CHAPTER 46: Boys' Dilemma
PAGKARATING ni Andy sa tapat ng tahanan ng mga Añonuevo, huminto siya sa may gate at tumitig sa bintana sa may sala.
Hindi siya dapat naroon. Dalawang araw pa lang ang nakalilipas mula noong huling dalaw niya roon para gumawa ng school works kasama si Alannah at ang kapatid nito. At ang napagplanuhan nila ng nobya ay sa Pasko na ulit magkita. Tapos nandoon na naman siya? Nang wala pang paalam.
"Kuya Andy?" Gulat na gulat at sobra ang pagkakunot-noo ni Gabriel nang makita siya. Kalalabas lang nito mula sa front door, ang pormahan ay halatang maglalaro ng basketball.
Nginitan niya ito nang nakakaloko. "Yo!"
Lalong kumunot ang noo ni Gabriel. Aligaga itong tumakbo palapit sa may gate at lumabas para harapin siya.
"Bakit ka nandito?" Pilit nitong hinihinaan ang bose kahit halatang nais siya nitong sigawan. "Hindi ba ang sabi ko, huwag ka muna magpunta at wanted ka nga ngayon dito?"
Totoo iyon. Kagabi nang maglaro sila, sinabi nga ni Gabriel ang bagay na iyon sa kanya.
"Okay lang ba ate mo?" natanong niya rito kagabi thru voice chat habang nasa lobby sila ng nilalarong MOBA game. "Para kasi siyang may iniisip na kung ano na sobrang lalim. Kapag nagtatanong naman ako, wala lang palagi sagot niya."
"Nag-away na naman kasi sila ni Daddy--ay." Tunog nadulas lang ito sa impormasyon na iyon. Nabigla naman siya dahil hindi iyon nabanggit sa kanya ni Alannah.
"Bakit naman? At kailan 'yon? Kagabi lang ba?"
"Hindi. Tsk. Basta ayun na 'yon. At saka huwag ka muna pupunta rito. Wanted ka."
"So... ako ang dahilan bakit na naman sila nag-away?"
"Basta. Parang ganon na nga."
"Parang ganon na nga? Ano ba talagang nangyari? Bakit nagtalo na naman sila dahil sa akin?"
"Basta nga! Hay nako! Lilipas din 'yon. Tara na isa pang game!"
Hindi na niya kinulit noon si Gabriel. Naintindihan niya, ayaw nitong maglabas pa ng ibang detalye dahil alam nila pareho, si Alannah dapat ang nagsasabi ng mga iyon sa kanya. Pero dahil hindi nga nagkukuwento si Alannah tungkol doon at dahil hindi siya mapakali, naisipan niyang puntahan na lang muli ang nobya.
"Uhm, may nadala kasi akong notebook ni Nah noong nakaraan. Isasauli ko lang sa kanya." dahilan niya kay Gabriel na nakakunot-noo pa rin sa kanya.
"Sinungaling!" Pigil ulit na sigaw nito sa kanya.
"'De, meron nga, pramis. Nandito sa bag ko." Tinuro niya ang suot na string bag.
"Akin na, ako na ang magbibigay kay Ate!" Nag-abot ito ng isang kamay.
"Hindi puwede. Pang-aming dalawa lang ang notebook na iyon."
"Hindi ko naman bubuklatin 'yan!"
"Hindi na, ako na ang magbibigay." Tinapik na niya palayo ang kamay ni Gabriel. "Gusto ko makita ate mo."
"Ang kulit, bawal nga muna!"
"Gab, sino 'yan?" tanong ng mommy nina Gabriel. Sumilip ito sa may front door at namilog ang mga mata nang makita siya. "Uy, Andy."
"Good afternoon po, Tita Nix!" masaya niyang bati rito. Halos hindi naman maipinta ang mukha ni Gabriel. "Sorry po sa abala. May iaabot lang po sana ako kay Nah. Puwede ko po ba siya makita at makausap saglit?"
Mukhang nalito ang ina ng kanyang nobya. Pero kagaya ng lagi nitong pagtanggap sa kanya tuwing bumibisita siya, pinatuloy siya nito sa loob ng bahay. Habang si Gabriel ay badtrip na umalis.