CHAPTER 1

5 0 0
                                    

Dear Diary,

      Kasalukuyan akong nakaupo sa bench sa tapat ng soccer field. Katulad ko ay marami ring mga estudyante ang tumatambay at nakaupo sa malawak na damuhan. Lahat may kanya-kanyang trip. May mga naghaharutan, nagtatawanan, nag so-soundtrip at kung anu-ano pa. Pero ako, nakatingin lamang sa kanya, sa lalaking lihim kong inibig.

"Nag da-daydream ka na naman."

Dali-dali kong naitiklop ang diary ko nang marinig ang boses na 'yun na nagsalita sa tabi ko. Hay, ito na naman po siya, ang makulit at pasaway kong best friend, si Mich.

"Ano na naman 'yang ginagawa mo? Nagsusulat ka na naman diyan sa diary mo? Hay naku, Bry. Bakit ba kasi hindi mo na lang sabihin kay Josh iyang nararamdaman mo para sa kanya? Hindi itong may pa diary ka pang nalalaman gayong hindi naman niya mababasa. Ayan lang Bry ,oh. Ang lapit-lapit lang ni Josh. Ilang hakbang lang ang kailangan mong gawin, masasabi mo na ang lahat sa kanya," mahabang litanya ni Mich.

"Hindi naman kasi gano'n kadali 'yun, Mich. Hindi ko nga alam kung kilala niya ako o kung alam ba niyang nag e-exist ako. Tapos gusto mong sabihin ko sa kanya na gusto ko siya? Ang hassle naman yata no'n."

Oo, hindi ako kilala ni Josh pero siya kilalang-kilala ko. Minsan na rin niya akong naging stalker. Alam ko kung saan siya nakatira, sino ang parents niya, sino ang mga kaibigan niya, maging ang class schedule niya.

Nakakatawa 'di ba? Gano'n ko siya ka gusto. Pero ang malungkot nga lang ay dahil wala siyang alam na may isang Bryana Mendez ang lihim na umiibig sa kanya.

"Bry!"

"Huh?"

"Anong huh? Wala ka bang balak na pumasok? Nag-bell na kaya"

Nang tumingin ako sa paligid ay roon ko lang napansin na kaming dalawa na lang pala ni Mich ang naiwan sa field. Lahat pumasok na sa kani-kanilang classroom.

"Ano na?" muling tanong Mich nang hindi pa rin ako tumatayo.

Bumuga ako ng malalim na paghinga saka kumapit sa braso niya. Itong si Mich talaga, kahit kailan napakainitin.

"Tara," nakangiti kong sabi saka siya hinila papasok ng building.       

UWIAN. Kasalukuyan akong nag-aayos ng mga gamit ko nang biglang lumapit si Mich sa akin. Bitbit na niya ang bag niya at halatang nagmamadali.

"Bry, mauna ka ng umuwi. May practice pa kasi ako para sa competition," sabi niya na agad kong tinugunan ng tango.

Member ng dance club si Mich at malapit na ang interschool competition nila. Ilang taon na siyang sumasayaw at nakaka-proud sabihin dahil isa siya sa mga pinakamagaling na dancer dito sa Academy. Ilang beses na rin silang nanalo sa mga competition. Basta talaga sayawan, wala 'yang inuurungan.

"Ok, Mich. Mag-ingat ka sa pag uwi," sagot ko saka nagpaalam na sa kanya.

"Ikaw rin, ingat," pahabol niya nang makalabas na ako ng pinto. Ngumiti ako saka kumaway sa kanya. Gumanti rin siya ng kaway sa akin.

Naglakad na ako sa kahabaan ng hallway nang biglang bumuhos ang malakas na ulan. Agad na nagsipagtakbuhan ang mga estudyanteng nasa gitna ng field at naghanap ng puwedeng masilungan. Tumigil din ako saglit sa dulo ng canopy saka kinuha ang payong na nasa loob ng bag ko. Mabuti na nga lang talaga at nagdala ako ng payong.

Nang buklatin ko ang aking payong ay saka ko naramdamang may tumabi sa akin. Nang iangat ko ang aking tingin ay biglang nagkaroon ng karera sa loob ng dibdib ko. Si Josh, nakatayo siya sa gilid ko at tahimik na nakatanaw sa pagbagsak ng malakas na ulan.

Mas lalong bumilis sa pagtibok ang puso ko nang mabaling ang tingin niya sa akin. Ngumiti siya na ikinapula ng pisngi ko. Pakiramdam ko ay mahihimatay na ako anumang oras.

"Puwede ba akong sumabay sa 'yo? Wala kasi akong dalang payong."

"Huh?" wala sa sariling naisagot ko.

"Pupunta kang bus stop 'di ba? Makikisabay sana ako sa 'yo kung okay lang," pag-uulit niya nang hindi pa rin nawawala ang ngiti sa mga labi niya.

"Ah o-oo, s-sige," nauutal kong sagot.

Naku naman Bry, umayos ka. Huwag kang magpahalata na naapektuhan ka ng presensya niya. Baka mapansin pa niya na may gusto ka sa kanya.

"Salamat," sambit niya bago kinuha ang payong sa kamay ko. Hindi ko na rin napigilan pa ang hiyang nararamdaman at pasimple akong yumuko para itago ito sa kanya.

Tahimik kaming naglakad sa gitna ng ulan. Hindi ko magawang makapagsalita dahil naiilang ako sa isiping magkatabi kaming dalawa. Hindi rin naman siya nagsasalita kaya hindi na ako umimik pa.

"Ako nga pala si Josh Fuentebella. Ikaw, ano'ng pangalan mo?"

Agad akong nag-angat ng tingin nang marinig ang boses niya. Akala ko ay wala na siyang balak na magsalita pa kaya bahagya akong natahimik nang tanungin niya ang pangalan ko.

"Bry.. Ako si Bryana Mendez," casual kong sagot, pilit na tinatagan ang boses at pinipigilang huwag mautal.

"Ang ganda naman ng pangalan mo. Nga pala Bry, salamat sa pagsabay sa akin. Kailangan ko ng mauna sa 'yo. Baka kasi hinahanap na ako sa amin," agad niyang paalam nang makarating kami sa bus stop. Hindi ko napansin na nasa labas na pala kami ng Academy. Napakabilis naman ng oras, aalis na agad si Josh.

"Ito na ang payong mo," sabi niya saka inabot ang payong ko. Nakakalungkot man ay kinuha ko na ito mula sa kanya.

"Mag-ingat ka sa pag-uwi," huling sambit niya bago umakyat sa kakatigil lang na bus.

Pinilit kong ngumiti habang nakatingin sa kanya. Masuwerte pa rin ako ngayong araw na ito kasi nagkasabay kami ni Josh. Ito rin ang unang araw na nakilala niya ako. Atleast ngayon alam na niyang may isang Bryan Mendez ang nag-e-exist sa mundo. Isa na itong magandang panimula. Sana, magkita ulit kaming dalawa.

"Bry!"

Agad akong nag-angat ng tingin nang marinig ang pangalan ko. Si Josh, nakadungaw siya sa bintana ng bus at nakangiting kumakaway sa akin. Hindi ko na rin napigilan ang ngumiti saka gantihan siya ng kaway hanggang sa tuluyan ng umalis ang sinasakyan niyang bus.

Dear diary,

         Nakasabay ko kanina sa iisang payong si Josh. Ito na yata ang pinakamasayang araw ng buhay ko.

DEAR DIARY (UNEDITED)Where stories live. Discover now