PROLOGUE

87 11 1
                                    


"Nung ako'y bata pa lamang, araw-araw akong kasama ni Ama sa kampo. Napakaraming mandirigma ang naroon. Malalakas, kitang-kita mo ang pagmamahal nila sa kanilang ginagawa," nakangiting ani ni Ama. Tila isang matamis na sandali ang nasa kaniyang mga alaala.

"No'ng mga oras na iyon, saka ko nasabi sa aking sarili na nais kong maging kagaya nila," patuloy nito.

Napakamot ako sa aking pisngi, lito sa kung anong dapat isagot sa kanya. Kita naman ang kanyang tuwa, ngunit dahil sa aking edad ay hindi ko mawari kung ano ang ibig niyang sabihin.

Nasaksihan ko ang kanyang bawat pag-uwi. Kung walang benda ay nagdurugong parte ng katawan naman ang kanyang pasalubong sa aking inang labis kung mag-alala sa kanya. Kaya hindi ko maintindihan kung bakit ganun na lamang siya kasaya sa kanyang ginagawa.

Mukhang hindi naman masaya maging isang mandirigma. Lagi na lamang nasasaktan.

Tila nabasa naman niya ang pagkalito sa aking mukha kaya't nagpakawala ito ng mahinang tawa.

"Balang araw, maiintindihan mo rin," aniya at ibinato ang sibat sa ilog. Saktong tumama sa isdang kakalapit pa lamang.

"Siguro kapag matanda na po ako gaya mo," tugon ko naman sa kanya at ibinato ang aking sibat sa tubig. Ngunit imbes na tumama sa isda, ay sa bato tumama ang patalim nito, dahilan na mauka ang dulo.

"Ang hiling ko lang ay maging masaya ka sa iyong gagawin. 'Di bale nang hindi tayo pinagpala sa kapangyarihan, ang mahalaga'y wala kang pagsisisi," makahulugang aniya at pinulot ang nasira kong sibat.

Mas lalo akong naguluhan.

"Masaya po kayo na lagi kayong nasasaktan?" tanong ko.

Sandali siyang napahinto, hindi malaman kung anong dapat isagot. Makaraan ang ilang segundo ay nagpakawala ito ng matamis na ngiti.

"Masaya na akong nakikita kayong malayang nakakapangisda."

Hindi ako sumagot. Hindi ko rin naman alam kung anong dapat isagot. Musmos lamang ako, hindi ko pa kayang intindihin ang kasabihan ng mga matatanda.

"Sa tingin niyo po, magiging masaya ako?" wala sa sariling tanong ko sa kanya.

Hindi ko sinadyang itanong iyon sapagkat dulot lamang ito ng aking pagiging mausisa. Ngunit sa kabilang banda'y umaasam rin akong makakuha ng sagot na maiintindihan ko mula sa kanya.

"Oo naman," sagot niya. "Alam kong magiging mahusay ka sa lahat ng iyong gagawin-"

"Pero magiging masaya po ba ako?" putol ko.

Unti-unting nawala ang ngiti sa kanyang labi. Hindi ko alam kung bakit, ngunit bigla akong nag-alala sa malalim na buntong-hininga ni Ama.

"Ang kasiyahan ay isang desisyon, hindi oportunidad. Ang iyong bawat desisyon ay ang makakasagot sa tanong mo na iyan, Hagael."

"Bakit po? Mahirap po ba maging masaya?"

Hindi siya nakasagot.

Bagkus, niligpit nito ang kanyang hawak na sibat at isda at naupo sa nakausling batong nasa gitna ng ilog.

"Madali lang naman... sana."

Makahulugan. Hindi ko maintindihan dahil sa sobrang lalim ng kanyang gustong ipahiwatig. Hindi ko masisid kung anong gusto niyang sabihin.

"Kung sana'y araw-araw ko kayong kasama. Pero balang araw, alam kong hindi ka naman mahihirapan."

Pinili ko na lamang manahimik. Sa tingin ko'y habang paparami nang paparami ang tanong ko sa kanya'y mas lalo akong naguguluhan.

ADALEA ACADEMY: School For Warrior AngelsWhere stories live. Discover now