MAG-ASAWANG ABWAK

128 10 0
                                    

MAG-ASAWANG ABWAK
Isinulat ni Alex Asc

Ito ay pag-iibigang kuwento ng dalawang nilalang sa dilim. Ang dalawang mag-asawang aswang na tinatawag na 'Abwak'.

Isang lalaking aswang na may kakayahang magkatawang bayawak at isang babaeng aswang na nagbabalat-kayo bilang uwak.

Pareho man silang aswang ngunit sila nama'y labis na nagmamahalan sa ngalan ng kadiliman.

Momoy ang pangalan ng lalaki at Lily naman ang pangalan ng babae.

"Paalam muna sa iyo, mahal, at ako'y maghahanap muna ng ating hapunan," pamamaalam ni Momoy kay Lily.

"Mag-iingat ka, mahal." Hinalikan ni Lily si Momoy. Naglakad na palabas ng kanilang tahanan si Momoy. Nang marating niya ang makipot na punuan ay bigla itong nagkatawang bayawak. Mabilis siyang gumapang patungo kung saan.

Wari may naaamoy siyang tao. Iyon ang puntirya niya upang magsilbing pagkain nilang mag-asawa. Walang kamalay-malay si Momoy na nakasunod sa kaniya si Lily. Nagkatawang uwak din iyon. Nais bantayan ni Lily si Momoy. Baka kapag nalagay sa kapahamakan ang asawa ay magagawa niyang sagipin iyon.

Nahinto ang lalaking mangangaso nang biglang lumabas sa harapan niya ang isang bayawak. "Hoy! Malaking butiki ito!" sambit ng lalaki.

Unti-unti namang gumagapang ang bayawak ngunit biglang naglabas ng kalibre 45 ang mangangaso. Itinutok agad sa bayawak. Mabilis na nag-anyong aswang ang bayawak at nakalundag ito patungo sa makipot na damuhan. Pinagbabaril iyon ng lalaki ngunit tila nakapagtago ang lalaking aswang.

Biglang sinunggaban naman ng malaking uwak ang lalaki sa likod, sanhi upang madapa iyon. Sa puntong iyon ay nagkatawang aswang ang uwak. Inupuan niya sa likod ang nakadapang lalaki at pinagkakalmot niya iyon sa leeg at batok, hanggang sa mabutas nito ang leeg. Ang sumunod na eksena ay hinihigop na ng babae ang dugo mula sa leeg ng lalaki.

"Halika, mahal... sabayan mo ako sa ating hapunan," alok ng babae. Unti-unti namang lumalabas ng makipot na damuhan ang lalaking aswang. Sandaling tumingin ng pabalang sa babaeng kasalukuyang ngumunguya ng laman ng taong iyon. Nahinto ang babae dahil sa galit na bumakas sa mukha ng lalaki.

Tumalikod ang lalaki at naglakad na. Hinabol naman siya ng babae.

"Bakit mahal? Hoy... hintayin mo naman ako..." sambit ng babae. Hindi sumagot ang lalaki. Sa halip, patuloy iyon sa paglalakad. Binilisan ng babae ang pagtakbo upang masabayan niya iyon.

"Hoy, mahal... patawarin mo na ako..." Hindi pa rin sumagot ang lalaki.

"Ano ba ang problema, tinulungan pa nga kita 'di ba?" Huminto ang lalaki at humarap sa babae.

"Oo, ngunit paano na lang kung ikaw ang napahamak? Lily, hindi ko mapapatawad ang sarili ko. Sinabihan na kitang ako ang bahala sa paghahanap ng pagkain natin. Ako ang lalaki at nararapat lamang na ako ang naghahanap-buhay," mahabang litanya ng lalaking Aswang.

"Labis lang naman akong nag-aalala sa iyo, e... kaya kita sinundan..." mangiyak-ngiyak na katuwiran ng babae. Hindi pa rin nahihimasmasan ang babae kaya't umiyak na ang babae. Agad naawa ang lalaki kaya't niyakap niya ang kaniyang asawa.

"Mahal na mahal kita, at ayaw kitang mapahamak..." malumanay na wika ni Momoy. Nagkasundo ang dalawa na pareho nilang balikan ang biktima.

Inuwi nila iyon sa kanilang bahay. Pareho silang hayok sa laman na lumalapa sa pobreng katawan ng biktima. Sandaling nahinto si Momoy at bahagyang minasdan ang asawa. Patuloy pa rin iyon sa pagkain.

Malungkot na ngiti ang gumuhit sa pisngi ni Momoy.  Kung siya lamang ang masusunod, ay mas nanaisin niyang mamiktima lamang ng hayop kaisa tao. Batid niyang anumang oras ay maaari silang mapahamak. Kahit nagkakatawang bayawak siya ay nagagawa niyang pigilin ang sarili sa pagkakatakam ng karne ng tao. Sadyang si Lily lamang talaga ang hindi kayang pigilin ang sarili. Kaya't upang mapaligaya ang minamahal na kabiyak ay siya ang laging naghahanap ng tao para kay Lily. Kaya ganoon na lamang ang galit niya tuwing sinusundan siya ng asawa.

MGA KUWENTONG KABABALAGHAN - Volume 11Where stories live. Discover now