0%

40 0 0
                                    

Niligawan ko s'ya ng kalahating taon, lahat ng ginusto niya, ginawa ko, binigay ko, binago ko 'yun sarili ko para sa kanya, nagayos ako ng sarili, 'yun pananalita ko, halos pati kung paano ako tumingin sa ibang tao, binago ko para lang magustuhan niya ko.

Maganda naman ang naging kinalabasan ng pagbabago kong iyon. Minahal niya din ako. Masaya kami. Sobrang saya kahit na madalas namin pagtalunan 'yun maliit na bagay, kahit na din lagi niya ako inaaway dahil din sa ugali ko na siya rin mismo naghulma nito noong nililigawan ko pa lang sya, kaya nga minsan hindi ko na alam kung saan ako lulugar.

Maganda. Maputi. Balingkinitan. Magaling sumayaw. Maraming nagkakagusto. Kaya nga hindi ko mawari kung bakit ang isang katulad niya, ako ang pinili. Hindi ako gwapo, common lang 'yun itsura ko sa karamihan. Kung sasali man ako sa teatro, hindi ako 'yun pang-prinsepe, baka puno pwede pa, o kaya extra 'yun kakaunti at hindi pansinin ang gagawin o sasabihin. Kapag magkasama kami, laging may bulong bulungan sa paligid, hindi sila makapaniwala na kami, kahit naman ako. Marami silang sinasabi, pati mga panglalait sa akin at maging sa kanya. Marami silang masakit na salitang sinasabi tungkol sa kanya at h'wag na natin himay-himayin pa kasi nasasaktan lang ako, kasi napaniwala niya akong hindi 'yun totoo.

Napatunayan ko na lahat ng bulong-bulungan ay puro katotohanan nang makita ko siya, may kasamang iba sa gilid ng gymnasium ng eskwelahan namin, may kahalikan at higit pa doon ang ginagawa nila. Para akong nabagsakan ng bato sa ulo, sa sobrang sakit. Akala ko 'yun na ang pinakamasakit na pangyayari, meron pa pala, noong nagtagpo 'yun mga mata namin imbes na tumigil sila, pinagpatuloy lang nila at ngumiti pa siya sakin. Ang laking dagok 'yun sa paglalaki ko at lalo na sa pagkatao ko. Alam ko hindi ko kayang ibigay ang ganon sa kanya. Bakit? Kasi mahal ko siya. Nirerespeto ko siya. At 'kala ko 'yun din ang gusto niya. Hindi ako santo, nagbibigay ako ng sinyales sa kanya kaso hindi niya 'yun pinapansin. Maraming beses ko pinaramdam sa kanya kaso wala, cannot be reach siya. Kaya naisip ko baka hindi niya gusto, baka hindi pa siya handa. Kaso nagkamali ako, hindi sa ayaw niya, sa nakita ko gustong-gusto niya kaso hindi sa 'kin, kung 'di dun sa varsity player na kasama niya.

Lumipas ang ilang araw, hindi siya nagpapakita sa 'kin. At walang araw din akong pinalipas na hindi siya tinext o ninais na makausap, gusto kong magpaliwanag siya, gusto kong malaman kung mahal niya pa ako, gusto ko malaman kung kami pa. Marami akong tanong sa isipan ko na siya lang ang makakasagot kaso daig niya pa ang mga kawatan sa galing niya magtago.

Ang araw naging linggo, hindi pa din sya nagpaparamdam, habang ako walang sawa pa din sa paghihintay at pagpapakatanga sa kanya.

Ang linggo napalitan ng buwan, ganoon pa din. Naaawa na sila sa 'kin na halos mainis na rin dahil sa katangahan kong pinagpatuloy ko kahit ilang buwan ang lumipas.

Gusto ko lang naman ng closure. Kaya patuloy akong naghihintay sa kanya. Katangahan na kung katangahan pero hindi niya ko masisisi siya ang kauna-unahang minahal ko ng lubusan. halos hindi ko na nga makilala 'yun sarili ko magustuhan lang niya. Tapos simpleng closure lang hindi niya pa mabigay sa 'kin? Simpleng 'goodbye' lang mula sa kanya ayaw niya pa ipaubaya sakin? Hindi na nga ako umaasa na magpapaliwanag siya sa 'kin, hindi naman ako bobo para hindi pa maintindihan kung bakit niya ginawa 'yun. Hindi niya ko mahal. Pinagtripan niya lang ako. Masakit. Pero 'yun ang totoo. At wala na kong magagawa pa doon, kung 'di ang tanggapin kahit labag sa damdamin ko.

Hindi ko na mabilang kung ilan buwan ang lumipas, hanggang sa isang araw nagpakita siya sa labas ng apartment namin ng kakambal ko at noong kaibigan namin. Malaki ang t'yan. Ito na ba 'yun closure na matagal ko ng hinihintay? Ito na ba ang pahiwatig ng langit na tigilan ko na ang katangahan ko? Dahil 'yun taong naging dahilan ng sobrang kaligayahan ko ay maligaya na sa iba at magkakaroon na ng tinatawag niya na sarili niyang pamilya na habang sinasabi niya 'yun ay kitang kita mo na masaya siya, sobrang saya niya. Lalo na noong sinabi niya na ikakasal na siya't nais niya akong dumalo doon bilang 'best man'. Kung ako pala ang best man, bakit hindi ako pinili niya? bakit mas pinili niya 'yun malaki ang katawan na 'yun na utak ibon naman na walang ibang gawin kung 'di ang humawak ng bola maghapon, magdamag.

Naging ka-relasyon niya daw 'yun magiging ama ng anak niya noong highschool, 'on-off' ang relasyon nila sa kadahilanan na may bisyo 'yun lalaki na mangbabae. Kaso nagbago na daw ito ngayon. Malaki na daw pinagbago nito. Nagaaral na daw at kung anu-ano pa na katunayan na nagbago na nga 'yun utak ibon na 'yun.

Sa ilang buwan na naging kami, naging masaya daw sya. Minahal niya daw ako. Ako lang daw ang lalaking nag-effort sa kanya ng ganito. Almost perfect daw. Kaso bakit naatim niya pa din na iwanan ako? bakit mas pinili niya 'yun? Ano pa bang kulang sa 'kin para maging perpekto ako para sa kanya? May pagkukulang ba ako? Sana sinabi niya ng mapunan ko, hindi 'yun pinagmukha niya akong tanga, sa mahabang panahon.

'Sorry' ang huli niyang sinabi sa akin matapos niya ako hagkan noon paalis na siya. Mahigpit iyon, hindi na katulad noong kami pa, wala ang dating tamis at mayroon ng malaking pakwan na namamagitan sa amin dalawa.

'Yon kaisa-isang tao na nagbigay sa 'kin ng kahulugan ng salitang kaligayahan, tuluyan ng umalis kasama ang pagibig ko, ang pagkatao ko na hinulma niya, lahat ng matatamis na alala, pati ang kaligayahan ko, isinama niya sa pagalis niya. Kaya ngayon, hindi ko alam kung sino na ulit ako, balik na ako sa dating ako. Ang dating ako na hindi naniniwala sa salitang 'happiness'.


××
A/N: Hey. Salamat dahil binasa mo 'tong kwento na 'to, sana nagustuhan mo at basahin pa ang mga sumusunod na 'entry'. Salamat. Hwag kalimutan magiwan ng feedback ng maisaayos ko pa 'to. Salaaamat.

Pursuing HappinessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon