19

200 52 2
                                    

"Sino 'yon?" tanong ni Ken nang medyo mahimasmasan siya mula sa malakas na putok. "Tumawag ka ng pulis?" galit na galit niyang tanong sa akin sabay tutok ulit ng baril.

Hindi ko na talaga malaman ang gagawin ko. Wala naman akong ginagawang masama para maparusahan nang ganito.

Papakalmahin ko na sana si Ken ngunit may dumating kasama ng mga pulis.

"Anak, tama na," sabi ng isang tinig pagkapasok ng silid.

Gulat na gulat si Ken na humarap sa kaniyang ina. "Ma? Dinala n'yo rito ang mga pulis? Bakit ma?" galit na galit na tanong niya sa kaniyang ina ngunit nakikita kong may mga luhang pumapatak sa kan'yang mga mata. "Ma, magkakampi tayo 'di ba?"

"Oo, anak," tugon niya, "ngunit sobra na ito! Ayos na si mama, hindi mo na ito kailangang gawin para sa akin," umiiyak na sabi ni Manang Ising. "Tara nang umuwi."

"Ibaba mo ang iyong baril!" utos naman ng isang pulis kay Ken habang nakatutok ang baril nito dito.

Ngunit hindi n'ya ito pinansin at nagpatuloy lamang siya sa pagkausap ng kaniyang ina. "Ma, hindi na ako makakauwi pagkatapos nito." Itinutok niya naman ngayon ang baril kay Enro.

Napapikit na lang ako. Hindi ko na kaya pang makita ang mga susunod na mangyayari.

Sa aking pagpikit ay, nakarinig ako ng isang malakas na pagputok ng baril. Kasabay naman nito ang hindi mapigilang pagtulo ng aking mga luha.

Sino? Sino na naman ang nawala? Bakit lagi na lang nawawala ang mga taong mahal ko? Hindi na ba ako p'wedeng maging masaya?

Pagmulat ko ay aking nakita ang duguang braso ni Ken. Hindi na niya ito magalaw pa kaya nawala ang pagkakatutok ng kaniyang baril kay Enro. Napatingin naman ako sa pulis na nakatutok ng baril sa kaniya. Mukhang hindi ito magdadalawang-isip na barilin ulit si Ken kapag kumilos pa ito ng masama.

"Tama na! Parang awa n'yo na! 'Wag n'yong papatayin ang anak ko!" pagmamakaawa ni Manang Ising sa mga pulis. Lalo naman akong nanghina at naantig sa sitwasyon ng mag-ina. Gusto lang naman nila ng hustisya ngunit siguro'y walang nakinig sa kanila noon kaya ngayon ay humantong pa ito sa ganito.

Patuloy pa rin ang pagmamakaawa ni Manang Ising habang si Ken ay wala na ata sa katinuan. Desedido na talaga siya na wakasan ang buhay ni Enro. Ginamit niya ang kaliwa niyang kamay sa paghawak ng baril at pinutok ito. Kasabay nito ang pagbaril ulit sa kan'ya ng pulis. Bumaksak siya sa sahig habang si Enro naman ay nadaplisan sa kanyang kaliwang balikat.

Ang bilis ng pangyayari. Nabibingi na ako sa lahat ng ingay at iyak na naririnig ko.

Agad na kinuha ng mga pulis ang katawan ni Ken na wala na atang buhay. Patuloy naman si Manang Ising sa paghagulhol habang sumusunod sa mga pulis.

Si Enro ay nakatali pa rin ang mga paa sa silya. Tulala siya at walang ekspresyon. Nilapitan ko siya at tahimik na kinalagan. Tumayo lang siya at tumigin sa akin. Wala siyang sinabi at tanging mga mata lang namin ang nagkaroon ng komunikasyon. Hinawakan niya ang aking ulo at pagkahawak niya rito ay naglakad na siya palayo. Gusto ko siyang sundan at dalhin sa ospital ngunit napako ang aking mga paa sa sahig hanggang sa nagdilim na ang aking paligid.


...


Pagkalipas ng ilang araw, bali-balita na ngayon sa lahat ng channel ang balita tungkol sa kumpirmadong pagkamatay ni Kate Velasquez, na siya ngang natagpuang sunog at walang buhay sa abandonadong building ilang araw na ang nakakaraan.

Si Kate nga ang babaeng iyon.

Nagkamali si Enro sa kaniyang mga hinuha. Siguro ay hindi n'ya lang talaga matanggap na mamamatay na lang ng ganoon ang kaniyang kasintahan, ang taong minahal niya ng kaniyang buong puso.

Para kay Enro (Completed)Where stories live. Discover now