Chapter 2

36 5 4
                                    

Dahan-dahang tumutusok sa leeg ko ang patalim. Ni hindi ko magawang makalunok sa pangambang baka ito'y tuluyang bumaon sa aking balat. Na maging ang paghinga ay kinakailangan ko pang pag-ingatan nang hindi malingat ang patalim sa aking lalamunan.

"Sa lahat ng espiyang nakilala ko, ikaw ang pinaka hangal." Dumaloy ang malalim at malamig na tinig nitong nagdala ng kung kilabot sa aking sistema.

Ako pa rin ay naguguluhan, hindi maiproseso ang mga salitang lumalabas sa kanyang bibig— kung paano ako naging isang espiya gayong ako'y taga rito din lamang.

Sa isang iglap, natagpuan ko ang aking buhay sa kamay ng isang nakamaskarang anghel, nababalutan ng itim na bandana ang buong mukha at kapang halos takpan na ang kanyang maskuladong katawan. Sa kagustuhang makawala sa mahigpit na pagkakasakal nito sa aking lalamunan, buong lakas kong siniko ang kanyang tagiliran.

Ganun na lamang ang aking pagkabigo nang sanggain niya ito gamit ang malaya niyang kaliwang kamay at saka ako ipinako sa katawan ng puno ng Iguerra. Naroon pa rin ang hapding dulot ng munting sugat sa aking bandang panga ngunit hindi ko iyon hinayaang humigop pa sa natitira kong lakas.

"Nagkamali ka ng ata tyempo. Kamalas-malasang ako ang nakatoka sa pagroronda at natagpuan kita," halos pabulong nitong banta sa akin, tila sabik sa kung anumang peligrong mararanasan ko sa kamay niya.

"Hindi ako ang espiyang hinahanap mo, tanga," bagaman hirap, pinilit kong sabihin iyon sa kanya ng diretso. Pero naramdaman ng aking pisngi ang kanyang galit nang tumama ang mukha ko sa katawan ng puno. Napamura ako ng wala sa oras, matinding pagsisisi ang nasa isip ko na sana'y hindi na lamang ako lumabas ng tolda at hinintay na lamang na dalawin ako ng antok kesa maranasan ang kamalasang hatid rin ng estupidong anghel na ito..

"Sabihin mo 'yan sa harap ng Suprema, yun ay kung makapagtitimpi ako't hayaan kang mabuhay," aniya at pagak na humalakhak.

Buong tiis kong ininda ang magaspang na bahagi ng kahoy na tumutusok sa aking pisngi. Ang kamay kong hawak niya'y dahan-dahan niyang pinipilipit, dahilan na mapasigaw ako sa sakit.

"T-Tanga ka pala eh," sarkastiko akong natawa sa kabila ng paghihirap na nararanasan.

Marahil sa ginawa ko'y mas lalo siyang nagalit dahilan na tuluyan nang bumaon sa pisngi ko ang magagaspang na kahoy. Ramdam ko ang hapdi, bagaman mas lamang ang pagkainis sa tangang tagabantay na kawal.

"Hindi mo gugustuhing makipagbiruan sa isang kawal ng Sup—"

"Wala akong pake kung isa kang kawal ng Suprema. Kung malalaman ng iyong pinagmamalaking pinuno ang kahangalang iyong ipinaglalaban, tingnan na'tin kung may posisyon ka pang maipagmamalaki," buong diin na saad ko sa kanya.

Palihim akong napalunok dahil sa nasabi. Gusto kong laslasan ng dila ang aking sarili dahil sa panghahamon sa isang kawal ng Suprema Bellator, pero pinili kong magpakatatag.

Bahala na.

"Hangal ka!" galit na sabi niya at akma nang ilalapat sa leeg ko ang patalim na hawak nang malakas akong tumawa, sa kabila ng kabang nararamdaman.

"Isa lang akong Lochos. Isang babaeng Lochos. Nariyan lamang sa malapit ang aking baryo. Hangal nga siguro akong tunay kung babalakin kong mag-espiya sa kampo ng aking mga kauri," puno ng sarkasmo kong tugon sa kanya, sa kabila ng kaba at takot na nadarama.

Napapikit na lamang ako nang ramdam ko ang pagnginig ng kanyang kamay tanda ng matinding galit. Handa na sana akong mamatay, nang biglang mapuno ng sigawan ang aming paligid.

Huli na nang mapagtanto kong napalilibutan kami ng mga Lochos, may dala-dalang sibat at panang diretso nang naka-asinta sa aming dalawa.

"Ibaba mo ang iyong punyal!" sigaw ng isang tinig na kasing tikas ng mga maskuladong sundalong anghel. "Sa utos ng Heneral, ibaba mo ang iyong punyal!" anito.

ADALEA ACADEMY: School For Warrior AngelsWhere stories live. Discover now