Kabanata 8: Agos ng Karamihan

Start from the beginning
                                    

Nagawi muli ang tingin ni Cristobal sa bintana nang marinig ang pagtilamsik ng tubig sa sementadong kalsada kung saan natanaw niya ang babaeng tumatakbo patungo sa La Librería. Dumungaw si Cristobal sa bintana sa gulat ngunit nauntog siya kung kaya't ipinasok niya agad ang ulo sa loob. Nabasa rin ng ulan ang kaniyang mukha.

"Nariyan na po ba ang susunduin niyo, Señor?" Tanong ni Mang Carding na dumungaw din sa bintana, nauntog din siya kung kaya't agad siyang umatras. Napasingkit ang mga mata ni Cristobal, hindi niya mamukhaan kung si Socorro ang sumilong sa La Librería dahil sa dilim.

"Puntahan na po natin siya." Tugon ni Cristobal, hindi man siya nakasisiguro ngunit tanging ang tulad lang ni Socorro ang tatakbo ng ganoon patungo sa pinakamimithi nito. Lumabas na si Mang Carding at pinatakbo ang kalesa, tumigil ito sa tapat ng La Librería.

Agad bumaba si Cristobal at sumugod sa ulan. Hindi siya takot na mabasa, iyon nga lang ay nagulat siya sa lamig ng tubig-ulan. Nang marating niya ang pintuan ay sumilong siya roon. Natagpuan niyang nakasandal sa pintuan at gulat na nakatingin sa kaniya si Socorro.

Pareho silang basa sa ulan. Ang mahaba at kulot na buhok ni Socorro ay bagsak at mas lalong humaba. Ngayon niya lang nakita nang malapitan si Socorro na walang kurap na nakatitig sa kaniya. Pag-aaral ang higit niyang pinapahalagahan. Ang pagbibigay ng oras sa pag-ibig ay wala pa sa kaniyang plano sa ngayon. Saka na lang niya iyon pagtutuunan ng pansin sa oras na makatapos na siya sa pag-aaral gaya ng plano ng karamihan.

Ngunit hindi niya batid kung bakit pumasok sa kaniyang isipan ang bagay na iyon. Ang mga plano ay maaaring mabago ngunit nasa iisang direksyon pa rin. "Patawarin mo ako dahil nagawa kong sirain ang iyong tiwala at pag-asa," panimula niya. Ibig niyang linawin kay Socorro ang intensyon niyang bumawi at wala siyang balak ipagkanulo itong muli.

"Mula ngayon... ako na ang bahala sa 'yo." Patuloy niya. Hindi mabatid ni Cristobal kung bakit tila nagbitiw siya ng pangako. Sa dami ng salita na maaari niyang gamitin ay iyon pa ang kaniyang nabuo at nasabi.

"Ikaw ba talaga si Palabras?" Tulalang tanong ni Socorro. Naguguluhan siya kung nahulog siya sa bitag ni Cristobal o talagang ang lalaking kaharap niya ay ang misteryosong manunulat na pilit inililihim ang tunay na pagkatao.

Umiwas ng tingin si Cristobal. "Malapit na ang oras ng paghihigpit," wika nito, napansin ni Socorro na iniiba ni Cristobal ang usapan sa oras na may gusto itong iwasan. Kung minsan ay hindi niya sinasagot ng deretso ang tanong.

Tumikhim si Socorro saka niyakap ang mga kuneho na nasa maliit na bakol at binalutan niya ng kumot. Nagdadalawang-isip siya kung dapat ba siyang sumama kay Cristobal ngunit napahawak siya sa kaniyang sikmura nang kumalam ito. Napapikit si Socorro nang tumingin sa kaniya si Cristobal, siguradong narinig nito ang pagkalam ng kaniyang tiyan.

Inaalala rin ni Socorro ang dalawang kuneho na ngayon ay nilalamig na. Maging siya ay nilalamig na rin. Kanina pa siya sa basa sa ulan, wala pang tulog, at nagugutom. Humakbang na siya patungo sa karwahe, agad sumunod si Cristobal at inalalayan siyang sumampa sa loob.

Inilapag ni Socorro ang bakol sa tabi niya saka sinilip ang dalawang kuneho na magkayakap upang makakuha ng init sa isa't isa. May inabot na kumot si Cristobal na kinuha nito sa ilalim ng upuan. Ginagamit niya iyon sa tuwing naglalakbay siya ng mahaba na nakatago sa karwahe.

Kinuha ni Socorro ang kumot saka ibinalot sa sarili. Nahihirapan din siya kumilos dahil tumutulo pa ang damit niya na may kabigatan. "Baka hindi ka pa naghahapunan." Saad ni Cristobal saka inabot ang isang bayong na naglalaman ng apat na suman na binili niya. Nahinuha na niya na siguradong nagugutom si Socorro dahil hindi nito nakuha ang salapi sa maleta.

Tinanggap din ni Socorro ang suman at agad na kinain iyon. Hindi niya alam ang kaniyang sasabihin, lalo pa't dapat ay nagtatampo siya kay Cristobal sa ginawa nito. Ngunit humingi na rin ito ng paumanhin sa kaniya. Nagpatuloy sa pagkain si Socorro habang winawaksi sa kaniyang isipan kung dapat ba niya itong kausapin tulad ng dati.

SocorroWhere stories live. Discover now