Love and Death Collide

506 19 0
                                    

NAKAMASID si Kendra sa asawang mabilis na nagsisilid ng gamit sa bag. Nagmamadali ito.

Binabalot naman siya ng lungkot ngayong unang beses siyang iiwan nito dahil sa trabaho. Tinabihan niya ang nahihimbing sa tulog na si Raprap sa kama. Niyakap niya ito.

"Aalis si Papa. Magwo-work," ani niyang pilit kinakausap ang anak. Sa hindi maintindihang kadahilanan ay napaluha siya.

Sa kama ay dumako na ang kanyang asawa. Nakatayo ito sa tapat n'ya.  Bitbit sa kamay ang bag nito. Tila nagpapaalam ang mga mata nitong nakatitig sa kanya.

Hindi na niya ito tinignan. Ayaw niyang makita nitong umiiyak siya. Kaya mula sa pagkakahiga ay palukso siyang tumayo at yumakap agad dito.

Ngunit ang pagpipigil ng pag-iyak para sa kanya ay isang hamon na hindi niya magawa. Napahikbi siya at sa balikat ni Raffy ang mga luha ay naglandasan na nga.

Hinimas ni Raffy ang likod niya. Tila hindi rin nito magawang magpaalam.

"Babalik ako," marahang sagot ng asawa. Hindi maapuhap ang mga salitang dapat sabihin.

Lalo siyang napahagulgol. Sa asawa ay mas hinigpitan ang pagyakapa. Gumanti naman si Raffy. Ibinaba nito ang bag sa sahig. Ang yakap at kapit ay mas humigpit.

Hindi nagtagal.

Ang libreng mga kamay ng sundalo ay sumapo na sa kanyang mga pisngi at siya'y marahang hinalikan sa labi. Halik na pabaon nila sa isa't-isa.

"Mag-iingat ka. Hihintayin ka namin ni Raprap," paalam niya na wala pa ring humpay sa pag-iyak.

Ngumiti si Raffy. "Pangako!" pagkumpirma nito at siya'y ginawaran muli ng halik. "Mag-iingat din kayo. I love you," anitong ang huling halik ay dumapo sa kanyang noo.

"I love you, too."

Hinawakan niya nang mahigpit ang kamay ni Raffy habang kinukuha na nito gamit ang isa pang kamay ang bag.

Ayaw man niya ay naghiwalay na nang tuluyan ang kaninang magkahawak na mga kamay. Ang mga paa ni Raffy ay dinala na ito papalabas ng pinto.

Wala naman na siyang magawa kundi pagmasdan ang likod nitong lumalayo na sa kanya.

Habang isinasara nito ang pintuan ang mga mata nila'y hindi pa rin mapaghiwalay.

Napaupo ulit siya sa kama habang tutop ang mukha at walang tigil sa pag-iyak nang ang pinto ay tuluyang mapinid.

Nabibingis siya sa puso niyang kay lakas ng pintig na sa katahimikan ng paligid ay kanyang tanging naririnig.

Separation anxiety ba ang tawag do'n?

Mukhang hindi.

Higit pa ro'n.

Nilalamon ang buong katawan niya ng takot sa pangambang nag-aabang sa asawa. Nahihirapan siya. Pati ang paghinga ay napupunit sa bawat paghikbi n'ya.

Kanya na lamang piniling mahiga muli at yakapin ang anak nila ni Raffy na alam niyang siyang magbibigay ng lakas sa kanya ngayon.

Just Knock (Complete & Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon