Chapter 7

15 3 0
                                    

Papasikat na ang araw, isang hakbang pa lamang ang nalinis ko. Hindi rin ako makagalaw nang maayos mula nang dumating ang isang Custos, na gano'n na lamang ang pagpupuna sa aking ginagawa na kulang na lamang ay ipaulit sa akin ang lahat ng nagawa sa loob ng ilang oras.

Base sa suot nitong pilak na baluti ay masasabi kong isa siyang Chordus. Ang Chordus ay isang ranggo ng Custos o kawal dito sa akademya na kaagapay ng mga Princepis sa pag-eensayo ng mga estudyante. Maaring ipinadala siya ng Princepis na naka-toka sa aming grupo.

"Mangmang ka talaga. Nakita mo ba ito o tanga ka ngang tunay? Linisin mo iyan nang mabuti o ipapalinis ko sa iyo yan gamit ang iyong dila!" singhal nitong muli habang nakaturo sa dumi na kasing laki ng isang butil ng bigas. Kung muli ko lang ipapairal ang aking ugali ay sasagutin ko ito nang naayon sa aking pangangatwiran.

Ngunit dahil sa inabot ko kaninang madaling araw, napagtanto kong tama nga si Imeer. Ikinaiinis kong nakalimutan ang paalala niyang iyon, sa harapan pa ni Heneral Leroy na siyang isang opisyal ng akademya.

"Pasensya na, Custos," tugon ko na lamang at nilinis ang duming kanyang nireklamo.

"Pasensya, pasensya. Yan ang napapalo niyong mga walang modo. Ang lalakas ng loob na gumawa ng kasalanan ngunit parang tupang maamo 'pag naparusahan  at hihingi na lang ng tawad. Tanga lang ang magsasabing matutubos ng pasensya ang pananaksak."

Napahinga ako ng malalim sa lihim at hinayaan siyang maglabas ng sama ng loob. Base sa mga salitang naririnig ko mula sa kanyang bibig ay madalas na siyang ma-tokang magbantay sa mga estudyanteng napaparusahan gaya ko. Hindi niya na nga pinalampas ang pagkakataong ito at ibinunton sa akin ang kanyang mga hinanakit.

"Kasama mo pa naman si Imeer sa tolda. 'Wag naman sanang mahawaan ng sama ng iyong ugali," biglang komento nito dahilan na mapatingin ako sa kanya. Ngunit sandali lamang iyon dahil bawal akong tagpuin siya sa mata bilang pagbibigay ng respeto sa kanya na isang Custos.

"Napakabait ni Imeer. Kung papalaring makapasa siya sa huling pagsusulit sa susunod na taon bilang Princepis, sa kanya ako magpapasailalim," dagdag niya na bakas ang paghanga sa kanyang mga mata.

Hindi ko maiwasang mapahinto saglit sa pagkalaykay. Napansin rin ang kanyang biglang pananahimik matapos mabanggit si Imeer. Ngunit gaya nang gaano kaligalig ang kanyang tinig kanina habang binabanggit ang aking ka-tolda, ganun rin kaligalig ang mata nito. Hindi rin maitago ang ngiti sa kanyang labi na pilit niyang pinipigilan.

"Maari po kayong ngumiti kung ito ang iyong nais," biglang wika ko sa kanya dahilan na mabigla ito at maglaho ang umuusbong na ngiti sa kanyang labi.

"Sinong nagsabi sa iyong pwede ka nang magsalita?" pagmamatigas nito at muli nanamang nagsalubong ang kanyang kilay at binantayan ang aking ginagawa.

Mula nang sandaling iyon, kahit papaano'y gumaan ang loob ko ng kaunti. Kung kanina'y halos sumabog na ang dibdib ko sa sama ng loob, nang makita ko ang paghanga ng Chordus kay Imeer ay napagtanto kong hindi naman siguro lahat ng bagay dito sa akademya ay masama. Sa nakita kong pagkabilib niya ay siguro normal na anghel lang din ang mga nandito at kinakailangan lang gawin ang mga katungkulan nila.

Pero hindi rin mawala sa isip ko. Gaya rin kaya ng mga estudyante, may mga nais rin kaya ang mga Custos na ito at iba pang mandirigma ng Adalea na hindi naisakatuparan dahil sa nakaatang na tadhana nila?

Pakagat na ang dilim nang mapagpasyahan na ng Chordus na pabalikin ako sa tolda. Hindi ko na nagawang makasali sa unang araw ng ensayo dahil sa tagal namin sa likuran. Hindi ko na rin pinalampas ang segundo na lumipad patungong batis upang makapagbanlaw at maialis ang umaalingasaw na amoy ng dumi sa aking katawan.

Medyo nagtagal ako sa batis dahil sa hindi matanggal na amoy, ngunit nang matanggal na iyon ay saka ako nagpasyang bumalik sa kampo para maghanda para sa hapunan. 

ADALEA ACADEMY: School For Warrior AngelsWhere stories live. Discover now