Chapter 4

24 4 1
                                    

Sa isang iglap, walang pasubali akong nagtungo sa harap ng aking ina at pumagitna sa kanilang lahat. Pilit kong pinapatayo si ina, ngunit sa tuwing ginagawa ko 'yon ay binabawi niya ang kanyang braso at mas lalong ibinababa ang sarili sa harapan ng mga opisyal.

"Ina, tumayo ka," pabulong na sabi ko sa kanya habang pilit na nilulunok ang matatalim na pakong nakabaon sa aking lalamunan. Naramdaman ko ang unti-unting pag-agos ng aking mga luha dahil sa di maatim na tanawing nasa aking harapan.

"Ina—"

"Umalis ka dito, Hagael. Tirhan mo ako kahit ng kaunting kahihiyan," madiin na sagot niya dahilan na mabigla ako at mabitawan siya.

Hindi ko aakalaing kahit hanggang ngayon ay pakiramdam niya'y isa pa rin akong kahihiyan. O ganun nga ba talaga?

"Sino ka?" biglang usal ng Suprema dahilan na mapaayos ako ng tayo at lumingon sa aking likuran.

Nanigas ako sa aking kinatatayuan nang dumaloy ang malamig na presensyang ipinapadama nito dahilan na manginig ako sa takot. Ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit ganito na lamang ang reaksyon ni ina. Ang Suprema ay isang bangungot na nagkatawang-anghel.

Dala ng takot, awtomatiko akong napaluhod gaya ni ina. Ang aking tingin ay nakapako sa alikabok ng lupa at hindi makapaniwala sa mabigat na presensyang kaya nitong idagan sa akin.

"A-Ako po si Hagael, Suprema," ang tanging nasabi ko.

Naninikip ang dibdib, pilit kong hinabol ang aking hininga. Ngunit sa tuwing humihinga ako ng malalim ay siya rin namang pagbilis ng tibok ng puso ko sa kaba.

Para akong nasa pinakamalalim na parte ng dagat. Madilim, mabigat, hindi ako makahinga.

"Siya ang isa sa anak ni Hornelius, Suprema," kapagkuwa'y banggit ng isa sa mga kasama ng Suprema.

Pinakiramdaman ko ang paligid. Kung sakaling hindi ko naihatid si Heros kay Tiya Salve, sigurado akong mas matindi pa rito ang daranasin ni ina at ng aking kapatid. Pero kahit saang banda, ang ginagawa namin ay matinding paglabag sa batas. Tama ang opisyal, isa itong pagrerebelde.

"Nasa iyo ang pasya. Ipaparehistro mo ang iyong anak, o tatanggapin mo ang parusa sa harap ng iyong mga ka nayon at ng iyong anak," muling wika ng opisyal. Matinding panginginig ng kamay ang aking naramdaman. Pinaghalong galit at takot ang dumadaloy sa aking dugo, na hindi ko kayang marinig ang pasiyang gagawin ni ina.

"Nais ko po..." utal na sagot ni ina. Napapikit ako nang hindi ko matiis ang tensyong bumabalot sa aming lahat. Sa tagal nang pananahimik ni ina, dumako sa isip ko ang katotohanang baka anumang oras mula ngayon ay mawawalan ako ng kapatid o ng ina. Alinman sa dalawa, hindi ko gugustuhing mangyari iyon.

"Nais ko pong..." muling usal ni ina at suminok dulot ng kanyang paghagulgol. "Nais ko pong ipasok ang aking panganay na anak sa akademya, k-kapalit ng kanyang kapatid."

Tila isang mabigat na masong ipinukpok sa dibdib at tenga ko ang mga katagang narinig. Nanlaki ang mga mata ko, at hindi rin nakawala sa akin ang pagsinghap ng nakararaming pinapanood ang eksena.

Nablangko ang aking isipan, umaasang mali ang aking narinig, umaasang hindi ako nababaliw. Wala sa sariling napalingon ako kay ina. Ngunit ganun na lamang ang pagkadismaya ko nang makita ang blangko niyang mukha, nakatitig sa lupa, at ang panga niyang nagtatangis.

ADALEA ACADEMY: School For Warrior AngelsWhere stories live. Discover now