03

353 118 90
                                    

Flackback: Grade school

Panibagong araw na naman. Isang ordinaryong araw na naman sa paaralan. Ang boring, 'yong crush ko lang talaga ang nagpapasaya sa araw ko e pero napakasungit niya naman.

Sinuko ko na yung pagsulat kay Enro dahil wala naman talaga 'yong patutunguhan. Patuloy lang akong masasaktan kapag pinagpatuloy ko pa iyon. Naisip ko rin na grade 5 pa lang ako. Wala akong mapapala ngayon sa kakirehan ko. Masabunutan pa ako ng nanay ko 'pag nalaman niyang kumikire na agad ako.

Pagdating ng recess, pumunta ako sa canteen para bumili ng siopao. Paborito ko 'yon e. Nakakabusog kasi tapos malinamnam pa. Hindi ko na kailangang maghanap pa ng iba.

Habang naglalakad ako ay nakita ko si Kate, binubully na naman siya. Hay, grabe! Napakaganda na nga nung tao, may nambubully pa rin? Wala talagang magawa sa buhay itong mga ito.

Hindi ko na lang ito pinansin dahil gutom na gutom na ako. Baka pa ako maubusan ng siopao sa canteen dahil sigurado akong marami ring bumibili niyon bukod sa'kin. Ayaw naman kasing damihan ni Manang Rosie ang gawa niyang siopao.

Magpapatuloy na sana ako sa paglalakad pero nakarinig ako ng isang malakas na bagok. Paglingon ko'y nakahandusay si Kate sa semento.

Nangatal ako sa takot, hindi ko alam kung anong gagawin ko pero nakita ko na lang ang sarili ko na palapit sa kanya.

End of flashback


"Bakit po ako pinapahanap?" tanong ko sa pulis na nagpapasok sa akin sa loob. Hindi na n'ya ako nasagot at hinatid na lamang ako sa isang table. Abala ang lahat ng nandito ngayon. May mga pinapasok na preso sa mga rehas. May nagsisigawan pa dahil sa ayaw magpa-aresto. Napaka-ingay dito sa loob ng presinto. Siguro dahil ay maaga pa, at kung anu-ano ang nangyayari rito sa lugar na ito.

Pinatawag ako ngayon sa police station. Pinapahanap daw ako nung may ari ng wallet dahil daw magpapasalamat ito. Hay, ayos lang naman sa'kin kahit hindi na siya magpasalamat e. Isang malaking misunderstanding lang kasi talaga 'yon. Sa kagustuhan ko lang naman kasing magpasikat sa crush ko kaya ko nagawa iyon.

"Ikaw ba si Affy?" tanong ng lalaki sa'kin. Kumuha siya ng upuan at inilagay sa harap ko. Umupo siya dito habang hindi inaalis ang paningin sa akin.

"Opo." Nakatingin lang siya sa akin pagkasagot ko, pinagmamasdan bawat pulgada ng pagkatao ko. "Aflora Mendez po," paglilinaw ka, nagbabakasakaling sasagot na siya at nang makauwi na rin ako.

"Okay, Affy," sabi nung lalaki habang hawak yung wallet na nadampot ko. Siya kaya 'yong may ari nito?

Napakamot ako ng ulo at tinanong siya, "Kayo po ba ang may ari ng wallet na 'yan?"

Ngumiti siya at tumango. "'Wag ka nang mangopo sa akin, sa tingin ko naman ay hindi naman tayo nagkakalayo ng edad," pagkasabi niya nito ay napatingin ako sa mga braso niyang batak-batak. Sa tindig at postura niya, sa tingin ko ay isa siyang athlete. Idagdag mo pa ang maganda niyang katawan. Suki ata ito sa gym sa tapat.

"Gusto ko sanang magpasalamat sa iyo sa pagsauli ng wallet ko." Napapatulala na ako sa katawan niya, buti na lamang ay nagsalita siya. Ano ba 'yan, Affy? Pati stranger, pinagnanasaan mo?

Para kay Enro (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon