CHAPTER TWO: Missing

1.7K 64 15
                                    

            Maagang nagising si Allison. Bumaba siya at tiningnan ang buong sala. Wala pang gising nang mga oras na ‘yon. Alas-sais palang din naman kasi nang umaga kaya tiyak na tulog mantika pa ang mga kaibigan niya. Lumabas siya sa resort at naglakad-lakad sa dalampasigan. Halos papasikat palang ang araw. Napapangiti na lamang siya sa nakikita. Binuka niya ang mga kamay kasabay ang malalim na paghinga.

            Sa ‘di kalayuan, napansin niya sa dulo ang matatayog na mga puno. Nag-iisa lang kasi ang resort nila Mikael sa lugar kaya ang buong paligid ay nananatiling naliligiran pa rin ng matatas na puno at mga damo. Naisipan niyang lumapit sa gubat at pagmasadan kung anong mayroon doon.

            Tanging huni ng mga ibon ang gigising sa diwa mo sa loob ng gubat. Mahamog ang buong lugar. Napayakap na lamang si Allison sa kanyang katawan dahil sa sobrang lamig. Napansin niya ang isang palaso na nakatarak sa puno.

            Nangunot ang kanyang noo nang mapansin na may tila pulang likido sa palaso.

            “May mga mangangaso ba rito?” sa isip-isip niya. Bigla siyang naalerto nang makarinig ng kaluskos. Iginala niya ang mga mata sa paligid. “Sinong nandyan?!” sigaw niya.

            Pakiramdam niya ay papalapit ng papalapit ang kaluskos. Bigla niyang naisip na kaya siguro ay may mga mangangaso rito ay dahil pinupugaran ito ng mababangis na hayop. Kumuha siya ng patpat bilang pangsanggalang sa maaaring umatake sa kanya.

            “Allison…” Nakahinga siya ng maluwag nang marinig ang boses ni Luke. Mabuti na lang ay hindi mabangis na hayop ang sumulpot. “Bakit may hawak kang patpat?”

            “Wala ito. Bakit ka ba nandito?” tanong niya.

            “Napansin ko kasing papunta ka ng gubat kaya sinundan na kita. Baka kasi ano pang mangyari sa’yo.” Napangiti na lang siya dahil sa pagiging concern ng kaibigan.

            “Halika na. Bumalik na tayo sa resort. Baka gising na rin ang iba.” Matapos ‘yon ay bumalik na sila. Nadatnan nilang wala pa ring tao sa sala. Naisipan na lamang nilang maghanda ng almusal para sa mga kaibigan. Si Allison ang nagluto samantalang nakatoka naman sa pag-aayos ng mesa si Luke.

            Hindi mabasagang-pinggan ang atmosperang namamagitan sa dalawa. Hindi alam ni Luke kung paano sisimulan ang kanilang magiging pag-uusap. Nahihiya ito kay Allison dahil siguro ay hindi pa rin nitong magawang makapagtapat.

            “Luke…”

            Napalingon naman kaagad ito nang marinig ang pangalan. “B-bakit?”

            “Salamat. Alam ko naman kasing mabait ka kahit minsan, loloko-loko ka,” saad ni Allison habang hindi inaalis ang mata sa niluluto.

            “Wala ‘yon. Ahmm… Allison?” Hinahanda na niya ang sarili sa magiging pagtatapat.

            “Ano ‘yon?”

            Huminga siya nang malalim bago magsalita. “A-ano k-kasi… Ma-ma….”

            Lumingon siya upang makita ang mukha ng kaibigan. “Anong ma?”

            Lumunok ito. Halata sa mukha nito ang sobrang kaba dahil sa tuloy-tuloy na pagpapawis. “Ma-matatapos ka na ba d’yan? Gutom na kasi ako,” pagsisinungaling nito.

            “Malapit na rin naman ‘to,” sagot niya. Hindi pa rin magawang ipagtapat ni Luke ang tunay na nararamdaman para sa kaibigan. Hindi nila namalayang nagising na rin pala ang iba. Papikit-pikit pa ang mga itong lumapit sa kanila.

            “Akalain niyo ‘yon, marunong ka pala magluto Allison,” pang-aasar ni Mikael nang makita ang mga pagkaing nasa hapag.

            Tinanggal ni Allison ang suot na apron at lumapit sa mga kaibigan. “Kayo lang naman ang walang tiwala sa akin, e,” sagot naman niya.

            “Wala ba kayong balak na purihin ang naitulong ko? Ako kaya ang nag-ayos nito,” pagmamaktol ni Luke. Natawa na lang ang mga kaibigan nito sa naging asal niya.

            “Ikaw na ang magiging apprentice ko,” saad ni Allison habang nakapatong ang kamay sa balikat ni Luke. Nangamatis naman kaagad ang mukha nito dahil sa sinabi ng dalaga. Naalala nito tuloy ang kaninang pagbabalak na pagtatapat.

            “I smell something fishy,” asar naman ni Cindy. Lalo pa silang natawa dahil doon.

            “H’wag ka nga. Kumain n nga tayo. Maupo na kayo. Baka lumamig pa ‘yan,” anyaya niya sa mga kaibigan. Masayang nagsalo-salo ang magbabarkada ng kanilang agahan. Hindi lingid sa kanilang kaalaman ay may mga matang takam na takam sa nakikita.

            Hindi dahil sa hinandang pagkain na nasa hapag kundi sa limang taong may masasarap na karne.

            “Maraming tao na ang nawawala. Wala ring makapagsabi kung nasaan na sila,” saad ni Simon, isa sa mga pulis sa Quezon. Sa nagdaan kasing mga buwan, mahigit isangdaang katao na ang napapabalitang nawawala. Walang ideya ang buong pulisya kung saan maaaring mahanap ang mga nawawalang tao.

            “Nakakapagtaka talaga. Hindi kaya gawa ‘to ng mga alien?” suhestyon naman ni Carlo, partner ni Simon.

            “Hunghang ka ba?! Hindi totoo ang alien!” natatawang sabi naman ni Simon. Naitungkod na lamang niya ang kanyang kamay sa mukha. Puro larawan ng mga nawawalang tao ang siyang makikita sa kanyang mesa. May mga bata at matanda, babae at lalaki. Walang pinipili.

            “Hindi kaya ay kinain na sila?”

            Nanlaki ang mga mata ni Carlo saka tumawa nang malakas. “Ako, alien tapos ikaw, cannibal?! Nagpapatawa ka ba? Mas malala ka pa pala sa akin, e.”

            “Bahala ka nga. Pero maaari, ‘di ba? Hindi nga natin masabi kung nasaan na sila.” Natahimik naman si Carlo sa sinabi niya. May punto ang kaibigan. Kung nawawala man sila, maaaring kahit isa man lang sa kanila ay matagpuan sa dami nila.

            Nakarinig sila ng katok mula sa pintuan. Tumambad sa kanila si Mike na may dalang folder. Lumapit sa kanila ito na may dismayadong mukha.

            “Isa na namang kaso ng pagkawala,” saad ni Mike habang binubuksan ang folder. “Manuel Buenaventura, isang caretaker sa isang resort dito sa Lucban, Quezon.”

            Nangamot na lamang ng ulo si Simon nang makita ang panibagong kaso. Kinuha niya mula kay Mike ang folder. “Nakakapagtaka na talaga. Hindi pa nga nalulutas ‘yong iba at ‘eto naman ang isa pa. Misteryoso na talaga ang kaso ng sunod-sunod na pagkawala.”

            Tinitigan na lamang ni Simon ang folder at nangalong-baba.

            “Sino o ano kaya ang dahilan?” sa isip-isip niya.

CANNIBALISM (ON-GOING)Where stories live. Discover now