"Pero masarap 'tong kape, ha," wika niya nang matikman ang tinimpla kong kape.

"Dapat lang, nagkandapaso-paso na ako rito dahil sa kapeng 'yan," biro ko.

"Alam mo, puwede kitang ipasok sa pinagtatrabahuhan ko. Puwede ka ro'n basta marunong kang magtimpla ng kape at siyempre, kailangang aralin 'yong recipe," suhestiyon niya. "Ang may-ari kasi n'on, mahilig talaga sa kape, at bawat crew do'n, may sari-sariling recipe. Kaya kung papasok ka, addition na sa menu ang sarili mong timpla ng kape," sabi niya kaya napalingon ako sa kaniya. "'Yong pinainom ko sa inyo, recipe ko 'yon. Bukod do'n, mataas din ang sahod, coffee shop pa lang 'yon, ha?"

"Teka, sino ba ang hindi marunong magtimpla ng kape? Hindi ba't mga sanggol lang?"

"Ewan ko sa 'yo," aniya, sabay subo ng pritong itlog. "Ang sarap ng luto mo, Aleng Mel!" Napapalakpak pa siya. "Sa bahay kasi, minsan lang akong makakain ng ganito, panay cereal! Baby kasi ako sa bahay kahit 'dalaginding' na, lalo na ang kapatid kong bunso. Huwag na huwag mong kakantiin at magagalit ang nanay ko. Arte, 'no? Balak ko na ngang umuwi ng Bataan kahit saglit lang at matagal na akong hindi nakakauwi. Hindi pa kasi tapos ang raket ng banda namin dito sa Ilocos Sur. Sakto naman at may nahanap akong part-time job kahit one week, may allowance."

"Taga-Bataan ka?" agad kong tanong habang patuloy sa pagkain.

Humigop siya ng kape at saka umupo nang parang siga. "Oo, sa Mariveles, Bataan. Bakit mo naitanong?"

"Wala naman, do'n ko kasi balak pumunta. Doon ako pupunta mamaya," sagot ko.

"Aalis ka na talaga? Seryoso ka pala kagabi, akala ko joke lang. Baka puwede akong sumabay sa 'yo, uuwi rin ako sa amin," sunod-sunod niyang sabi habang may laman ang bibig.

"Baka mamaya na nga, 'di ba?" sagot ko nang hindi tumitingin sa kaniya.

"Mamaya?!" Tumalsik pa ang ilang kanin na nasa bibig niya. "Sorry." Nagtakip siya ng bibig. "Talaga ba?" mahinahon niyang tanong. "Ang bilis naman, hindi pa tayo naglilibot sa Vigan. Mas fast pa sa sopas ang kuya mo Kielvinson," pabiro niyang sabi sa akin.

"Eh, 'di mamaya, dumaan tayo sa Vigan 'tapos do'n tayo mag-lunch, after lunch pa naman ako sasakay. Kayo na rin ang maghatid sa akin papunta ro'n sa terminal, kung sinisipag pa kayo."

"Parang gusto ko tuloy umuwi sa amin. Mamaya na ba talaga, sure na sure ka na?" tanong niya.

Tumango na lang ako.

"Sige na nga, sasamahan ka na lang namin mamaya sa Vigan. Next month pa kasi ang pahinga namin, hindi pa ako puwedeng umalis dito. Otherwise, ako mismo ang aalisin sa banda namin, ayaw ko namang mangyari 'yon," sabi na lang niya at saka ngumuso.

Napatango na lang ako habang nagsasalita siya.

Nanatili naman siyang nakaupo at umiinom ng kape. "Eh, 'di kasama mo rin si Allestair na aalis?"

Umiling ako. "Hindi na. Hindi ko na siya papayagang sumama sa akin, kailangan siya ng mga magulang niya. Ang selfish ko naman kung hahayaan kong sumama siya sa akin, tapos iiwan niya ang parents niya na mas kailangan siya kaysa sa akin." Parang sa naging sitwasyon din namin ni Railey. Sana ay ayos lang siya, lalo na ang kapatid niyang si Jullian.

Sa totoo lang, hanga ako kay Allestair dahil nakaya niyang mapatawad ang mga magulang niya kahit hindi mabuti ang ginawa nila sa kaniya. Kung tutuusin nga ay parang imposibleng mapatawad pa sila ni Allestair, pero hindi. Alam kong mabuti ang puso ng kaibigan namin, kaya kahit ganoon kapait ang dinanas niya, mayroon pa rin siyang kakayahang magpatawad.

Sakto namang dumating sina Allestair habang nagkukuwentuhan kami ni Celeine. Pagkapasok nila ay agad kong niyaya sa labas ng kuwarto si Allestair para sabihin ang balak kong pag-alis mamaya. Bumalik din kami agad sa loob nang mapag-usapan na namin ang plano ko.

The Night We Met in IntramurosWhere stories live. Discover now