Chapter 7

11K 271 26
                                    

"'YAN ba ang epekto kapag nakakita na ng ugat ng tao na may barang sebo?"


Kahit hindi pa lumilingon si Jackie ay alam na niya kung sino ang nagsalitang iyon. Hindi niya naituloy ang pagkutsara ng steamed broccoli.

Nilingon niya ito. "Hey, Yael," maiksing wika niya bago muling bumaling sa buffet table. Hindi alam ni Jackie na dumating ito sa opening ng diagnostic laboratory ni Krissy. Wala kasi ito kanina sa ribbon cutting at sa pagbasbas ni Father Lito. "Where's Leslie?"

"Nagtatrabaho ngayon, eh."

Sinulyapan niya si Yael. "Bakit naman hindi mo isinama?"

"Puro party na lang daw kasi siya. Wala daw siyang natatapos na trabaho."

"Kasama rin ba siya kagabi?" tanong niya. She was not really interested. She was just being polite. Wala lang kasi siyang ibang maitanong. At alam niyang lumabas ang mga ito kagabi.

Umiling si Yael. "Kaming tatlo lang. Pinagbigyan lang namin ni Linus si Gary na kumanta nang kumanta sa videoke."

Tumangu-tango si Jackie.

Ngumiti si Yael bago tumingin sa plato niya. "Mabubusog ka ba d'yan? Puro gulay, ah. Huwag masyado, baka malanta ka."

Bahagyang tumawa si Jackie. "Puro karne kasi ang niluluto ni Mama. Nakakaumay."

"'Asan nga pala sila? Hindi ko sila nakita."

"Nag-anak ng kasal," aniya bago kumuha ng Vietnamese spring rolls. Tumingin siya kay Yael. "Pa'no, una na ako?"

Hindi na hinintay ni Jackie na sumagot si Yael. Dala ang plato, dumiretso siya sa mahabang lamesa kung saan naroon ang mga kaibigan niya kasama si Father Lito, ang mayor at ang kapitana. Nakita niya sa gilid ng mata niya na sumunod sa kanya si Yael. Umupo si Jackie sa tabi ni Leklek.

"Kahit sa akin, Father?" inabutan ni Jackie na tanong ni Krissy. Kung ano ang pinag-uusapan ng mga ito ay wala siyang ideya.

Hindi na rin napagtuunan ni Jackie ng pansin kung ano ang isinagot ni Father Lito dahil tiningala niya ang tumayo sa tabi niya na si Yael.

"Patabi, ha?" wika ni Yael nang magtama ang mga mata nila. Pero tila hindi naman nito kailangan ang sagot niya. Umupo na rin ito agad sa bakanteng upuan sa tabi niya.

Nagtawanan ang mga kasama nila sa lamesa. Pero hindi maka-relate si Jackie dahil wala siyang narinig.

"Hindi mo naitatanong, mayor, sa akin lahat nag-first communion ang mga batang ito," wika ni Father Lito kapagkuwan.

"Talaga, Father?" wika din ng mayor.


"Oo, Mayor," wika ni Leklek. "Halos lahat kami siya din ang nagkasal. Pati kami ni Charles ko."


Hindi nakapunta noon si Jackie sa kasal ni Leklek dahil sobrang hectic ng schedule niya. Dinala pa ni Leklek ang Amerikanong asawa nito sa San Joaquin para lang dito maikasal.

"Mabuti ka pa nga, Leklek, eh," ani Father Lito. "'Yong iba d'yan, nasa Pilipinas lang din naman pero mas ginusto pang sa Tawi-tawi nagpakasal."


Walang mababakas na pang-aasar sa mukha ni Father Lito pero malakas ang kutob ni Jackie na sila ni Yael ang tinutukoy nito. Nagkunwari si Jackie na tinutusok ang isang hiwa ng broccoli.


Pero bumaling sa kanya si Leklek. "Sa Tawi-tawi kayo nagpakasal ni Yael?"

Napakurap si Jackie. Kahit hindi niya isa-isahing tingnan ang mga kaharap nila ay nararamdaman niyang nakatuon ang atensyon ng lahat sa kanya. Sigurado siyang hinihintay ng mga ito ang isasagot niya. Wala na kasing marinig na kalansing ng mga kutsara at tinidor.

Because Almost is Never EnoughWhere stories live. Discover now