Ika-pitong Kabanata: Tangwa

293 21 10
                                    

Tanghali na nang magising ako dahil sa alinsangan ng paligid at medyo maingay na rin bukod sa Sabado na ngayon. Pagbaba ko sa sala ay ang kapatid ko lang ang naabutan kong sarap-buhay na masayang nakaupo sa harap ng telebisyon habang nanunuod.

Naramdaman ko ang aking sikmura kaya naman dumiretso na ako ng kusina at naabutan ko si Tita Alexandra. Nagtimpla na lamang ako ng kape at kumuha ng ilang pandesal at pinalamanan na lang bilang aking almusal kahit pa halos oras na ng tanghalian.

"Wala ba kayong balak manatili na lang dito?" Tanong ni Tita Alexandra sa akin habang ako ay tahimik na kumakain sa may hapag-kainan.

"'Di ko po alam kina Papa. Nagbakasyon lang naman po kami ngayon dito, babalik rin po kami dun bago pasukan ni Tracy." Sagot ko. Kung ako naman ang tatanungin ay mas gusto ko pa rito kaysa sa bahay namin sa ibang bansa.

"Gano'n ba?" Wika niya at hindi na muling nagsalita at pinagpatuloy na lamang ang pagliligpit ng mga kung anu-anong gamit sa kusina. Pinapanuod ko lang siya habang tinatapos ang gawain. Sinusundan ko lang ng tingin ang bawat kilos niya. Natutuwa akong panuorin ang ibang tao na namana ko sa aking ama.

"Bakit n'yo po hinayaang lumabas si Cleo kasama si Sean?" Tanong ko habang minamasdan siyang iligpit ang mga pinggan sa may banggera. Panandalian siyang napahinto at hindi sumagot pero tumuloy rin.

"Bakit naman hindi?"

Hindi ako nakasagot.

"Alam ko Strace, alam ko nag-aalala ka lang kay Cleo, pero nakasisiguro naman akong mabuting tao si Sean. Isa pa, sa dalawang buwan nilang pagkakakilala, si Sean ang dumadalaw dito sa bahay at hindi si Cleo ang dinadala niya sa kung saan." Pagpapaliwanag niya.

Hindi naman iyon ang tinutukoy ko. Alam ko naman na alam ni Tita ang ibig ko sabihin dahil nakikita ko kung paano siya mag-aalala pero bakit hindi iyon ang isinagot niya.

"Sige maiwan muna kita at may gagawin pa ako." Wika niya bilang pag-iwas sa akin.

Tumango na lamang ako bilang tugon sa kaniya.

Nagpaalam si Cleo na lumabas kanina kasama si Sean pero lagi na lang hindi maganda ang kutob ko sa tuwing magkasama sila. Pakiramdam ko ay kahit anong oras p'wedeng mawala sa amin ang pinsan ko.

* * * *

"SEAN!" Pagsigaw ko ngunit tila hindi niya ako narinig. Kahit ang sarili ko ring tinig ay hindi ko nadinig.

"Sean!" Pag-ulit ko pero wala. Pinilit kong tumakbo upang habulin siya, halos magkandarapa ako para lamang abutan siya. Kahit anong sigaw ko ay nakapagtatakang hindi niya ako naririnig at patuloy lang siya sa paglalakad.

Patuloy sa paglalakad patungo sa kamatayan. Ang kasama niyang nilalang ay lumingon sa akin at binigyan ako ng isang ngiti na hindi kanais-nais at kahit minsan ay hindi ko naiinising makita.

Patawid na siya ng daan ngunit bigla na lamang nawala lahat ng kaniyang kasabay.

Napahinto ako bigla nang makita ko sa kabilang dako ay may paparating na matulin na sasakyan. Isang malakas na busina ang umalingawngaw sa buong lugar ng mga sandaling iyon kasabay ang samu't saring tinig na nagsisigawan at naghihiyawan. Pakiramdam ko ay bumagal ang oras at huminto ang aking paligid.

Ayoko...ayokong makasaksi muli ng gano'n. Wika ko sa aking isip nang maalala ko ang pamilyar na eksena gaya ng sa liwasan.

Nanlambot ang aking tuhod nang biglang tumahimik ang buong paligid. Namapayapa ang biglaang gulo ng sandali. Tila hindi ko maramdaman ang aking binti kaya ako'y napasalampak sa aking kinalulugaran habang patuloy ang pag-agos ng aking mga luha.

Balintataw (to be published by Lifebooks)Where stories live. Discover now