Chapter 3

29 5 3
                                    

Gulat at hindi maiproseso ng utak ko ang sumunod na nangyari. Sa gitna ng tahimik na gabi ay ang mabibigat na paghinga ng aking ina na bakas ang pagkadismaya sa akin. Dilat ang matang bumalik ang tingin ko kay ina, bago dahan-dahang nagbaba ng tingin sa lupa dahil sa kahihiyang nadama matapos kong tignan ang mata niyang lumuluha.

"Kahit isang beses, Hagael. Bigyan mo 'ko ng kaunting kahihiyan sa mga opisyal," mangiyak-ngiyak, bakas ang galit bagaman pabulong niya nang diin sa akin. Isang malaking lagok ng laway ang aking nilunok, na sa pagbaba nito sa aking lalamunan ay tila makakapal na pakong tumutusok sa loob.

"Ang huling nais kong mabalitaan na gigising sa akin sa madaling araw ay ang kapangahasan mong magpakita sa mga lalaking Lochos sa ganyang itsura. Masaklap pa, sa mga mandirigmang nasa kampo. Ano ang tingin mo sa iyong sarili? Kaladkaring babaeng mapag-alok?"

Napapikit na lamang ako nang iamba ni ina ang kanyang kamay na muli nanamang isasampal sa akin. Ngunit sa kalagitnaan ay huminto rin ito, hanggang sa kanyang ikuyom ang kamao at napaluha na lamang.

Hindi ko maatim na panoorin ang aking inang umiyak, kaya't napapikit na lamang ako. Puno ng pagsisisi sa pangyayaring maging ako'y wala namang intensyong pasukin.

Ngunit sa kabilang banda'y hindi ko rin matanggap ang mga salitang sinasabi ni ina. Gusto kong magpaliwanag sa kanya, na mali ang kanyang pagkakaintindi. Ngunit sa takot na mas lalo pa siyang magalit ay nanatili akong tahimik.

Huli na nang malaman kong may mga sundalong Lochos na pala ang nagtungo sa aming tolda upang ibalita kay ina ang pagtungo ko sa kampo. Bilang isang Adalean, isang kapangahasan ang pagtungo ng babae nang mag-isa sa lugar ng mga lalaki. At kahit hindi man iyon ang iyong intensyon, kahit anong gawin mo'y mapagkakamalan kang nag-aalok ng laman.

Kaya naiintindihan ko rin kung bakit ganito ang reaksyon ni ina. Alam ko naman na sa sarili kong kahihiyan ang aking matatanggap.

"Matanda ka na, hindi na kailangang isubo pa sa utak mo ang dapat na ginagawa ng isang babaeng Adalean. Kung sa tingin mo'y kaya mong gamitin ang dating posisyon ng iyong ama para lamang malusutan ang gulong pinasok mo, 'wag ka nang umasa. Matagal nang wala ang iyong ama at kailangan mong tanggapin iyon. Hindi ka na prinsesa kaya ilugar mo ang iyong sarili!"

Wala na akong ibang narinig kundi ang malalakas na yabag ni inang papalayo sa akin, at ang tibok ng puso kong sa bawat pitik ay naghahatid ng sakit. Pilit na pinoproseso ang mga salitang natanggap mula sa aking ina.

Alam ko naman na ang mga bagay na iyon, ngunit sa tuwing iba ang nagsasabi, parang ang hirap pa rin tanggapin. Nakakatakot, lalong-lalo na kung galing pa mismo sa iyong ina.

Naiintindihan ko ang kinakagalit ni ina, pero ang hiling ko'y sana naman ay binigyan niya ako ng pagkakataong makapagpaliwanag man lang. Na kahit sa iilang segundo'y magawa niyang pakinggan ang aking panig at ibalanse ang kanyang husga.

O baka hindi na rin.

Nasa utak ni ina ang prinsipyong "ang mga babae ay kinakailangang umaktong naaayon sa kung ano sa tingin ng tao ang naglalarawan sa isang babae."

Ang Adalea, bagaman ay pinaninirahan ng mga malalakas na mamamayan, nakakalungkot lamang na nasa likuran ng pagkilalang iyon lamang ang mga kababaihan. Nasa pinakadulo. Ang mga lalaki ang mas may kapangyarihan. Mas may karapatan. At kaming mga babae ay mga kasangkapan lamang sa pagpapamilya.

Hindi ako batikan sa larangan ng statistiko, pero alam kong matumal ang mga nag-iisip na taliwas sa konsepto ng nakararami. Na kahit mga kapwa kababaihan ay hindi magawang isatinig ang kanilang mga nais sabihin at walang magawa kundi makisabay sa agos ng sistema.

Nakakalungkot lang na isa ang aking isa sa kanila.

Sa pagpatak ng umaga, dali-dali akong lumabas ng tolda para salubungin ang sikat ng araw gaya ng aking nakasanayan. Bukod sa naangkin ko ang kapayapaang binibigay ng bagong araw ay tila bagong pag-asa ang umuusbong sa pagbangon ng liwanag mula sa likod ng mga kabundukan.

ADALEA ACADEMY: School For Warrior AngelsWhere stories live. Discover now