014

26 3 0
                                    

014: i

Sa loob ng labing-anim na taon ng aking buhay, iilang beses pa lamang nagparamdam ang saya. At sa bawat pagkakataong ito, lagi't-lagi siya ang kasama ko.

"Unang beses mong bumisita Lei, 'no?"

Kinakausap man ni Kuya Gabo, nanatili pa rin sa labas ng bintana ang aking paningin. Kasalukuyan kaming nasa loob ng sasakyan patungo sa pinakabagong lupaing nabili ng aking ama.

Ako, si Kuya Gabo, at si Zakiel lamang ang pupunta roon. Si Kuya Gabo ang nagmamaneho habang dagdag mata ang katabi niyang si Zakiel. Sa likuran naman ako nakaupo.

Nilingon ako ni Zakiel at doon lamang nawalay ang aking mga mata sa labas. Blangko sa una ang kanyang mukha ngunit napangiti siya nang lito kong itaas ang mga kilay.

"Unang beses mo raw ba itong pagbisita?"

"A-Ah, oo," sagot ko at lumabas ang isang munting ngiti. "Unang beses pa lamang."

"Nako, tila perpekto ang pagkakataon!" Halatang nakangiti si Kuya Gabo habang nagsasalita. "Kaarawan ngayon ni Zakiel, mayroong handaan do'n!"

Napaayos sa pagkakaupo ang katabi. Ngayon, 'di ko na natatanaw ang kanyang mga mata.

"Kuya naman... Hindi naman marangya 'yon."

"Ano ka ba!" Palarong kinurot ni Kuya Gabo ang tagiliran ni Zakiel. "Para namang hindi kilala si Lorelei! Hindi 'yan problema sa kanya. 'Di ba, Lorelei?"

"Oo naman po," sagot ko pabalik, "Ayos na ayos po sa 'kin."

"Tingnan mo!" Kinurot muli ni Kuya Gabo ang katabi at napakamot naman ito ng ulo pagkatapos.

Iilang minuto ang nakalipas, tanging boses lamang ni Kuya Gabo ang umaalingawngaw sa loob ng sasakyan. Tahimik lamang si Zakiel habang nakatanaw sa labas ng bintana.

Tumikhim ako bago siya sundutin. Agad akong nilingon ni Zakiel kasama ang kanyang gulat at nalilitong mga mata.

"Maligayang kaarawan."

Sinukli niya ang ngiting nasa labi ko.

"Salamat, Lei."

"Narito na tayo!" biglang anunsyo ni Kuya Gabo. Lumipat ang aking mga mata sa tanawing nasa labas. Nang pagbuksan ako ni Kuya Gabo ng pinto, lumabas ako habang manghang-mangha pa rin sa nakikita.

Medyo matataas ang mga damo ngunit mayroong mga parteng putol ito upang madaanan ng mga tao. Sa isang banda iilang metro ang layo mula sa kinatatayuan ko, mayroon isang kubong katamtaman ang laki.

Nanguna sa paglalakad si Kuya Gabo at sumunod naman kami ni Zakiel—siya'y nasa likuran ko. Nang makaligtaan ang isang batong malaki, 'di ko maiwasan ang pagtaas ng aking boses. Akala ko'y masusubsob na ako sa lupa ngunit may kamay na pumigil sa akin. Kamay na nagmula sa likod.

"Ingat," bulong ni Zakiel habang hawak-hawak pa rin ang aking kamay.

Nang makatayo akong maayos, binitawan niya ako. Pinagpag ko ang aking bestida at kinalma ang aking puso.

"Salamat–" Inabot ni Zakiel ang kanyang kamay. Mula rito, lumipat ang aking paningin sa kanyang mukha.

"Para 'di ka madapa." Ngumiti siya na pakiramdam ko ay may halong tukso. 'Di na ako nanlaban at pinatong na lamang ang aking kamay sa kanyang inabot na kamay. Saka ko na lang nabitawan ang kanyang kamay nang makaabot kami sa kubo. Mayroong matandang lalaking sumalubog sa amin.

"Gabo!" Nagyakapan ang dalawang lalaki.

"Zakiel!" bati niya naman sa binate. "Maligayang kaarawan! Labimpito ka na!"

When Blood Turns Pale  Onde histórias criam vida. Descubra agora