Wakas

525 33 14
                                    

Hindi kailanman naging bago sa akin ang paniniwala na mayroong kababalaghang nakakubli sa ating mundo kaya naman hindi rin nito naikubli ang kagustuhan kong magtunghayan ang higit pa sa nakikita ng aking mga mata.

Ngayon, hindi ko na alam kung dapat pa ba akong magalak dahil kahit paano ay natunghayan ng sarili kong mga mata ang isa sa maraming bunga na kaakibat ng kakaibang kakayahan nila.

Ang hirap pala.

Hindi ko matanggap na hindi pala siya matatag.

Hindi ko matanggap na nagpalamon siya sa takot.

Isang taon na rin ang nakalipas ang nang bumalik kami sa ibang bansa para sa pag-aaral ng aking kapatid. Dito, balik sa dati ang buhay namin. Malayo sa kung ano ang mayroon kay Cleo.

Kahit nalayo kami ay hindi ako nagpalipas ng isang araw para kamustahin si Cleo sa kaniyang kalagayan. Noong una ay ayos lang ang kaniyang kalagayan pero nakalulungkot malaman na unti-unti na siyang tinatakasan ng katinuan. Nakalulungkot malaman na unti-unti siyang nagpakain sa takot na kaniyang nararamdaman.

Sigurado ako na iyon ang bagay na nakita niya pero hindi niya sinabi.

Nasa kusina ako at naghahanda ng hapunan namin. Ilang oras na lang ay parating na rin si Papa galing sa trabaho. Si Mama naman ay nasa sala habang tinuturaan ang kapatid ko sa kaniyang mga takdang aralin.

Habang naghihiwa ng gulay ay bigla na lang dumulas ang kutsilyo sa aking kamay. Nakita ko ang dugo na nagmula sa maliit na hiwa sa aking palad. Ganoon nalang ang kaba na aking naramdaman sa hindi malamang dahilan. Isinahod ko sa lagaslas ng tubig ang maliit kong sugat.

"Kuya, may tumatawag sa'yo." Malakas na sigaw ng kapatid ko kaya naman napukaw niya ang aking atensyon habang itinataas sa kaniyang kamay ang aking telepono.

Agad ko itong kinuha sa kaniya nang makita ko na si Tita Alexandra ang tumatawag.

"Bakit po napatawag kayo Tita?" Wika ko.

Isang matinding kaba ang naramdaman ko ng marinig ko ang pagtangis niya sa kabilang linya.

Ilang sandali...ilang sandali ang lumipas nang siya'y magsalita.

Para akong nabingi at ang tanging narinig ko lang ay ang mahinang pintig ng aking puso.

Ilang sandali na parang matagal na katahimikan nang sabihin ni Tita na wala na ang aking pinsan.


Balintataw (to be published by Lifebooks)Where stories live. Discover now