Cinco

90 8 0
                                    

Hindi ko alam kung paano sisimulan
itong tulang 'di alam ang pupuntahan,
na para lamang ugat na pinutol lang—
walang bunga, ni sisibol na halaman.

Ngunit may nais akong iulat sa lahat.
Sisimulan ko lamang sa iisang ugat,
ngunit pinutol ng mga mamamaya't
nagbunga pa rin kahit pa may sugat.

Wika—wika ang uri ng isang ugat na ito.
Wika—wika ang pinagputol-putol dito.
Wika—wika ang bumunga kahit putol—
dahil ang pagtalikod ang siyang sumibol!

Noong una pa man, may iisa nang wika—
na s'yang sa mga Pilipino'y magpapalaya,
ngunit pinipinili ang galing sa ibang bansa
dahil nagbulagbulagan sa pagiging dukha.

Dekolonyalismo ay makakamtan sana
nang mas maaga pa kaysa sa inaakala.
Walang kailangang tulong mula sa iba,
pero mas piniling sa sarap ay magpakasasa.

Wika't tradisyon lang ang daan sa laya,
ngunit mismong mga ito ay ikinahihiya,
na mismong pagmamano sa nakatatanda
ayaw gawin dahil ito raw ay luma na.

Ika nga ni bayaning Doktor Jose Rizal,
ang sa ating wika raw ay hindi magmahal,
mas higit sa mabahong isdang inaayawan—
ngayon, ganoon ka kalansa, kaibigan?

Iyong yaong sarili, tanungin nga siya.
Ang tributo ay nalalaman mo pa kaya?
Ang mga GomBurZa ay kilala mo pa?
Sistemang polo, natatandaan mo pa ba?

Kalapastangan kung hindi mo alam!
Kahibangan kung hindi mo natatandaan!
Lubos na kay hirap na nga ng mga dinaranas,
naroon ka pa rin at nagpapalamon sa ahas!

Sabi pa nga ni Heneral Luna sa bansa,
"Para kayong birhen na umaasa sa p*ta!”
Mula Espanyol, Amerikano hanggang Hapon,
kayo'y tulala lang sa buong mahirap na panahon.

Tayo ay mga Pilipino, wika natin ay Pilipino,
huwag mong ikahiya kung ito ay katutubo.
Ito na lang sana ang p'wedeng iambag,
ngunit pagkilala pa rito ay hindi pa payag.

Kung susuriin, minamahal kong kababayan,
ito lang ang sa atin ay magpapapagaan,
wika lang ay sapat na ngunit pinabayaan,
komunikasyon lang ang daan ngunit inaayawan.

Simpleng bagay na nga lang ang hinihingi,
ngunit sa pagtatanong nila'y kayo'y humindi.
Mas gusto pa talaga ang Ingles na lenggwahe,
kaysa sa wikang Pilipino, inuuna pa ang arte.

Kung sa barko lamang ang pagbabasehan,
wika natin ay 'tulad ng karampot na timon lang—
maliit ngunit mapapasunod ang kalahatan.
Parang wika, kung sinunod ay tayo'y lalaya.

At ngayon, putol na ugat na siyang ating wika,
sumibol ng pagtalikod sa buong bansa,
hindi na ako magugulat kung ito ay 'di bumunga,
ngunit himala, bumunga siya ngunit kahirapan ang dala.

Ugat ang siyang wika na sana ay bubunga ng ganda,
ngunit bumunga ay kasarimlan at pagiging dukha.
Parang Pinoy, isa namang mangga ngunit naging mansanas,
kabilang sa mga maamong tupa ngunit lumaking ahas!

Sariling atin ay binasura na, kawawang Inang Bayan!
Sariling atin ay tinalikuran na, kawawang wika!
Sariling atin ay binalewala na, kakawang kultura!
Kawawang mga Pilipino, naging mangmang na!

Bumalik tayong muli sa sinumulan nating ugat.
Iugnay muli natin sa ugat ang wika na pinaalat.
Tayo ang siyang mamamayan na pinutol ang ugat,
ngayon ay pinagsisihan ang naging bungang maalat.

Ang ugat na sana ang daan ng magagadang mga bunga,
ngunit pinutol kaya naging lanta at tuluyang nawala.
Parang wika, pinutol natin kaya nawalan ng pagkakaisa.
Pagtalikod ay sumibol, bunga'y kawatakan, kinai'y kahirapan.

—ysaqueens
"Ugat ay Pinutol, Pagtalikod ay Sumibol."

Tiaras [Poetries]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon