Ika-Limang Kabanata: Salagimsim

330 26 6
                                    

Masyadong maliwanag, nasisilaw ang mata ko, maiinit at mabigat ang aking pakiramdam. Bahagya kong itinaas ang aking kamay upang takpan ang liwanag nang makaramdam ako ng hapdi at kirot. Nararamdaman ko rin ang pagpintig ng aking sentido dahil sa sobrang sakit ng ulo.

"'Wag ka nang gumalaw," Narinig ko ang pamilyar na boses ni Papa na sumuway sa akin.

"Pa?" Pagtawag ko pero hindi siya sumagot at sa halip ay naramdaman ko ang bahagyang paglubog ng aking kama. Dumampi ang palad niya sa aking noo at hinawi ang buhok na nakaharang sa aking mukha. Doon ko lang napansin ang swerong nakakabit sa aking mga kamay. Inilibot ko ang aking paningin sa silid at wala akong nakita maliban sa kulay puting paligid. "Ano pong nangyari? Bakit ako nandito?"

"Wala ka bang naalala? Dalawang araw ka na rito sa ospital mula nang mahulog ka sa hagdan."

"Ha? Ano po?" Habang pinipilit akong tumayo mula sa aking pagkakahiga. "Wala akong..." Napahinto ako sandali nang magbalik sa aking ala-ala ang mga nangyari.

Ang pagpilit kong makawala, ang isang hakbang na ipinilit ko para makatakas...ang habkang na naghulog sa akin sa kawalan.

"Naalala mo na ba?"

Bahagya akong tumango bilang tugon.

"Ang dami po nila..." Mahina kong wika pero sapat para madinig ng aking ama.

"Ha? Ano? Sino?" Gulong-gulo niyang itinanong sa akin.

"Papa maniniwala ka ba sa'kin kung sasabihin ko na may mga nakikita ako na hindi ko dapat nakikita?" Hindi ko mawari kung takot o pagkabigla ba ang mababakas sa mukha ni Papa matapos ko sabihin ang mga salitang tinuran ko. Ibinuka niya ang kaniyang bibig waring may nais sabihin pero hindi niya itinuloy.

"Kamusta ba ang pakiramdam mo?" Pag-iiba niya ng paksa na siyang ikinainis ko.

"P—papa, kung hindi ka po naniniwala kahit pakinggan mo na lang po ako...pakiusap." Pautal-utal kong isinagot sa kaniya dahil nararamdaman ko na sa aking sarili ang pagtangis na nais kumawala. Hinawakan niya ang aking kamay at tinignan niya ako ng diretso sa aking mga mata.

"Hindi sa hindi ako naniniwala, naniniwala ako pero..." Nginitian niya ako. "Natatakot ako." Bahagyang pinisil ng aking ama ang palad ko, sa kabila ng ngiti niyang 'yon ay ramdam ko ang takot at kaba dahil sa lamig ng kamay niya. "Natatakot akong matulad ka sa taong nakilala ko, natatakot akong lamunin ka rin ng takot mula sa kanila." Dugsong pa niya. Hindi ko naiintindihan pero isa lang ang malinaw...takot.

"Sino po?"

"Ang kapatid ng Mama nila Strace. Ang...dati kong kasintahan." Wika niya sabay ng pagguhit ng malungkot na ngiti mula sa kaniyang labi. Ang paksa na kaniyang iniiwasan. Ang paksa na iniiwasan nilang lahat. Ang taong ayaw nilang pag-usapan. "Kagaya mo, malawak din ang mundong nakikita niya. Matatag siya, oo. Hindi ko siya kinakitaan ng kahinaan kahit may takot siyang nararamdaman."

Bakas sa mukha ni Papa ang saya at lungkot pagsariwa sa alaala ng yumaong kasintahan.

"O baka hindi niya lang ipinakikita...o baka hindi ko lang nakita." Nakayuko si Papa habang nakayukom ang palad. Pahina ng pahina ang kaniyang tinig habang nagsasalita. Boses niyang may halong pagsisisi. "Ayokong maulit 'yon. Ayokong lamunin ako ng takot dahilan para hindi makita ang higit na takot na mayroon ang tulad niyo."

Hindi ko alam kung saan ko nakuha ang lakas upang magsalita. Marahil ay ayoko na maramdaman muli ng aking ama ang pagsisisi niya.

"Ang dami po nila noong nakaraan...hindi ko alam kung po saan ako pupunta, tinatawag ko po kayo pero hindi niyo ako naririnig." Nagsimula na akong umiyak. Hindi ako ganito.

Balintataw (to be published by Lifebooks)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon