14 - BANGUNGOT

1.3K 51 11
                                    

"Ate Carmen..."

Dinilat ko ang mga mata ko nang maramdamanang may gumigising sa akin. Mabilis akong lumayo at sumiksik sa pader.

"Ate, ako lang 'to, si Lourdes," malumanay at maingat na sabi ni Lourdes.

Hinayaan ko muna ang sarili kong mahimasmasan bago ako tumayo at bumalik sa kama.

"Napanaginipan mo na naman ba?" tanong ni Lourdes.

"Oo," tipid kong sagot bago bumalik sa higaan namin.

"Nakita mo ba ang mukha nila?" tanong ni Des. Hindi ko na maalala kung ilang beses na niyang naitanong sa akin iyon dahil sa bawat bangungot ko ay lagi siyang umaasa na maaalala ko ang mga mukha nila.

"Hindi e, madilim ang buong lugar at wala akong binabanggit na pangalan," pagkwento kong muli sa kanya.

Huminga naman siya nang malalim na para bang nanghihinayang. Naiintindihan ko na gusto niyang makilala o makita ko ulit ang pamilya ko. Ako rin naman, base sa mga napapanaginipan ko na hindi ko alam kung totoo bang nangyari o hindi, alam kong mahirap ang pamilya ko. Gusto ko sanang malaman kung na saan sila o kumusta sila, pero hindi ko magawa dahil kahit palayaw nila ay hindi ko matandaan.

"Ganoon ba? Hayaan mo sa susunod sigurado akong maaalala mo na," muling sambit ni Des, na ilang beses ko na ring narinig mula sa kanya.

"Ang mabuti pa matulog na ulit tayo dahil maaga pa ako sa bayan bukas at maaga ka ring papasok," nakangiti kong sabi sakanya.

Napasimangot naman siya sa sinabi ko bago ako sinagot, "Kasi naman dapat ikaw na lang pinag-aral, hindi naman ako mahilig sa mga aral aral na 'yan, e!"

"Para sa iyo naman din' yan, Des. Maniwala ka sa akin kapag nakapagtapos ka madaming bagay ang kaya mong gawin," patuloy kong panghikayat sa kanya.

"Bakit ikaw, madami ka naman kayang gawin pero hindi ka naman nakapag-aral kahit grade 1!"

Hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa sa sinabi niya o maging malungkot. Marahil ay tama siya, madami nga akong kayang gawin pero hindi naman ako nabibigyan ng oportunidad dahil hindi ako nakapag-aral.

Ang mga oportunidad sa panahong ito ay para lang sa mga edukado at may pera, at parehas akong hindi nabibilang sa dalawa.

Napansin ni Des na nanahimik ako kaya ngumiti siya sa akin na parang nanlalambing.

"Gusto mo bang pilitin ko ulit sina nanay para pumayag na mag-aral ka?" tanong niya sa akin.

Nginitian ko na lang siya at hindi na siya sinagot. Kahit ilang beses man akong makiusap, hindi naman ako pinapakinggan. Simula bata hanggang ngayong magdalaga.

Siguro nga tama nga ang sinasabi sa akin ng ibang tao, na kawawa ako dahil kahit mismong pinanggalingan ko ay hindi ko ma maalala. Pero kahit na ganoon ang nangyari sa akin, dapat pa rin akong magpasalamat dahil patuloy pa rin ang buhay ko.

NAGISING ako nang maaga kinabukasan para ipagluto sila ng almusal at baon ni Lourdes, pagkatapos ay inayos ko na ang mga paninda ko na dadalhin ko sa terminal.

Naglakad ako papunta sa terminal kasabay ng ilang mga kapitbahay na maglalako rin ng kanilang paninda.

"Gusto mo bang kutsinta, Carmen?" tanong ni Aling Susing, isa sa mga kasabay ko.

"Ay, hindi na po. Baka mabawasan pa ang kita niyo," sabi ko sa kanya.

Tumigil siya at saka nagbalot ng iilang kutsinta, "Ikaw talagang bata ka, kunin mo 'to at saka mo kainin bago ka maglako," sabi niya sa akin sabay lagay ng supot sa aking dalang timba.

"Salamat po," sabi ko.

Nang nasa terminal na kami, pumwesto kami sa mga maraming dumadaan na tao. Sila ay papasok sa kani-kanilang mga trabaho na pinipiling bumili na lamang ng almusal sa halip na magluto pa.

"Dalawa pong mais," hinihingal na sabi ng isang babae na nagmamadaling inaabot ang kanyang pera sa akin kaya mabilis ko ibinalot ang dalawang mais para sa kanya.

Hindi na niya kinuha ang kanyang sukli at tumakbo na palayo, na madalas mangyari dahil sa pagmamadali nilang pumila para makasakay ng jeep.

"Mabenta ngayon, Carmen, bagong sweldo ang karamihan," natutuwang sambit ni Aling Susing habang may binebentahan din.

"Buti nga po dahil kailangan na ng gamot ni Tito," sabi ko.

Inirapan naman ako ni Aling Susing sa narinig mula sa akin, "Ewan ko ba sayong  bata ka, kung hinanap mo na lang sana ang totoong pamilya mo, hindi ka na magiging sunud-sunuran pa sa kanila."

Ngumiti na lang ako at minabuting h'wag na lang magkumento dahil hindi ko rin naman alam kung mas makakabuti ba sa akin na hanapin pa ang totoong pamilya ko.

THE UNWANTED DAUGHTERTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon