Prologue

110K 1.4K 63
                                    



I960

"HUWAG kang umiyak, Dolores," ani Carlito na hinapit sa dibdib ang babae. "Sana'y maging matatag ka..."

"Paano ko tatanggaping mawawala ka, Carlito?" Halos mabiyak ang dibdib niya habang nakayakap nang mahigpit sa lalaki. "Sabihin mong nagbibiro ka at gusto mo lang na manatili sa kanya. Mas kaya kong tanggapin iyon!" pahisteryang hagulhol niya.

Pinuno ng lalaki ng hangin ang dibdib. Itinaas ang mukha niya. "Mahal kita, Dolores. Kayo ni Consuelo. Walang ibang babae ang nasa puso ko kundi kayong mag-ina. Mas mamatamisin ko pang mamatay kaysa habang-buhay na kapiling ang babaeng iyon at makita kang nagdurusa."

"Hindi ko kaya, Carlito," gumagaralgal ang tinig niya. Hindi mapigilan ang pagbagsak ng mga luha.

"Ipangako mong maging matatag, Dolores. Ipangako mo..." nakikiusap ang tinig nito.

Hindi niya magawang sumagot. Nagsisikip ang dibdib niya. Ang sinabi ni Carlito ay isang munting kamatayan para sa kanilang mag-ina. Napasulyap siya sa anim na taong gulang na anak na tahimik na natutulog sa sulok ng kubo. At hindi niya alam kung saan galing ang mga luhang ayaw papigil sa paglandas sa mga pisngi niya. Wala nang tinig na lumabas sa bibig niya dahil kagat-kagat niya ang mga labi na gusto nang magdugo.

Hindi lang si Aida ang kalaban niya kay Carlito. Kung si Aida lang ay kaya niyang pakitunguhan. Higit na matindi ang kalaban niya ngayon.

Kanser sa dugo.

TATLONG buwan makalipas ay inihatid sa huling hantungan si Carlito. Tatlong buwang hindi niya ito nakita kahit minsan. Naratay ito sa ospital sa Maynila at gustuhin man niyang umalis ng Davao upang dalawin at makasama ito sa huling sandali'y hindi niya magawa. Nangako siya kay Carlito na huwag aalis ng Davao at manatili lang sa kubo. Hindi nito gustong makita niya ang paghihirap ng lalaki.

At alang-alang kay Carlito ay nanatili siyang nakatanaw sa malayo. Bitbit ang anak ay naroon lang siya sa ilalim ng punong akasya.

"Huwag mong hayaang eskandaluhin at laitin ka niya pagdating ng sandaling iyon, Dolores," bilin ni Carlito. "Ipinagbilin ko kayong mag-ina kay Gonzalo. Siya na ang bahala sa inyo."

"Bakit ka umiiyak, Mama?" ang batang si Consuelo. "At sino ang inililibing?"

Kinagat niya ang mga labi upang hindi mapahikbi nang malakas. Ilang segundo ang pinalipas bago siya sumagot.

"Ang papa mo, Consuelo...wala na ang Papa mo."

Ibinalik ng bata ang mga mata sa grupo ng mga tao sa di-kalayuan. Tumiim ang mga bagang ng batang babae kasabay ng pamumuo ng luha sa mga mata.

TAAS ang noo na bumaba ng hagdan si Aida. Bilang ang mga hakbang at nasa isip na siya na ngayon ang reyna ng Villa Alegra. Sinulyapan ang malaking life-size portrait ni Donya Milagros Asuncion viuda de Alegra na nakasabit sa dingding sa may puno ng hagdan. Lihim siyang napangiti. Palilipasin niya ang ilang araw at ang sariling larawan ang ilalagay niya roon.

Sa ibaba ng hagdan ay naroon ang biyenang si Donya Milagros, tulad niya'y nakaitim din. Nailibing na kahapon si Carlito, ang asawa niya.

"Nasaan si Marcial, Mama?" ang tinutukoy niya'y ang pitong taong gulang na anak.

"Nasa silid niya marahil ang anak mo, Aida," sagot ng matandang babae na aligaga sa pagkakatayo.

"Ang akala ko ba'y nasa silid-aklatan na ang abogadong si Gonzalo, Mama?" wika niya nang nasa ibaba na ng hagdan.

Minsan Dito Sa Puso Ko (Published by PHR) (Completed)Where stories live. Discover now