CHAPTER 42: Mad

319 16 7
                                    

CHAPTER 42: Mad


"KHEL."

Napakurap si Michael nang tawagin siya ni Alannah sa gitna ng pagkatulala niya.

"Tara lunch tayo." nakangiting yaya nito sa kanya. Doon niya naalala na lunch break na nga pala nila.

Tumingin si Michael sa harapan ng classroom kung saan nakapuwesto ng upo si Andy. Abala ito mag-ayos ng gamit, malamang para mananghalian kasama ang girlfriend.

"Ah, sige lang. Dito lang ako magla-lunch." tanggi na niya kay Alannah.

Isang linggo na ang nakalipas mula nang mag-resume ang klase nila. At nagmula noon, hinahayaan na niya ito at si Andy na mananghalian nang magkasama. Sumasabay na lang siya sa mga ito tuwing uwian. Siyempre, ayaw naman niyang maging third wheel palagi sa mga ito. At saka sa school na nga lang nagkikita ang dalawang iyon. Nagkukusa na lang din siya dahil kahit walang sinasabi si Andy, alam niya na gusto nitong masolo ang girlfriend hangga't maari. Kung siya lang din kasi ang nasa katayuan ni Andy, ganon din ang mararamdaman niya e.

"This time, pipilitin ka naming sumama sa amin." tumayo at nagpamewang si Alannah. "Sasamahan din kasi namin na mag-lunch si Demi."

Si Demi? Napaisip pa siya noong una kung bakit sasamahan nina Alannah si Demi na mananghalian, e ang pagkakaalam niya ay next week pa ito makakapasok muli dahil sa school suspension na pinataw ng Double A dahil sa pakikipag-away nito kay Cristina. Pero agad din niyang naalala na iniksian pala ng school officials ang sanction kay Demi. Mula 10-day school suspension, ginawa iyon na limang araw na lang matapos magsalita ang kaklase ni Demi na isa sa mga witness sa totoong nangyari. At kung noong una ay si Demi lang dapat ang mapaparusahan, nakapagdesisyon ang Double A na ipataw ang parehong sanction kay Cristina.

"Ayaw mo ba?" nagkaroon ng pag-aalala sa hitsura ni Alannah nang hindi siya sumagot tungkol sa pagsama nila kay Demi na mananghalian.

"Ha? Hindi... Hindi sa ayaw ko 'no. Ang tanong kasi ro'n, gusto ba akong makasabay ni Demi na mananghalian? Hindi kaya ako kinausap no'n buong sem break." Hindi maiwasan ni Michael na magtunog nagtatampo. Naiinis din siya dahil sa kabila ng pag-aalala niya matapos ng nangyari kay Demi, pinili nito na isnabin lang ang pangangamusta niya. Kahit simpleng I'm okay lang, matatanggap pa sana niya e. Sanay naman siya na makatanggap ng tipid na reply mula rito. Kaso nang-seenzone lang ito sa mga chat message niya bago tuluyang nag-deactivate ng SNS account.

"Sus, hindi ka pa nasanay ro'n! Ako rin kaya, hindi niya kinausap buong bakasyon. Kung hindi pa nga nagpumilit si Andy na kausapin siya sa bahay nila noon, hindi rin sila magkakausap na dalawa."

Natauhan bigla si Michael. Oo nga, bakit ba siya magtatampo? Pare-pareho lang silang inisnab ni Demi noong sem break.

Lumapit si Andy sa kanila ni Alannah at niyaya na silang bumaba. Hindi na tumanggi si Michael at sumama na sa mga ito.

Naabutan nila si Demi na nakatayo sa labas ng canteen at hinihintay sila. Hindi ito nakangiti, pero hindi rin nakasimangot. Mukha itong nahihiya nang makaharap muli silang tatlo.

"Demi, welcome back!" masayang bati ni Alannah sa dalaga.

"Welcome back." bati rin ni Andy sabay himas sa ulunan nito.

Pinigilan ni Michael na matawa sa eksenang iyon. Hindi kasi maipinta ang mukha ni Demi. Halatang nagtatalo ang isipan nito kung ngingiti ba o sisimangot sa ginawang pagbati nina Alannah at Andy.

Biglang inangat at binaling ni Demi ang tingin sa kanya. Babatiin din sana niya ito kaso sinimangutan siya nito at agad iniwas ang tingin.

Nakaramdam ng panlalamig si Michael. Bakit parang may ginawa akong mali?

Love Me, BabyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon