Chapter 1

52 11 5
                                    


Chapter 1

Makailang pihit ang ginawa ko sa higaan—patagilid, padapa, patihaya—lahat na yata ng posisyon ang ginawa ko para lamang makaidlip. Ngunit kahit anong gawin ko'y hindi ako madalaw ng antok. May kung anong bumabagabag sa akin.

"Hagael, tama na," bulong ko sa sarili at mabilis na napahilamos sa sariling mga palad.

Ilang gabi na nga ba akong hindi nakakatulog ng maayos? Dalawa na nga yata.

Pumihit ako pakanan at sinubukang matulog ulit. Ngunit sa tuwing pipikit ako'y naaalala ko nanaman ang madilim kong nakaraan. Ilang beses ko nang hiniling sa mahabaging Akwan na tanggalin ang mga pasanin sa aking likuran. Ngunit magpasa hanggang ngayon ay napakabigat pa rin.

Hindi ako lubos na makausad dahil sa mga humihila sa akin sa nakaraan.

Ang aking ama, tiyak na malulungkot siya kapag nalaman niyang hindi pa rin lubos na matanggap ng puso ko na wala na siya.

Sampung taon na ang nakakalipas. Ngunit narito pa rin ang sakit.

"Hagael?"

Awtomatiko akong napaayos ng higa nang marinig ko ang tinig ng aking inang naalimpungatan na. Ngunit imbes na sumagot ay nanatili akong tahimik nang sa gano'n ay maisip niyang tulog nga talaga ako.

Ang mahinang ungol ni inay ang hudyat na tulog na nga ito. Dahan-dahan akong lumingon sa kanyang higaan. Mahimbing ang kanyang tulog sa higaan nitong gawa sa pinagtagpi-tagping mga ratan. Nasa tabi niya ang nakababata kong kapatid na si Hatheros.

Dahan-dahan akong bumangon at napahilamos sa mga palad. Hindi makatutulong ang pag-iisip ng malalim. Kinakailangan kong lumabas muna at magmuni-muni nang sa gano'n ay dalawin ako ng antok kahit papaano.

Pagkapatay ng mitsa na nasa tabi ng higaan, lumabas ako mula sa tolda at tinanaw ang kalangitang napupuno ng bituin.

"Siguro naman ay nariyan ka. Naririnig mo naman ako, diba?"

Pilit kong ibinuka ang aking mga pakpak at sinimula iyong ipagaspas. Sumabay ako sa hangin, hanggang sa tuluyan ko nang matanaw ang aming baryo mula rito sa itaas.

Tila isa akong malayang ibong nagliliwaliw sa kalangitan ng mga oras na iyon, walang ibang inisip kundi ang kaginhawaang natatamasa sa gitna ng kalangitan. Ang mga ulap ay humahalik sa aking balat, na kahit papaano'y pinapawi ang bigat na nararamdaman ko sa dibdib.

"Magiging isa kang tanyag na mandirigma, Hagael."

Paulit-ulit na umaalingawngaw sa isip ko ang mga huling salita ni ama. Hanggang ngayon, ramdam ko pa rin ang tiwalang ipinagkaloob niya sa akin, na kaya ko ring maging tulad niya. Nakakalungkot lamang na malabo nang mangyari iyon.

Isa akong babae. Hindi ako pwedeng maging Suprema Bellator, o kaya'y maging Heneral lamang gaya ng aking ama.

Sa lupa ng Adalea, bagaman kami ay malalakas na uri ng nilalang, narito pa rin ang hindi pagkakapantay-pantay. Tanging ang mga lalaki ang isinasabak sa malalaking digmaan. Napakaraming oportunidad para sa mga kalalakihan.

At kaming mga babaeng Adalean, ay sinasanay sa mababang pamamaraan ng ensayo. Ngunit 'pag naglaon ay magiging tagasilbi lamang ng mga lalaking mandirigma.

Kung kaya't ang pangarap para sa akin ni ama ay tiyak na hanggang bulong na lamang.

Mula sa kalangitan ay isang pagaspas ang aking ginawa bago ako kumaripas patungo sa makakapal na ulap. Nais kong lumipad hanggang sa ang mga pakpak ko'y mapagod. Ipapatangay ko na lang din sa hangin ang pasaning bitbit ko gaya ng aking nakasanayan.

Siguro naman ay maaari akong makahinga kahit man lang saglit.

Kasalukuyan akong nagpapadala sa hangin nang pumanaog ang paningin ko sa madilim na kalupaan. Mukhang napapalayo na ako mula sa baryo. Nasasagi na ng paningin ko ang mga Lochos na nagbabantay sa paanan ng bundok.

Tumigil ako sa pagtungo sa direksyon nila sapagkat maaaring may mangyari kung sakaling mahuli nila ako. Kaya nagmadali akong pumanaog sa likod ng malalaking puno ng Iguerra, isang kahoy na aabot sa tatlong kataong pinagtatabi ang kalapad.

Tahimik akong nagmasid. Bilang isang anak ng dating Heneral, may kakaunti akong kaalaman tungkol sa mga Lochos.

Sila ang mga mandirigmang nakikipaglaban sa kabundukan mula sa mga nilalang na sumisira sa mga kagubatan. Ang kampo nila sa paanan ng bundok ang nagsisilbing hangganan sa bawat rehiyon ng Adalea. At ang aming baryo ay nalalapit sa kanilang kampo. Kaya't madalas na mga Lochos ay mula sa amin.

Tanaw na tanaw mula sa pwesto ko ang maliwanag nilang kampo. Maingay rin na tila ba nagkakasiyahan.

Hindi ko lubos maisip kung paano ako napadpad sa lugar na ito. Kung tutuusin ay nasa tolda ako ngayon at mahimbing na natutulog.

"Hangal ka ngang tunay, Hagael," bulong ko sa sarili. Maaari akong mamatay dito 'pag nagkataon.

Balak ko na sanang bumalik sa baryo nang maagaw ang atensyon ko ng mga bagong dating na Lochos sa kampo.

Dumagundong ang kaba sa aking dibdib nang masilayan ang mga patay na nilalang na bitbit ng iba. Napakalaki nito, isang mabalahibong nilalang na balos nasa dalawampung talampakan ang laki at may makaliskis na mga pakpak.

Mula sa nagkakasiyahang mga anghel ay nagmamadaling nagmartsa ang isang lalaking may pulang kalasag, tanda na isa itong opisyal. Kasunod nito ang iilang mga Lochos na gulat rin sa nakita.

"Saan niyo ito natagpuan?" wika ng opisyal na tila ba nabahala sa nakitang nilalang.

"Sa hilagang bahagi ng rehiyon, Heneral. Ang iilan sa kanila'y nakapuslit, at tanging ito lamang ang aming nadakip," wika ng bagong dating ng may buong paggalang.

Gamit ang isang sibat ay sinuri ng Heneral ang walang buhay na nilalang. Hindi ko napigilang mapangiwi nang tuklapin nito bagsak na talukap at tusukin ang mata gamit ang hawak na sibat.

"Isang Bindrune. Kay palad at nakadakip kayo ng isa. Batid kong nagkalat ang mga ito sa Timog ng Adalea at namiminsala ng mga kabahayan doon," banggit ng Heneral at buong lakas na tinanggal ang mata nitong halos kasing laki na ng tiyan ng Heneral. "Bukod pa roon ay malinamnam na karne ang inyong nakuha. Ipasok ang isang 'yan sa kampo."

Ipinaubaya ng Heneral ang nilalang sa ibang Lochos na naroon. Ngunit hindi pa man ito nakakahakbang pabalik sa kampo ay muling inagaw ng bagong dating na Lochos ang kanyang atensyon.

"Heneral! May nais rin po akong ipaalam sa inyo," aniya.

Huminto naman ang Heneral at humarap sa kausap. Naging mahina na ang tinig nito kung kaya't hindi ko lubos na marinig kung ano ang sinabi ng mandirigma.

Pinakatitigan ko ng maigi ang Heneral, nagbabaka-sakaling may mababasa akong emosyon sa kanya ngunit bigo ako. Matapos sabihin sa kanya ang impormasyon ay tumango lamang ito bago tumalikod at bumalik sa kampo.

Napasandal ako sa puno ng iguerra. Hindi ko akalaing may masasaksihan akong kakaiba ngayon gabi. Ngunit kinakailangan ko nang makauwi. Delikado ang ganitong oras para sa aming mga sibilyan.

Akma na sana akong aatras palayo nang may isang kamay ang pumigil sa likuran ko. Napasinghap ako nang maramdaman ang isang matalim at mainit na bagay na nakatusok sa leeg ko.

Ang kaninang kabang naramdaman ko ay muling nagbalik, ngunit sa pagkakataong ito'y mas tumindi lamang lalo na nang maramdaman ko ang presensya ng isang anghel sa likuran kong handa na akong patayin.

"Kamalas-malasang ako pa ang nakakita sa iyo, espiya," bulong nito at pinadausdos ang kanyang patalim mula sa aking lalamunan pababa sa aking dibdib.

Sa mga oras na iyon ay isang bagay lang ang aking sinisigurado. Hindi ako isang espiya!

"Alin kaya ang babagay sa taksil na kagaya mo? Ang walang pakpak, o pugot na ulo?"

╬╬╬╬╬

ADALEA ACADEMY: School For Warrior AngelsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon