na nang maayos si Noah at natatakot sa sermong aabutin niya.

"Una sa lahat, wala akong pakialam sa iisipin ng ibang tao," nakangiting saad sa kanya ni Danilo. "Pangalawa, anak kita, at saka isa pang beses na marinig ko ang salitang ampon sa bibig mo, ibabalik na kita rito sa Batanes for good."

"Opo, Dad," walang patumpik-tumpik na sagot ni Noah nang marinig ang huling sinabi ni Danilo. Kinabahan ito na baka hindi na niya muling makita si Adam.

"Anak, sa iyo nakasalalay ang depinisyon ng salitang pamilya," payo ni Danilo. Wala na ang ngiti sa mukha nito ngunit makikita ang pagsuyo sa kanyang mga titig at ang pag-aalala mulsa sa paghagod ng kanyang palad sa buhok ni Noah. "Para sa akin, kung sinong tao ang gusto mong uwian, iyon ang pamilya mo, iyon ang tahanan mo."

Sa mundo niyang puno ng panghuhusga ng ibang tao, nakatagpo rin ng seguridad si Noah sa piling ng kanyang ama. Tila sinag ng araw ang mga salita nitong nagliliwanag sa madilim niyang isipan. Pinigilan ni Noah ang kanyang mga luha habang patuloy si Danilo sa paghagod ng kanyang buhok.

Ark and Apple || Flood in EdenWhere stories live. Discover now