AYR 71

160 10 1
                                    

Third Person's POV

"A-alam na nila..." kinakabahang sabi ng babaeng mukhang mas bata sa kausap niya.

Humarap naman sa kanya ang kausap niya habang may ekspresiyon sa mukha na katulad din ng kaniya.

"I know."

Parehas na silang natataranta ngayon ngunit magkaiba sila ng reaksiyon dahil rito. Kitang-kita sa mas nakababatang babae ang kaba dahil may panginginig pa ito ng mga kamay habang pinapawisan. Hindi rin siya mapakali sa puwesto niya. Lingon siya nang lingon sa labas ng bintana na para bang binabantayan kung may sumugod sa kanila sa anumang oras.

Ang mas matangkad naman na babae ay hindi nagpapakita ng kahit na anong kahinaan. Kailangan niyang maipakita na matatag siya sa lahat lalo na't maraming tao ang nakasalalay sa desisyon niya. Ngunit hindi nito maikakaila na malakas ang kalabog ng dibdib niya. Kabadong-kabado siya sa loob ngunit pilit niyang itinatago ito.

Sinikatan na sila ng panibagong araw sa loob ng pinagtataguang warehouse ngunit hindi pa rin nila makalma ang sarili sa nalaman nila kinagabihan. Akala nila magtatagumpay na sila sa lahat ng kanilang pinlano. Hindi nila inaasahan na darating ang araw na mabubulilyaso sila.

May lumapit sa kanilang isang babae na may mga pasa sa katawan dahil sa nangyaring mga laban. Pagod na pagod na ito ngunit tuloy pa rin ang pagsisilbi sa dalawa niyang amo.

"Master, Milady." tawag nito sa kanila habang nakaluhod sa sahig na kaharap ng mga ito.

"Veronica," napaangat ang ulo ni Veronica nang tawagin siya ng mas nakatatanda sa dalawa. Puno pa rin ng paggalang ang mga titig niya kahit sa loob ay kinasusuklaman niya na ang mga ito.

Natali lamang siya sa sitwasyon na ito dahil hawak ng mga tinawag niyang master at milady ang buhay ng pamilya niya. Handa siyang isakripisyo ang sarili niyang kalayaan, mapanatili lamang na ligtas ang pamilya niya.

Tumayo siya mula sa pagkakaluhod saka tumindig nang diretso ang tingin sa mga kausap, naghihintay sa sasabihin ng mga ito.

"Maghanda sa pagdepensa. Anumang oras ay maaaring may sumugod sa atin kaya dapat handa ng lahat ng tao. Naiintindihan mo ba?"

Hindi siya makapaniwala sa naririnig niya. Akala niya'y susuko na sila o hindi naman kaya'y tatakas palayo sa lugar na iyon. Naiintindihan niya na ngayon kung bakit hanggang sa oras na iyon ay hindi pa rin sila naalis sa naturang warehouse kung kaya naman nilang lumipat ng lugar ngayon.

Matagal ang pagkakatulala niya at pagkakatitig kaya nakakunot na ang noo ng dalawang kausap niya.

"Naiintindihan mo ba?" Pag-ulit nito sa kanya sa mas seryosong paraan na sinabayan pa ng pagtitig.

Napalunok siya.

Napatango na lang siya dahil hindi niya alam ang isasagot. May gusto siyang itanong sa mga ito ngunit hindi niya masabi kaya napadako na lamang ang tingin niya sa sahig.

Napansin ng mas nakatatandang kausap ang pananahimik niya at ang pananatili sa posisyon nito. Kung ordinaryong araw lang naman ito, aalis agad ito ngunit iba ang ikinilos ni Veronica.

"May kailangan ka pa ba?" pilit niyang ginagawang malumanay ang pagtatanong niya ngunit hindi niya alam kung bakit tunog mataray pa rin ito. Muling dumako ang paningin ni Veronica sa kanya at ibinuka na ang bibig.

"B-bakit hindi pa po tayo sumusuko?" natatakot man, nilakasan ni Veronica ang loob upang makapagtanong sa dalawang kausap.

Nag-iba ang ekspresiyon ng mas nakatatandang kausap habang inoobserbahan naman ng mas bata ang ikinikilos ng katabi niya.

"Anong sinasabi mo?" Pagalit na sabi ng nakatatanda na sinabayan pa ng nanlilisik na mga mata.

Napalunok si Veronica at huminga ng malalim. Sobra sobra na ang takot na nararamdaman niya ngayon ngunit naisip niya na kung hindi niya pa itatanong ito ngayon, kailan pa?

"M-mawalang galang na po, pero hindi ko alam kung b-bakit pa rin natin ito ginagawa... p-para saan?"

Utal-utal man ang pagkakasabi ni Veronica, desidido naman siyang itanong ito nang walang pag-aalangan. Nakatingan siya ngayon sa master niya habang nag-aantay ng tugon.

Naging mas seryoso naman ang ekspresiyon ng mukha ng master niya at kung makikita ito ng kung sino mang tao, talaga nang makakadama ka ng takot, sa tingin pa lamang nito.

Bigla itong lumapit kay Veronica saka dinakot ang mukha niya. Napapangiwi na si Veronica sa sakit na dulot ng pagkakahawak sa mga pisngi niya.

"You don't have the rights to ask me that. You won't understand okay?! You will never understand!" sigaw nito sa mukha ni Veronica saka inihagis ito sa sahig.

"Ate!" sigaw ng mas nakababatang kausap ni Veronica na tinawag niyang Milady.

Napatigil ang mas nakatatandang babae dahil dito. Nagulat siya sa tinawag dito at napabalik sa katinuan.

"Sorry, Amber." mahinang sabi nito.

Sinuklian lang siya ng nakababatang pinangalanan niyang Amber ng isang matamis na ngiti.

Naiwan namang nasa sahig si Veronica habang naluha. Gusto niya nang matapos ang lahat ng ito.

Pagod na pagod na siya. Masakit na ang buong katawan niya. Kaya niya pa ba?

Kaya niya pa bang makita ang ganitong mga tagpo? Dugo. Labanan. Patayan.

Sawang-sawa na siya.

Sabi niya na lamang sa sarili.

"Ayoko na."

ARE YOU READY? | completedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon