021

21 1 0
                                    

021: n

Madilim na ang gabi nang makita ko si Zakiel isang araw bago ang aking labing-walong kaarawan.

Nagsimula nang mag-aral ang kanyang mga kapatid kaya't mas kailangan pa niyang kumayod. Kung makakaya ko lang, matagal ko na siyang tinulungan. Kaso, kahit sentimos ay hindi ako pinapahawak.

Kaya't kahit medyo natagalan siyang dumating sa hardin, kahit iilang oras niya pa akong paghintayin, naiintindihan ko-maiintindihan ko.

"Kumusta?" agad niyang bati nang makaupo sa bangko. Nabawasan ang lamig ng gabing tilang nais pang umiyak.

Dapat ikaw ang tinatanong niyan...

"Ayos lamang," sagot ko habang tinitingnan ang lalaki. Nais ko mang maging baterya sa napapagod na siya, kahit ako ay napapagod sa tanawin ng kanyang inabusadong katawan. "Ikaw?"

Itinaas ni Zakiel ang mga kamay sa ere at mahinang iwinagayway ang mga ito. Nanatili pa rin ang ngiti sa kanyang mga labi. "Pagod..."

Nilayo ko ang aking mga mata kay Zakiel. Sana'y 'di ko na lang hiniling na magkita kami ngayong gabi. Alam ko namang marami siyang trabaho ngayon. Hindi dapat ito ang regalong hiningi ko sa kanya.

"Magpahinga ka na lang kaya?" mahina kong ani. Ramdam ko ang paggalaw niya patungo sa akin, ngunit 'di ko pa rin siya nililingon.

"Maaari bang isandal ang aking ulo sa iyong balikat?" tanong niya habang nakatingin sa akin. Wala na akong nasagot kung hindi ang isang mahinang pagtango.

Dahil dito, kanyang sinandal na sa wakas ang ulo sa aking balikat. Kung maaari lang talagang malipat sa akin ang lahat ng pagod na kanyang nararamdaman, matagal ko na itong ginawa. Ba't kaya wala pang gano'ng imbensyon?

Kailangan ba talagang maramdaman ng tao ang pagod at sakit? Para saan? Para matuto?

Talagang kailangan bang mahirapan para matuto?

"Dapat talaga'y umuwi ka na't sa gayon ay makakapaghinga naman ang iyong katawan..."

Sa aking balikat, paulit-ulit siyang tumango.

"Nagpapahinga na po..."

Pinaghalong saya at lungkot ang aking nararamdaman. Saya dahil nakakayanang ipakita sa akin ni Zakiel ang pagkakataon ng kanyang kahinaan. Lungkot dahil... dahil ako lamang ang talagang nakakakita nito. Masyado siyang peke. Laging nagkukunwaring ayos kahit hindi naman. Laging nagkukunwaring kaya kahit labis labis na napapagod.

"Lorelei..." tawag niyang malalim.

Gamit ang maingat na boses, ako'y sumagot, "Bakit?"

Si Zakiel ay bumuntong-hininga muna bago magsalita, isa itong malalim at maingat na buntong-hininga.

"Kapag ba... Kapag sinabi kong mahal kita..." isang buntong-hininga na naman ang kanyang pinakawalan, "Anong gagawin mo?"

Oh.

Iba pala talaga ang tunay, 'no?

Iilang beses ko nang pinagpantasyahan ang pagkakataong ito. Sa aking isip, matagal nang planado ang aking mga sagot, kung paano ako aasta, at kung ano ang aking mararamdaman. Pero ngayon... Ngayon na hinihinga ko ang hangin ng sitwasyon... Iba talaga.

Tila hinahabol ako ng mga tigre sa lakas ng tibok ng aking puso, eh, umuupo lang naman ako. Tila napapaos ang aking boses, samantalang limang tao lang naman ang kinakausap ko araw-araw. Tila kamatayan ito... ngunit, nadarama ko pa naman ang pisikal na sakit.

Alam ko ang aking sagot. Matagal ko nang alam. Ba't 'di ko masabi?

"U-Uy..." Inalis ni Zakiel ang ulo niya mula sa aking balikat upang titigan ako nang maayos. "Ayo ka lang ba? 'Di mo ba nagustuhan ang aking katanungan? Masyado bang direkta? P-Pasensiya-"

When Blood Turns Pale  Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon