Chapter 6

32 2 0
                                    

Note: This chapter contains foul words.

~•~

Kasalukuyan kaming naglalakad patungo sa mga malalaking gusali kung saan gaganapin ang pagtitipon para sa aming lipon. Inatasan kaming magtungo sa mga gusaling ibinanggit ng eskriba na naaayon sa kulay ng batong aming pinili. At ngayon, kasabay ko ang mga estudyanteng magiging kasama ko sa lipon.

"Pangahas talaga kayong mga Lochos. Hindi mo ba alam na hindi ito ang lugar para sa'yo?"

Nagpantig ang tenga ko sa narinig. Nais ko sanang lingunin ang kung sino mang nagbanggit noon, pero pinili kong 'wag nalang itong pansinin.

"Tingnan mo, pangahas talaga. Ang lakas ng loob magbingi-bingihan," muling ani nito dahilan na hindi ko na napigilan ang sarili.

Bagaman ayaw kong huminto sa paglalakad, tumalikod ako at sinalubong ng tingin ang nagsalita. Hindi nga ako nagkamali. Base pa lang sa pananalita nito at sa init ng dugo sa aming mga Lochos, hindi nga ako nagkamaling isa siyang Commodore.

Ang inaasahan ko'y isang bata ang makakaharap ko ngunit nagkamali ako. Binatilyo na kung titignan, ngunit halatang walang alam sa pinasok niya.

"Ano pang gusto mong ipaglaban?" tanong ko sa kaniya. Gusto ko mang patulan ito, alam ko namang makakasama para sa akin iyon lalo na't mainit pa ako sa mata ng nakararami dahil sa aking kasarian.

"Ay, lumalaban," mangha waring aniya at nakipagtawanan pa sa mga kasama niyang Commodore. Nakakabilib na sa ikli ng panahon ay nagawa niya nang makahanap ng mga magiging kakampi niya.

Isang malalim na buntong-hininga ang aking pinakawalan bago napagpasyahang tumalikod na lang. Isang bagay na dapat kong tandaan habang nandito ako sa akademya, yun ay ang matutunang ilugar ang aking sarili lalo na't ako ang hindi dapat napapabilang dito.

"Hoy! Malaki lang ang katawan mo, pero duwag ka!" muling sigaw nito na nagpapasya sa aking 'wag nang lumingon muli.

Tanga na ako kung papatol ako sa nagtatanga-tangahan. Kaya mas pinili kong ipalabas iyon sa aking kabilang tainga at naglakad patungo sa gusali.

Dumako kami sa isang pabilog na bulwagan na pinalilibutan ang isang pulpitong madudungaw sa gitna. Nagsi-upo kami sa nakapalibot na upuan na kasabay naman ng pagdating ng isang Princepis na may hawak na nakarolyong papel sa pulpito. Sa kabila nang mga bulungang naririnig ko na halata namang ako ang pinag-uusapan, mas pinagtuonan ko ng pansin ang sasabihin ng Princepis na batid kong magiging malaking ganap sa aming lipon.

"Inaanyayahan ang lahat na magsitayo sa pagdating ng Heneral," ma-awtoridad nitong wika kung kaya't lahat kami'y nagsitayong muli at itinapat sa aming dibdib ang kanang kamao upang magbigay pugay.

At ganun na lamang ang aking pagkabigla nang isang pamilyar na mukha ang tumayo sa likod ng pulpito. Matinding pagkasindak ang aking nadama nang ito mismo ang sumalibong sa aking tingin dahilan na biglaan akong mag-iwas ng tingin.

"Magsiupo ang lahat," wika ng heneral na Lochos na walang iba pa kundi si Heneral Leroy na dati'y tinuturing kong nakatatandang kapatid. Ramdam ko pa rin ang titig nitong tumatagos sa ulo ng mga nasa aking harapan papunta sa'kin kung kaya't todo ang paglunok ko ng sariling laway dulot ng kaba.

Sa lahat ng pwedeng maging tagapagturo ko'y bakit kinakailangang si Heneral Leroy pa?

"Nais ko lamang ipagpaalam sa inyong lahat na ang kung sino mang pumili sa itim na bato ay nabibilang sa aking lipon. Ang lipong ito ay tatawaging Sabros," paunang sabi nito habang seryosong tinitignan isa-isa ang masuyod nito ng tingin.

"Ang aking lipon ay hindi lamang sasailalim sa paghahanda ng katawan at lakas, kundi maging ng isip at disiplina. Kung kaya't nawa ay maging handa kayo sa inyong ensayo bukas ng umaga. Sa ngayon ay ililipat kayo ng inyong mga tolda sa kanluran ng akademya. Makakasama ninyo ang lipon ni Heneral Theo na Lipong Rebos kaya inaasahan ko ang inyong pag-iwas mula sa gulo. Hindi ko nais na mabalitaang may makakaalitan kayo sa isa sa mga kasama natin sa kampo," paliwanag pa nito.

ADALEA ACADEMY: School For Warrior AngelsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon