CHAPTER 18: SUITOR

Start from the beginning
                                    

"Tatawagan ko yung dentist nila." Sabi ni ma'am Sarah saka kinuha ang cellphone at may tinawagan nga.

Kami naman ni Lancelot ay bumalik sa mga kakambal dahil iniwan ko ang mga ito ng walang batay. Masayang naglalaro si Lanaia at Landon pero si Lancelot ay nakalingkis lang sa akin at maya't-maya umiiyak.

Ilang sandali pa ay pinuntahan kami ni ma'am Sarah at inalo si Lancelot. "Nasa medical mission yung dentist niya. Hindi raw niya maaasikaso si Lancelot ngayon. Bukas daw pwede. May alam pa akong dentist kaya lang malayo na rito. Magpapabili na lang muna ako sa kasambahay ng gamot na pang-alis ng sakit ng ngipin pansamantala. Ang problema lang ay baka hindi magustuhan ni Lancelot ang lasa non."

Binalingan ko si Lancelot na nakayakap sa akin ng mahigpit at hilam ang mga mata. "Try po muna natin ma'am Sarah. Kapag hindi po niya gusto ako na lang po ang magdadala sa kanya sa dentist."

Tumango ito at binalingan si Lancelot. "I told you to limit eating chocolates."

Tumayo na rin ito pagkatapos para magpabili sa kasambahay ng gamot pansamantala sa nananakit na ngipin ni Lancelot. Ang ginawa ko para hindi masyadong masaktan si Lancelot sa ngipin niya ay pinatulog ko siya. Nakatulog naman siya kahit na magtatanghalian pa lang. Dala rin siguro ng kaiiyak kaya napatulog ko.

Pagbalik ng kasambahay na bumili ng gamot ni Lancelot ay tulog pa rin ito kaya naasikaso ko si Lanaia at Landon sa tanghalian bago ko ginising si Lancelot. Binilin ni ma'am Sarah na pakainin ko muna si Lancelot bago gamitin sa kanya ang gamot dahil may lasa raw ito na hindi maganda. Asikasuhin ko raw si Lancelot at siya na raw muna ang bahala sa dalawa.

Pagkatapos kong pakainin si Lancelot ay inasikaso ko siyang magsipilyo at sinubukan nga naming dalawa ang gamot na para sa kanya. Pero hindi nga niya ito nagustuhan at naanghangan nga siya masyado sa lasa.

"Baby try mo lang. Mamili ka, masakit na ngipin o maanghang? Saglit lang naman yung anghang. Kapag nasanay ka na wala na yung anghang." Panunuyo ko sa kanya.

Umiling lang ito at umiyak na naman. Mabilis ko siyang dinala sa lababo para magmumog. Napahinga ako ng malalim saka ko siya dinala sa sala kung nasaan ang maglola. Nanunuod ang mga ito ng tv habang nakahiga sa tatami.

"Ma'am Sarah, hindi niya kaya yung anghang." Agad na sabi ko nang mapuntahan namin sila.

Nilingon niya naman kami. "Dalhin mo na kaya sa dentista. Ako na ang bahala sa mga bata."

"Tatawagan ko po muna si Xenon para magpaalam. Baka po mapagalitan ako." Tumango ito at bumalik sa panunuod ng tv.

"Sige. Papayag naman 'yon kasi hindi na kaya ni Lancelot ang sakit. Iyak na siya ng iyak. Hala sige, tawagan mo na si Xenon at nang madala na sa dentist itong makulit na chikiting na 'to. Nasobrahan 'to sa pagkain ng chocolate."

Kinuha ko ang cellphone ko sa bulsa saka agad kong tinawagan si Xenon pero hindi ito sumagot. Sinubukan ko pa ng ilang beses pero ring lang ito ng ring.

"Ayaw sumagot?" Tanong ni ma'am Sarah nang mapansin niya na panay pa rin ang tawag ko sa cellphone.

Umiling ako. "Baka nasa kitchen at nagluluto. Siguro maraming customer. Ako na ang bahalang magpaliwanag sa kanya. Dalhin mo na siya sa dentist kaysa naman umiyak ng umiyak itong apo ko."

Tumango ako at inakyat si Lancelot sa taas para mabihisan ng pang-alis. "Masakit pa ba baby?" Tanong ko habang nilalagyan ko ng polbo ang mukha niya.

"Opo." Mahinang sabi nito.

Hinaplos ko ang buhok niya saka dinala pababa. "Konting tiis na lang. Pupunta na tayo ng dentist."

Yumakap lang ito sa akin at hindi na kumibo pa. Pagbaba namin ng sala ay sinabihan ako ni ma'am Sarah na sandali at may kukunin lang daw siya. Si Lanaia at Landon naman ay kasalukuyang tulog na sa tatami.

I'm Just A Babysitter (COMPLETED)Where stories live. Discover now