Chapter Five

38.1K 870 38
                                    


"OH!" bulalas ng dalaga nang mula sa daan ay ituro sa kanya ni Matt ang pupuntahan nila. Nasa ituktok iyon ng burol. Mula sa daan ay natatanaw niya ang malaki at modernong bahay na nakatayo sa itaas ng burol.

"At... nasa itaas ang farm ninyo?" hindi makapaniwalang tanong niya habang ikinaliwa ni Matt ang sasakyan sa isang pribadong daan.

"Bundok ang bahaging ito ng daan noon, Lili. Hinukay at pinatag ng gobierno at ginawang highway. Akala mo lang ay ganoon kataas ang sa amin dahil narito tayo sa ibaba," nakangiting paliwanag ni Matt.

Hindi na nagsalita ang dalaga at inabala ang sarili sa pagtanaw sa labas ng Range Rover. Mga hilerang puno ng rambutan ang nakikita niya na sa malayo'y parang bulaklak ng bagong sibol na bunga ng atsuwete. Ang sumunod niyang napansin ay ang mandarin orchard.

"Beautiful!" bulalas niya sa maliliit na puno na hitik sa malalaking bunga ng mandarin at ilang panahon pa'y aanihin na.

"Karamihan sa mga iyan ay for export," ani Matt na nangingiti sa kislap ng mga mata niya habang pinagmamasdan ang mga puno ng mga prutas.

May itinuro siyang matataas na puno na walang bunga. "I guess that's marang tree."

"Paano mong nalaman gayong wala pa namang bunga? Ilang taon lang ang mga iyan..."

Paano nga ba niyang nalaman? Nagkibit siya ng mga balikat. "May nakita marahil akong puno ng marang na may bunga sa dinaanan natin," ang pinakalohikong eksplanasyong nasabi niya.

Hindi na kumibo si Matt. Hindi nagtagal ay ipinarada na nito ang sasakyan sa harap ng malaking bahay na walang bakod. May ilang sasakyan din siyang napunang nakaparada. Tulad ng dapat asahan ay may matatandang puno na nakapaligid na nagpangyari upang halos hindi matanaw ang araw at magpangyaring maging malamig ang klima. Nag-riot ang mga bulaklak sa paligid. Iba't ibang uri at kulay.

May ilang lamesang nasa lawn. Tatlo sa mga ito ay okupado at nasa kanila ang mga mata. At sa dako pa roon ay may natatanaw siyang mga naglilitson.

"A-ang sabi mo'y simpleng pampamilyang handaan lang ito," akusa niya sa binata. "There are ten tables around..."

Isang mahinang tawa ang pinakawalan ni Matt. "Ganito dito sa probinsiya, Lili. Minsan ay may mga dumarating na hindi inaasahan. Ang ibang mesa'y nakareserba para doon. Relax."

Bakit nga ba siya nininerbiyos gayong sanay siya sa mga ganitong uri ng pagtitipon? Kung tutuusi'y mas malalaki pa kaysa rito. Kung may sinasabi sa buhay ang pamilya ni Matt, sa maginhawang paraan din naman siya pinalaki at pinalayaw ng mga magulang kahit na nga ba hindi marahil kasingyaman ng pamilya Lorenzo.

Isang nakangiting babae na marahil ay nasa mid-forties ang nakangiting sumalubong sa kanila.

"Here's my mother," bulong ni Matt sa kanya.

"Mabuti at nandito ka na, hijo," wika nito sa local dialect. At pagkatapos ay nilinga si Lili. Agad na napahinto ito sa paghakbang at tinitigan nang husto ang dalaga. "You must be Lili," wika nito makaraan ang ilang saglit na bahagyang pagkatigalgal. "Forgive me for staring pero tama ang anak ko, mapagkakamalan kayong magkapatid ni Melissa." Inilahad nito ang kamay. "Ako si Veronica, hija. You can call me 'Tita' or plain 'Veronica.'"

"Kumusta po kayo..." nakangiti niyang inabot ang kamay nito. Medyo napanatag ang loob sa mainit na pagbati.

Ikinawit ng babae ang braso sa kanya. "Matt, hijo, tingnan mo ang nililitson at baka puwede nang ihain." pagkatapos ay inakay nito si Lili patungo sa isang mesa. "Come and meet Melissa's parents. Tulad ko'y magugulat din sila sa similarity ninyo ng kanilang anak."

Minsan Dito Sa Puso Ko (Published by PHR) (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon