5 - BUBOG

2.8K 73 11
                                    

5—BUBOG

Patakbo akong pumunta kina Tita Sabel nang nakita kong dumating na si tatay sa bahay. Ang sabi ni Tita ay kakausapin niya ang tatay ko para makapag-aral na ako, gaya ni Lyka.

"Tita Sabel, dumating na po si tatay ko!" masaya kong wika.

Tinanguan naman ako ni tita pagkatapos ay hinawakan ang kamay ko at sabay kaming pumunta sa bahay namin.

Nang nasa bahay na kami ay nakita kong kumakain na si tatay ko. Tulad ng dati, sobrang gutom na gutom.

"Tay, nandito po si Tita Sabel, usap po daw kayo," sabi ko na hindi mapigil ang saya.

Bahagyang bumakas ang pagtataka sa mukha ng tatay ko pero magalang naman niyang pinaupo si Tita Sabel.

"Anong pinunta mo dito, Sabel?" tanong ni Tatay.

"Anak, puntahan mo muna si Lyka. Kakausapin ko 'tong tatay mo," sabi sa akin ni Tita.

Lumabas ako pero hindi ako pumunta kina Lyka. Gusto kong marinig sasabihin ni tatay. Kaya nanatili akong nasa likod ng pinto.

"Kuya, kailan mo balak i-enrol si Janelle?" Narinig kong tanong ni Tita.

"Sabel, sobrang gipit kami para unahin ko pa ang pag-aaral ng batang 'yan. Kung 'di sana siya nabuhay e may kasama pa ako bubuhay sa mga anak ko!" Malakas na sagot ni tatay at bakas doon ang galit.

Hindi ko naintindihan ang sagot ni tatay kaya pinagpatuloy ko ang pakikinig sa pag-uusap nila.

"Pero kuya, gustong mag-aral ni Jaja! At bakit siya pa rin ang sinisisi mo?" Tanong ni tita na napapalakas na rin boses.

"Wala akong pakialam, Sabel. Sabi ko nang ilayo mo sa akin ang batang 'yan, hindi ko siya kailangan dito," muling sabi ni tatay. Pagkatapos ay narinig ko na may nabasag.

Hindi ko alam kung bakit bigla tumulo ang mga luha ko. Naguguluhan ako pero nakaramdam pa rin ako ng sakit.

Bakit gusto akong ilayo ni tatay?

"Walang ginagawa sayo si Jaja, kuya. Ba't ganyan kakitid 'yang utak mo?" galit na tanong ni tita.

"Tigilan mo ako, Sabel. Umalis ka na."

Iyon ang huli kong narinig bago bumukas ang pinto. Natumba pa ako dahil nakasandal ako sa pinto.

Mukhang nagulat si Tita Sabel na nandoon ako. Tumayo ako at ngumiti sa kanya. Malungkot siyang ngumiti sa akin pagkatapos ay umiling siya sa akin.

"Bakit po?" tanong ko habang tinitingnan siya pagkatapos ay inilipat ko tingin ko sa tatay ko na kakatapos lang kumain at pumasok na sa kwarto.

"Hindi ka muna mag-aaral, Jaja," sabi sa akin ni tita pagkatapos ay umalis na sa bahay namin.

Muli akong naiyak pero mahina lang dahik ayaw kong marinig ako ni tatay. Ayaw kasi niya na umiiyak ako dahil mapapalo ako.

Tahimik kong lumapit sa mesa para kumain pero nakita kong wala ng natira. Lalo akong naiyak pero pinigilan ko dahil nakita kong lumabas si tatay sa kwarto.

"Iligpit mo na 'yan," utos ni tatay.

"Opo," mahinang sagot ko at nagsimula na sa pagligpit ng pinagkainan nya.

Walang baso sa mesa kaya baka 'di pa umiinom ng tubig si tatay. Agad ako kumuha ng baso para bigyan ng tubig si tatay.

Pupuntahan ko na sana siya sa sala nang may naapakan ako. Tiningnan ko at nakitang basag na baso iyon. Nang may nakita akong dugo ay nabitawan ko ang basong hawak ko kaya nabasag.

"Ano ba 'yan?!" malakas na sigaw ni tatay. Magtatago sana ako pero muli akong nakaapak ng bubog.

Pigil ko pa rin ang pag-iyak kahit sobrang masakit na.

Narinig ko ang paglapit ni tatay at nang makita ang mga bubog ay binuhat niya ako at pinalo nang pinalo.

"Tatay, isa lang po basag ko, tatay. Kita ko lang po d'yan 'yung isa pa," sabi ko pero 'di ako pinakinggan ni tatay at muli pa akong pinalo.

"Bwisit ka talagang bata ka," sabi sa akin ni tatay pagkatapos ay biglang binitawan kaya nalaglag ako.

Nang wala na si tatay ay tuloy tuloy ang pagluha ko. Masakit man ay pilit kong inalis ang bubog sa mga talampakan ko.

Tiningnan ko ang mga bubog at napailing. Hindi naman ako ang nakabasag doon sa unang baso.

THE UNWANTED DAUGHTERWhere stories live. Discover now