Pueblo Musica

3 1 0
                                    

NAKATAYO si Kai sa tarangkahan ng Pueblo Musica. Nakasuot ng kayumangging pang-itaas na hanggang palapulsuhan ang haba ng manggas, mayroon itong panaklob sa ulo na tinernuhan ng kulay itim na pantalon. Kinakabahan siya habang nakatanaw sa loob ng bakuran ng Pueblo Musica; ang sinasabi ng ilan na mahiwagang lugar. Haka-haka sa kanilang bayan na kapag pumasok ka sa lugar na ito ay mababa ang porsyentong makabalik ka pa. Tila abandonado ang lugar dahil walang nakikitang tao, taliwas sa sinasabi ng ilan na maingay at matao rito.

Malamig na simoy ng hangin ang sumalubong sa kay Kai. Malapit nang magdilim at kahit dinadaga ang dibdib ay tinatapangan pa rin niya ang loob.

Pinagmasdan ni Kai ang kuwintas na hawak niya. Ito ang dahilan kung bakit siya papasok sa Pueblo Musica kahit alam niyang delikado. Humigpit ang paghawak niya sa kuwintas nang awtomatikong rumehistro ang mukha ng kaniyang sadya sa kaniyang isip. Nagdala ito ng tapang at lakas ng loob sa kaniya.

Huminga siya nang malalim bago buksan ang tarangkahan. Nagulat na lamang siya nang magbago ang senaryo pagkapasok niya.

Mula sa luma, madilim at halos walang taong lugar ay napalitan ito ng maliwanag, maganda, puno ng musika at mga nagsasayawang mga tao sa daan.

Nagkaroon ng mga bahay na magkakalapit. Gawa sa nipa at pawid ang mga ito na nagpapakita ng simpleng pamumuhay.

Mayamayaʼy pumapailanlang ang isang musikang nang-aakit sumayaw. Nabalot siya ng pangamba nang maalalang maggagabi nang pumasok siya sa Pueblo Musica ngunit sa loob nitoʼy umaga pa lang.

"Ibig sabihin ay mayroon talagang kakaiba sa lugar na ito?" saad niya sa sarili.

Lalo pang tumibay ang kaniyang hinala nang lumapit siya sa mga tao. Sumasayaw ang mga ito ngunit walang ekpresyon ang mga mata. Tila mga wala sila sa sariling pag-iisip.

Biglang huminto ang mga tao sa pagsasayaw nang tumigil ang musikang naririnig nila. Nagsipasok ang mga tao sa kanilang bahay.

Napaatras si Kai nang makita na unti-unting nagdidilim ang paligid. Mabilis siyang nagtago sa pagitan ng dalawang bahay nang masilayan ang paparating pang mga tao. May isang nakasakay sa kabayo habang ang apat naman ay naglalakad lang. Itim ang kasuotan at nakatalukbong ang mga ito. Naramdaman ni Kai ang nakapangingilabot na awra ng mga ito.

Ilang minuto ring nagtago si Kai hanggang sa makalagpas ang mga tao. Laking pasasalamat niyang hindi siya napansin. Lumabas na siya sa pinagkukublihan at nagpatuloy sa paglakad. Lumiwanag muli ang lugar habang siya'y naglalakad. Muling pumailanlang ang musika na sinundan ng paglabas ng mga tao, napuno na naman ang kalsada at tila bumalik sa normal ang lahat.

Tinakpan niya ng dalang tela na kulay itim ang kalahating bahagi ng mukha mula ilong hanggang baba. Ibinaba pa niya ang talukbong nang makipagsiksikan siya sa mga tao. Nakayuko siyang nagpatuloy sa paglalakad habang pasimpleng hinahanap ang kaniyang sadya sa lugar na iyon.

Bigla siyang napahinto nang bumangga sa isang tao. Naramdaman niya ang matipuno nitong dibdib.

"Isang bannen," wika ng lalaking nabangga niya. Agad niyang iniangat ang mukha ang tingnan ito. Rumehistro ang pagkagulat sa kaniyang mukha. Nakasuot ang lalaki ng itim na damit. Itim din ang kulay ng mga mata, matangkad ito at kalbo.

Naramdaman ni Kai na pinagtitinginan na siya ng mga taong nakapaligid sa kaniya. Napamulagat siya nang makitang tila mga halimaw ang mga ito at gusto na siyang kainin. Matatalim na ang titig ng mga tao sa kaniya habang paulit-ulit at sabay-sabay na binabanggit ang salitang, "Bannen."

Napaatras si Kai nang bunutin ng lalaki ang espadang nakasabit sa baywang nito. Nakasisilaw ang liwanag ng talim ng espada nang tamaan ng sinag ng araw. Sasaksakin na siya ng lalaki nang may mahabang espadang na sumalag dito.

Dark Lyre (One-Shot) [COMPLETED] [SELF PUBLISHED]जहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें