Chapter Fourteen

31.2K 761 3
                                    



"BAKIT ngayon mo lang sinabi ito, Carmelita?" ani Donya Consuelo na napatayo sa kinauupuan.

"Dahil umaasa akong babalik nang madali si Matt, Consuelo."

"Ikalma mo ang sarili mo, Consuelo," si Don Enrique na napatayo rin at hinawakan sa balikat ang asawa. Pagkatapos ay nilingon si Manang Carmelita. "Ano ang magiging basehan natin kung may pilat man sa kanang pigi si Lili, Carmelita? Paano kung nagkataon lang? Paano kung si Melissa'y mayroon din niyon? Alalahanin mong may pulang balat sa likod si Melissa. At alam nating lahat na taglay na niya iyon mula pa nang isilang siya."

Naguguluhang napaupo si Consuelo.

"Hindi ko naisip ang balat sa likod, Enrique," patuloy ni Manang Carmelita. "Pero maraming mga bagay na taglay si Lili na alam na alam kong taglay ni Melissa bago siya nawala sa dagat. Tulad na lang halimbawa nang una ninyo siyang dalhin dito'y tinawag niya akong 'Manang Carmel...'"

"Hindi sapat iyon." naguguluhan ma'y sinisikap na pakitunguhan at pangatwiranan ni Don Enrique ang lahat sa lohikong paraan. "Kahit sino'y maaari kang tawagin ng ganyan."

"Si Melissa'y hindi pa ako tinawag ng ganyan mula nang magbalik siya, Enrique," giit ni Manang Carmelita. "At ang pagkahilig ni Lili sa durian na kahit ang daliri'y sinisipsip. Ang munting Melissa na nawala'y ganoon."

Napaiyak na si Donya Consuelo. Hindi malaman ang iisipin. Si Don Enrique ay pilit na hindi pinapansin ang bumabangong kaba sa dibdib. Muling nagsalita si Manang Carmelita at may dinukot sa bulsa.

"Noong ipakita mo sa kanya ang mga gawa mo sa studio, Consuelo, ay nagliligpit ako sa silid niya. Hindi ko sinasadyang masagi ang bag niyang nasa gilid ng mesa. Bumagsak iyon sa sahig at sumabog ang laman. Isa-isa ko iyong ibinalik sa bag niya. Ang kuwintas niya'y nabuksan. Isa iyong locket na buong akala ko'y isang simpleng pendant lang. At heto ang nasa loob ng locket..." iniabot nito sa mag-asawa ang nasa kamay. "Lihim ko iyang kinuha..."

Sa nanginginig na mga kamay ay inabot ni Donya Consuelo ang munting larawan. Napakaliit. Malaki lang nang bahagya sa kuko ng thumb finger niya at hugis puso pa ang pagkakagupit upang maipasok sa heart locket.

"Inukit ko iyan ng kuko ko upang ilabas sa kuwintas at muling ibinalik sa bag niya ang alahas," patuloy ni Manang Carmelita. "May lente sa silid ninyong mag-asawa. Puwede ninyong tingnan. Ako'y nakita ko na."

"No... no..." si Donya Consuelo sa nanginginig na tinig. Nasa palad ang larawan. Ni halos ayaw hawakan. Para bang kapag hinawaka'y maglalaho. At maiwawala ang isang mahalagang bagay sa buhay nito. Mabilis itong tumayo at patakbong pumanhik sa hagdan.

"Consuelo!" si Don Enrique na sumunod.

Pabalyang binuksan ni Donya Consuelo ang malaking pinto sa master bedroom. Inilapag sa puting bedsheet ang larawan at pinagbubuksan ang mga drawer doon. Naroon ang maliit na lente at sa nanginginig na kamay ay itinapat sa larawan.

"Enrique!" pahisteryang sigaw nito kasabay ang pagtingala sa painting na nakasabit sa may ibabaw ng headboard.

Si Don Enrique ay nasa may pinto at nasa mukha ang matinding takot sa matutuklasan. Halos mabasag ang dibdib sa matinding kaba. Si Donya Consuelo'y patuloy sa pag-iyak. Ibinagsak ang lente at binuksan ang isa pang drawer. Mula roon ay inilabas ang isang lumang album at hinawi nang hinawi na halos mapupunit hanggang sa isang buong pahina na naroroon ang larawan ni Melissa noong ito'y apat na taong gulang. Ang larawang iyo'y kinunan tatlong linggo bago sila umalis patungong Maynila.

Tumayo at dinala sa kapirasong larawan na muling nilente at pagkatapos ay tinitigan ang larawang nasa album. At saka tila nawalan ng lakas na dumausdos sa sahig. Ikinulong ang mukha sa mga palad at umiyak nang umiyak.

Minsan Dito Sa Puso Ko (Published by PHR) (Completed)Where stories live. Discover now