Me:

7-Eleven.

Celeine:

Ang bilis mo naman. Kacha-chat ko lang sa 'yo, ah.

Me:

Kanina pa ako rito, nasaktuhan lang na parating ka.

Seen.

Nakita ko na siyang patungo rito sa loob. Kumaway siya sa akin. Nakipag-fist bump pa siya sa isang lalaki bago nagpatuloy. "'Musta, men?" iyan ang kaniyang sinabi kung tama ang pagkakabasa ko sa pagbuka ng kaniyang bibig.

Maya-maya pa, pumasok na siya at agad lumapit sa akin. "Huli kang bata ka!" Itinuro niya ako at ginawang baril ang kaniyang dalawang kamay.

"Akala ko ba hindi ka makakauwi?" Uminom ako ng kape at tiningnan lang siya.

"Guwapo pero maldito. Gusto ko ngang umuwi, eh. Bakit, may problema ba tayo ro'n, tsong?" Tumango siya at saka umakbay sa akin.

"Aray," mahina kong sabi nang mabangga niya ang braso ko na may sugat.

"Ay, sorry, magaslaw yata." Ngumiti siya nang labas ang mga ngipin saka hinipan ang braso ko na parang may magagawa 'yon. "Libre mo na lang ako, chips lang." Dinampot kaagad niya ang isang bag ng potato chips saka walang pagdadalawang-isip na binuksan iyon. "Bukas na, wala nang bawian."

"Ano'ng ginagawa mo? Bawal 'yan," mahinang saway ko sa kaniya kahit hindi na maibabalik sa dati ang bag ng chips na hawak niya.

"Shunga, puwede," walang pakialam niyang sabi at saka kumain ng chips. "Parang gusto ko ng Magnum." Pumihit ang kaniyang leeg at tumingin siya sa freezer na puno ng masasarap na ice cream.

"Mahal 'yon." Humigop ulit ako ng kape.

Hindi man lang niya pinansin ang sagot ko at tumayo na papunta sa ice cream fridge. "Isa lang naman, saka minsan lang 'to," sabi niya. Kung kumilos siya ay tila hindi niya iniisip ang iisipin ng mga crew.

Pambihira. Parang pinaghalong Jiovanni, Railey, at Allestair itong si Celeine. Hindi mapigilan, idagdag pa na dahil na rin siguro sa pagiging boyish niya.

"'Tol, makakakain na ako ng Magnum. Daig na kita," biro pa niya sa cashier. Maging ang nagtatrabaho rito ay tropa pala niya.

Pagbalik niya, mabilis niyang binuksan ang plastic ng ice cream at kinagat kaagad iyon. "Uhm, sarap..." Tumirik ang mga mata niya kaya napakunot-noo naman ako habang pinanonood siya sa pagkain nito. "You want?" Inilapit niya sa bibig ko ang ice cream. "Bumili ka," agad niyang sabi bago pa ako makasagot sa tanong niya.

***

BUMUHOS ang malakas na ulan kanina habang nasa bayan kami kaya ngayon pa lang kami naglalakad pauwi. Malapit nang mag-alas-dose ng tanghali. Hindi na kami sumakay ng jeep o tricycle dahil para saan pa raw ang mga paa namin kung hindi rin gagamitin.

Nang makatawid kami sa kanto kung saan ko huling nakasabay sina Claide at Clarwin, ang lolang nakasabay ko naman kanina sa jeep ang naabutan naming naglalakad. Si Lola Leonora, kung tama ang dinig ko sa itinawag sa kaniya ng tricycle driver kanina.

"Oh, taga-rito ka rin pala?" nakangiting bati ng matanda sa akin. "Pero mukhang bihira kitang makita rito sa gawi natin, hijo?"

"Dayo siya rito, 'Nay Leonora!" sabi sa kaniya ni Celeine.

"Nako, Celeine, ikaw pala iyan. Hindi kita nakilala kaagad. Kailan ka pa umuwi?" Napayakap pa siya kay Celeine.

"Kanina lang po." Bumitiw na sila mula sa pagkakayakap sa isa't isa. "Kayo po, sa'n naman kayo nanggaling? Mukhang dumadayo ka pa para makipagkuwentuhan sa kumare mo, ah, 'Nay?" biro ni Celeine sa kaniya. Tinanguan naman siya ng matanda.

The Night We Met in IntramurosWhere stories live. Discover now