U 32

366 9 0
                                    

Katotohanan

Mas lalong humapdi ang mga mata ko habang ibinabahagi sa ama ang nakaraan.

"Pero kahit naman ho ganoon, masaya kaming namumuhay kasama ang isa't isa. Mahirap pero nalagpasan namin." huminga ako ng malalim. Katabi ko si Papa sa parihabang sofa'ng kinauupuan ko habang nasa kusina sina Thalia at ang mga lalaki naman ay nasa labas.

"Matalik na magkaibigan si Miranda at ang Tita Vera mo."

Napaangat ang tingin ko kay Papa na nasa malayo ang tingin.

"Sa totoo lang ay lima silang magkakaibigan, kasama na roon si Naya na siyang ina nila Reinier't Iura na pinsan naman namin ni Vera sa side ni Mama."

Dumako ang mga mata ko kay Hartley na naglapag ng dalawang kape sa lamesa. Tipid ko siyang nginitian at ganoon din ang ginawa niya sa akin.

"Mahigpit ang mga magulang ko sa kapatid ko, lalo na si Mama. Home schooled si Vera at hawak ni Mama ang oras niya. Ang mga gagawin niya sa buong isang linggo ay planado ni Mama. Tatlo sa isang linggo ay may ballet class siya, dalawa sa gym, at pagbabasa ng libro t'wing Sabado't Linggo."

Napaawang ang labi ko habang iniisip iyon. Hindi naging madali ang buhay ni Tita Vera, kaya siguro umabot siya sa puntong gano'n...

"Bibihira siyang lumabas ng mansiyon maliban sa akin na malaya ako sa lahat ng gusto kong gawin sa buhay." huminga siya ng malalim. "At dahil nag iisang kapatid ko siya at babae pa kaya talagang iniingatan nila Mama... pero nasobrahan sila, nasakal si Vera at tumakas sa mansiyon. Sinubukan kong tulungan ang kapatid ngunit lagi lang kaming nag aaway ni Mama." iling ni Papa bago inabot ang kanyang kape at sumimsim doon.

"Doon niya nakilala si Miranda na naliligaw sa gubat at si Naya na naliligo sa malapit na ilog. Doon nagsimula ang pagkakaibigan nilang tatlo. Pagkatapos no'n ay lagi na niyang sinusunod sina Mama't Papa para payagan siyang makalabas ng mansiyon at makipagkita sa mga kaibigan niya."

Bahagyang nanikip ang dibdib ko sa narinig. Ang tangi ko lang na naiisip ay ang maamo at inosenteng mga mata ni Tita Vera.

"Tumagal ng halos isang taon ang pagsasamahan nila at nadagdagan pa sila. Iyon ay sina Marie at Florita. Alam naman namin na pinsan namin si Naya kaya lagi siya at malayang nakakapasok sa aming mansiyon. Talagang hindi lang sila malapit sa isa't isa noon ni Vera." dugtong ni Papa bago bumuntong hininga at napapikit.

"Magpahinga ka muna, hija." tinig niya bago ako nilingon at nginitian.

"Mas mabuting si Tita Fley mo na ang magpatuloy sa kwento ko dahil hindi na ako sigurado sa mga sumunod na nangyari."

Natakot na ako na marinig ang susunod na mga pangyayari. Siguro dahil malalaman ko na ang dahilan kung bakit humantong sa ganoon. Kung bakit sa huli ay pinatay si Mama ni Tita Vera...

Pero bakit kailangang humantong pa sa ganoon? Anong dahilan ng pagkakasira ng kanilang matibay na relasyon?

Tulala ako habang nagwawalis sa kusina.

"Ate! Sumama ka po sa amin!"

Napakurap ako at agad na napatuwid ng tayo. Dumako ang tingin ko sa bunsong kapatid na kumikinang ang mga mata sa akin.

"Matagal ka na rin pong gustong makilala ni Mama."

Bahagya ko iyong ikinagulat. Bago pa ako makapagsalita ay sumulpot na si Papa na agad hinawakan sa balikat ang anak.

"Sa susunod na, hijo. Kapag handa na ang ate mo."

Napangiti ako at napatingin kay Cloud na napanguso na lang. Umupo ako para yakapin siya.

Uncontrollable حيث تعيش القصص. اكتشف الآن