4 - UNIFORM

2.9K 73 0
                                    

4—UNIFORM

Kinabukasan, maaga akong nasa labas ng pintuan habang hinihintay si Lyka. Dala-dala ko ang mga papel at lapis na ibinigay niya sa akin. Hawak ko rin ang name tag na ginawa ng Kuya Lenard ko para sa akin, mamaya ko na lang susuotin para hindi agad masira.

"Jaja!"

Patalon akong lumapit kay Lyka nang narinig kong tinawag niya ako. Kasama niya ang mama niya na si Tita Sabel.

"Tara po?" masaya kong turan kay Tita Sabel. Ngumiti naman siya sa akin.

Hinila ni Lyka ang kamay ko at sumabay siya sa akin sa paglakad papuntang eskwela. Ang dami pa niyang kwento tungkol sa mga kaklase at sa titser niya. Kaya mas lalo akong natuwa sa mga narinig.

Nang nasa eskwela na kami ay nakita ko na magkakatulad ang mga damit ng mga bata.

Hinihila ako ni Lyka sa loob ng silid nila pero biglang ayaw ko nang pumasok. Hindi kasi katulad ng kanila ang suot kong damit na pambahay lang.

"Lyka, iba damit ko," nalulungkot kong sabi.

Imbis na sumagot si Lyka ay tiningnan niya ang mama nito. Umiling si Tita kaya nalulungkot na binitawan ako ni Lyka, pagkatapos ay pumasok na sa silid niya.

"Pasensya na, Ja, ha? Pero h'wag kang mag-alala, kakausapin ko ang teacher ni Lyka at ang papa mo," sabi sa akin ni Tita Sabel. Ngumiti na lang ako sa kanya.

Umupo si Tita Sabel doon sa isang kubo kasama ang iba pang mga magulang na nagbabantay sa kanilang mga anak. Ako naman ay nagkasya na lang sa pasilip-silip mula sa labas ng bintana ng silid nina Lyka.

Pasimple akong nakinig sa titser at sinusubukang gawin ang mga pinapagawa nito sa kanyang mga estudyante. Ginawa ko pang pamatong ang pader sa tabi ng bintana para di ako mahirapan sa pagguhit.

Natutuwa ako sa mga nakikita ko, parang ang sarap umupo sa isa sa mga malilit na upuan doon at makisali sa diskusyon. Parang ang sarap maging estudyante.

THE UNWANTED DAUGHTERTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon