Chapter 19.1

7.6K 230 34
                                    

"SO, ganoon na lang 'yon?"

Ibinaba ni Yael ang hawak na bote ng beer nang marinig ang sinabi ni Gary. Alam niyang ang nangyari sa kanila ni Jac ang tinutukoy nito.

Humugot si Yael ng malalim na hininga. Limang araw na mula nang mag-away sila ni Jac. At bukas ay flight na nito papuntang Amerika. "Ayoko nang pag-usapan 'yan."

Pero tila hindi siya narinig ni Gary. "Kailan n'yo ba tatanggapin ni Jackie na kayo talaga ang para sa isa't-isa? Kapag companionship na lang ang hanap n'yo?"

Ramdam ni Yael na nagsalubong ang kilay niya. "Sa'n mo na naman napulot 'yang companionship na 'yan?"

"Sa pinapanood nga ni Lira kagabi. 'Di ko alam ang title pero Italy ang setting. Ganda ng vineyards, pare."

Pinaikot ni Yael ang mata niya. At kahit ipinakita ni Yael na hindi siya interesado ay nagkuwento pa rin si Gary. Tungkol daw iyon sa isang matandang babae na sinamahan ng binatang apo nito para hanapin ang true love nito na nakilala nito ilang dekada na ang nakakaaraan. Matatanda na daw ang mga ito kaya companionship na lang daw iyon.

Hindi maintindihan ni Yael kung bakit ganoon na lang ang panghihilakbot niya sa salitang iyon.

"Huwag ka ngang nakikinood sa asawa mo ng kung anu-ano," wika niya nang matapos itong magkuwento.

"Bonding moments 'yon, bro. And that's exactly what you should do," anito. "Watch anything... everything... with Jackie for the next fifty years or so. Hindi 'yang ganyan na pakiramdaman, habulan lang kayo. It won't get you anywhere, brother."

Tumawa si Yael. Pagak. "Para namang ganoon kadali."

Pumalatak si Gary. "Ewan ko ba naman kasi sa 'yo. Sinalubong mo ba naman ang galit. Naglumuhod ka na lang sana."

Napamaang siya kay Gary. "Ako na nga itong pinagbintangan ng kung anu-ano ako pa ang magmamakaawa?"

Umiling si Gary. "Bro, people make bad decisions when they're angry, scared or stressed. At sigurado ako, lahat ng mga 'yon ay sabay-sabay na nararamdaman ni Jackie nang araw na 'yon."

Napakunot ng noo si Yael. "Saang pelikula mo na naman napulot 'yan?"

"Sa Frozen."

Ramdam ni Yael na nagsalubong na ang kilay niya. "Cartoons 'yon 'di ba? Pati cartoons pinapanood mo?"

Pero hindi na pinansin ni Gary ang sinabi niya. "Dapat inintindi mo si Jackie. Datnan ka ba namang nakikipaglampungan sa iba. Sino ang hindi matatakot? Ni hindi pa nga siya nakakaalis..."

Humugot ng malalim na hininga si Yael. Natatakot din naman siya sa pag-alis ni Jac. Stressed din siya. Kung totoo kasi ang sinasabi ni Gary, bakit hindi siya magawang intindihin ni Jac?

Pero hindi na siya nag-abalang sagutin ang sinabi ni Gary. Hahaba lang ang diskusyon nila. "Beer pa?" sa halip ay tanong niya.

Pero umiling si Gary. "Tama na 'to. Nahihirapan akong gumising para magtimpla ng gatas ni Kenji kapag nakainom ako, eh."

"Ikaw ang nagtitimpla 'pag gabi?"

"Alangan naman payagan kong si Lira ang mapuyat?"

Sa kabila ng bigat ng pakiramdam ni Yael ay napangiti siya. Natutuwa siya na mahal na mahal ni Gary ang kapatid niya. Kung sabagay, kahit siguro siya ay gagawin niya iyon kung nagkaanak sila ni Jac.

Umiling siya. Hindi na dapat niya iniisip ang mga ganoong bagay.

"O, pa'no, uwi na ako?"

Hindi na tinangkang pigilan ni Yael si Gary. Nang makaalis ito ay sumandal si Yael. Iniunat niya ang mga paa niya. Kaninang kasama niya si Gary ay hindi niya masyadong nararamdaman ang bigat ng sitwasyon. Pero ngayong mag-isa na naman siya...

Napahugot si Yael ng malalim na hininga nang makita niya ang ilang kahon na hindi pa niya nailalagay sa bodega. Nilapitan niya ang mga iyon at napailing nang makita ang nasa pinakatuktok.

It was Jac's controversial box. Ang usapan pala nila noon ay kukunin nito iyon, pero nakalimutan nila pareho. Hangggang maghiwalay na lang sila uli.

Dahil napuno na siya ng kuryusidad ay tiningnan niya ang laman ng kahon. Hindi lang naman mga underwear ang laman niyon. May mga ilang piraso din ng damit na kagaya ng mga underwear ay sigurado siyang hindi na magkakasya kay Jac. May dalawang libro ni Murakami. Sa ilalim niyon ay may kahon ng sapatos. Inilabas niya iyon at binuksan. Pictures iyon.

Nilang dalawa. During happier times. Sa kung saan-saan.

Napangiti siya nang makita niya ang isang picture na nakahilata siya sa kama. Laglag ang ulo niya at kamay. May drawing na kung ano ang mukha niya. Natatandaan niya kung kailan iyon. Lasing na lasing siyang umuwi. Sa sobrang inis ni Jac na pinaghintay daw niya ay pinaglaruan siya nito.

Napakunot si Yael ng noo nang makita ang isang pink na papel na natatalian ng mas matingkad ang pagka-pink na ribbon. Binuksan niya iyon at pakiramdam niya ay biglang may bumikig sa lalamunan niya. Mga wedding pictures nila ang mga iyon.

Halatang-halata na hindi professional ang kumuha ng pictures. Ang driver ng judge na nagkasal sa kanila noon ang humawak sa camera. Pero kahit tabingi ang mga kuha, hindi pa rin maikakaila ang kagandahan ng bride niya.

Simpleng puting bestida na hanggang tuhod lang ang suot ni Jac. Ni wala itong make-up dahil hindi pa ito marunong mag-make-up noon pero wala nang mas gaganda pa dito. And she looked really happy. At sa isang kuha ay nakatitig ito sa kaya na tila ba nakasalalay sa susunod na sasabihin niya ang susunod na paghinga nito.

Kung sabagay, siya din naman. Ngiting-ngiti siya sa lahat ng mga picture.

Ang pinakamagandang kuha ay ang kuha ni Yael kay Jac nang makatulog ito sa unang gabi nila bilang mag-asawa. Dahil marahil sa pagod ni Jac ay hindi na nito namalayan na bumangon siya. Sa kuhang iyon ay bahagyang nakadapa si Jac sa kama. Ang kita lang ay ang kalahati ng mukha nito, ang hubad na kaliwang balikat nito at ang kaliwang kamay nitong may suot na wedding ring na nakapatong sa puting unan. The picture looked so sensual and yet so magical at the same time. Hindi niya alam kung dahil ba sa liwanag na nagmumula sa likuran nito o talagang mamula-mula talaga ang pisngi nito noon.

Siya ang mismong nag-print niyon sa pinakamagandang printer nila sa office noon. He could not have anybody else's eyes feasting on her bride's beauty.

Ang isipin pa lang na hindi na niya muli pang makikita si Jac sa ganoon itsura ay labis na nagpapabigat sa dibdib niya.

Napalunok siya. Napailing.

No. It was not the thought of not seeing Jac naked ever again that made him want to weep but the thought of not seeing Jac ever again.

Kapag pumunta na si Jac ng Amerika baka tuluyan na itong hindi bumalik. Baka mag-aasawa na ito doon. Baka hindi na niya ito makita. O kung hindi man ito mag-asawa, baka bumalik na lang ito ng Pilipinas kapag pareho silang may edad na at companionship na lang din ang hanap nito.

Sa muling pagkaalala sa salitang iyon ay napangiwi si Yael. Humugot siya ng malalim na hininga. Tumayo siya.

Because Almost is Never EnoughTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon