CHAPTER 27: To Hold On and To Let Go

2.6K 87 56
                                    

CHAPTER 27: To Hold On and To Let Go


LUTANG. Sa tingin ni Andy, ayun ang perpektong salita na magde-describe sa kanya ngayon.

Ano na bang iisipin niya? Ano na bang gagawin?

Ano… na ba ang nangyayari?

Nasa gitna sila ng klase, pero hindi makapag-focus si Andy sa lesson nila. Ilang araw na siyang nagkakaganon, mula nung umamin si Michael sa nararamdaman para kay Alannah, at nung…

Naisapo bigla ni Andy ang isang kamay sa kanyang mukha nang bumalik sa kanyang isipan ang ginawang pag-amin sa kanya ni Demi at ang paghalik nito sa kanyang mga labi.

Mula sa kanyang mga mata, pinadulas niya ang kanyang kamay pababa sa kanyang bibig. Ang halikan siya ni Demi…

Tsk.

Gustong lumingon ni Andy sa kanyang likuran para tingnan si Alannah, pero hindi niya magawa. Hindi niya kaya, lalo na at katabi nito si Michael.

Isang linggo na ang lumipas at walang kung anumang pagbabago sa sitwasyon nila. Hindi sila nag-uusap. Ni tumingin sa mata ng isa’t isa, hindi nila magawa.

Kahit si Demi, tumigil na lang bigla sa pagpunta sa kanya kada lunch break. Nagkakakitaan na lang sila minsan sa campus, pero hindi nila nilalapitan ang isa’t isa.

“Oy, Guillermo,” tawag ni Mr. Cruz kay Andy, ang guro nila sa Humanities. Kakatapos lang nito sa klase nila at handa nang umalis bitbit ang lesson planner. Pero kaysa dumiretso labas ng kuwarto ay bumaba ito ng platform at nilapitan siya.

“Po?” sagot niya habang nakapangalong-baba. “Ack!” Napahawak siya sa ulo niya kung saan biglang hinampas ng guro ang hawak na planner. Hindi naman iyon masakit, pero nagising nang todo ang diwa niya.

“Kung akala mo hindi ko napapansin, nagkakamali ka.” sabi ng guro sabay halukiphip. Seryoso ang mukha nito at may kalaliman ang boses. “Ilang araw ka nang wala sa sarili tuwing nagka-klase ko. Ulitin mo ‘yan bukas, sige, ipapatawag ko na mga magulang mo.”

Ano?! Halos maisigaw niya sa pagkagulat. Agad niyang na-imagine ang magiging itsura ng kanyang ama kapag mangyari iyon. Walang emosyon pero nakakatakot. Sasakalin ako no’n ni Papa!

Hindi na siya nakasagot kay Mr. Cruz. Hindi na rin ito nagsalita pa at binigyan na lang siya ng iling bago tuluyang umalis.

Napabuntung-hininga si Andy. Sa mga sumunod na klase, pinilit niyang mag-focus—o pinilit magpanggap na nagfo-focus sa lesson. Effective naman siguro dahil wala nang guro ang nanita pa sa kanya.

Pagdating ng lunch break, nanlalata siya. Saglit siyang nanatili sa puwesto niya habang nakasalampak ng upo at nakatingin sa kisame. Mayamaya ay tumayo siya at tumingin sa puwesto ni Alannah. Gusto niya itong makita, kaso wala na ito roon. Kahit si Michael wala na.

“Andy!”

Boses iyon ni Demi. Naestatwa si Andy nang marinig iyon pero mabilis din siyang naka-recover. Tumingin siya sa pintuan at nakitang nakatayo roon ang dalaga, ang mga labi ay may ngiti. Hindi iyon ang ngiti nito na masaya, at hindi rin ‘yong usual nitong ngiti na nakakaloko. Ang ngiti nito ngayon, para bang nagsasabi na “Okay lang ang lahat.”

Pero hindi pa okay si Andy. Sa mga oras na iyon habang nakatingin kay Demi, napakabilis ng tibok ng puso niya.

Sa kabila no’n, nilapitan niya ang dalaga at sinikap na gantihan ang ngiti nito.

“Demi…” sa mahinang boses, ayun lang ang nagawa niyang banggitin.

“Tara, lunch tayo. My treat.” yaya ni Demi, ang ngiti nito ay hindi nagbabago.

Love Me, BabyWhere stories live. Discover now