Kabanata 3

211 11 19
                                    

MATULIN na lumipas ang mga araw at ngayon ay ang huling gabi nang lamay. Sa nakalipas na mga araw ay isa siya sa nagpupuyat upang magbantay sa tabi nang kabaong nang kanyang tiyahin. Kasama niya sa pagpupuyat ang kapatid na si Saniah, at ang bunso sa apat na anak ni Uncle Nestor na si Ate Wynne na dumating sa ika-apat na araw nang lamay. Ang mga kapatid nang huli ay kahapon lamang nakauwi maliban sa panganay nang Uncle Nestor na nasa ospital dahil kapapanganak lamang nito. Ang dalawang anak na babae nang kanyang Uncle Leornard at asawa nito ay nasa daan pa lang dahil mga estudyante sa kolehiyo at isang guro.

Si Samuel at Saniah ay nasa labas at nakikiusyoso sa nangyayari kasama ang dalawang nakatatandang pinsan nilang mga lalaki.

Busy rin ang kanyang ama at mga kapatid nito, maging ang mga asawa nito sa pamamahala sa mga kakailanganin para sa gabing iyon at maging sa libing kinabukasan.

Halos parang reunion na rin ang nangyari dahil ngayon lang din nakauwi ang karamihan sa kanila na galing Amerika. Hindi nga lang kaaya-aya na dahil sa pagkamatay nang kaanak ang dahilan niyon.

Kaiba sa nakagawian nila sa Amerika ang huling gabi sa lamay nang isang tao sumakabilang-buhay rito sa Pilipinas.

Buhay na buhay ang buong bakuran sa musika at saliw na awit mula sa banda, ilang palaro at pagbati nang pakikiramay mula sa iba't ibang pamilya sa kanilang bayan. Isama pa ang ingay na likha nang pag-uusap nang mga tao at reaksyon mula sa mga nagsusugal.

Naging trend na sa kanilang bayan ang pangungupahan nang banda na siyang nagbibigay nang kaunting kasiyahan para sa mga namatayan at nakikilamay. Napakarami rin nang mga tao hindi tulad nang mga nagdaang gabi, halos siksikan na sa loob nang maluwang na bakuran nang kanilang pamilya. May mga nagsidating din na mga kamag-anak mula sa iba't ibang lugar na noon lamang niya nakilala.

Ang malamig na gabi na iyong nang Pebrero ay naging maalinsangan para kay Solea. Sa dami nang nakatayong tent sa buong bakuran, mga taong naroon, ang ilaw na gamit upang magbigay liwanag ay nais niyang sumaglit na lumabas at magpahangin.

Tumayo siya mula sa silya na katabi nang kabaong.

"Where are you going?" Tanong ni Ate Wynne sa kanya. Kasalukuyan itong nakikipag-usap sa mga pinsan at kababata nito na naroon. She just felt out of place hearing their reminiscing about their enjoyed childhood days. Gusto rin niyang magpalit nang damit dahil nanlalagkit na siya sa suot na damit.

"Upstairs, ate. I'll be back."

Tango lang ang isinagot nito sa kanya. She excused herself from the people there before heading straight to the stairs.

Imbis na magtungo sa banyo upang mag-shower saglit at maalis ang kanyang panlalagkit ay pinili ni Solea na lumabas sa terrace nang kanyang silid. Hindi na siya nag-abala na buksan ang ilaw sa kwarto dahil sa liwanag na nanggagaling sa glass sliding door. Ipinagpapasalamat niya na ang bahagi nang kanilang silid ni Saniah ay malayo sa tanaw nang mga tao sa ibaba na nagsisipagsugal, gayundin sa lugar kung saan naroon at nagluluto nang ihahanda para bukas matapos ang libing.

Bagamat rinig niya ang ingay na likha nang musika at awit na mula sa kasalukuyang nagpe-perform na banda ay hindi iyong kasinglakas kung sakaling nasa malapit siya at nanunuod. Kabilugan din nang buwan na siyang nagbibigay nang malamlam na liwanag sa buong kapaligiran. May mangilan-ngilan na poste nang ilaw sa daan na nakabukas. Malamig ang simoy nang hangin na may preskong hatid na ginhawa sa kanyang pawisang balat. Ibang-iba ang lamig na hatid niyon sa lamig na nararanasan niya sa Amerika.

Kung sakali kaya na hindi sila natuloy na i-petisyon noon para makapunta nang Amerika, ano kaya ang klase nang buhay ang mayroon siya ngayon? May posibilidad na makakarating din naman siya sa bansang kinalakhan ngunit maaari kayang kahit kaunti ay may nabago roon?

SoledadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon